Mga Awit 76
Magandang Balita Biblia
Diyos ang Magtatagumpay
Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.
76 Tunay na si Yahweh'y kilala sa Juda,
sa buong Israel, dakilang talaga;
2 nasa Jerusalem ang tahanan niya,
sa Bundok ng Zion, doon tumitira.
3 Lahat ng sandata ng mga kaaway,
mga pana't sundang, baluting sanggalang, doon niya sinirang walang pakundangan. (Selah)[a]
4 O Diyos, dakila ka, ikaw ay maringal
higit pa sa matatag na kabundukan.[b]
5 Walang magawâ, matatapang na kawal, binawi ng Diyos ang taglay na samsam;
nahihimbing sila at nakahandusay,
mga lakas nila, lahat ay pumanaw.
6 Nang ika'y magalit, O Diyos ni Jacob,
sakay at kabayo'y pawang nangalugmok.
7 Ikaw, O Yahweh, kinatatakutan!
Sino ang tatayo sa iyong harapan
kapag nagalit ka sa mga kinapal?
8 Sa iyong paghatol na mula sa langit,
ang lahat sa mundo'y takot at tahimik.
9 Nang ika'y tumayo't gawin ang paglitis,
naligtas ang mga api sa daigdig. (Selah)[c]
10 Ang matinding galit sa iyo ng tao, hahantong na lahat sa pagpuri sa iyo.
Silang nangaligtas sa mga labanan, laging magpupuri at mangagdiriwang.
11 Mga pangako mo kay Yahweh, iyong Diyos, ay iyong tuparin nang tapat sa loob;
dapat na magdala ng mga kaloob ang lahat ng bansa sa iyong palibot.
12 Hambog na prinsipe ay ibinababâ,
tinatakot niya hari mang dakila.
Footnotes
- Mga Awit 76:3 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
- Mga Awit 76:4 kabundukan: Sa ibang manuskrito'y bundok ng biktima , at sa iba pang manuskrito'y walang hanggang kabundukan .
- Mga Awit 76:9 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
Mga Awit 76
Ang Biblia (1978)
Sa Pangulong Manunugtog; sa mga panugtog na kawad. Salmo ni Asaph, Awit.
76 Sa Juda (A)ay kilala ang Dios:
Ang kaniyang pangalan ay dakila sa Israel.
2 Nasa Salem naman ang kaniyang tabernakulo,
At ang kaniyang dakong tahanan ay sa Sion.
3 (B)Doo'y binali niya ang mga pana ng busog;
At kalasag, at ang tabak, at ang pagbabaka. (Selah)
4 Maluwalhati ka at marilag, (C)Mula sa mga bundok na hulihan.
5 Ang mga puso na matapang ay nasamsaman,
Sila'y (D)nangatulog ng kanilang pagtulog;
At wala sa mga lalaking makapangyarihan na nakasumpong ng kanilang mga kamay.
6 (E)Sa iyong saway Oh Dios ni Jacob,
Ang karo at gayon din ang kabayo ay nahandusay sa mahimbing na pagkakatulog.
7 Ikaw, ikaw ay katatakutan:
At (F)sinong makatatayo sa iyong paningin, sa minsang ikaw ay magalit?
8 Iyong ipinarinig ang hatol mula sa langit;
Ang lupa ay natakot, at tumahimik,
9 Nang ang Dios ay bumangon sa paghatol,
Upang iligtas ang lahat ng maamo sa lupa. (Selah)
10 (G)Tunay na pupurihin ka ng poot ng tao:
Ang nalabi sa poot ay ibibigkis mo sa iyo.
11 (H)Manata ka at tuparin mo sa Panginoon mong Dios:
Magdala ng mga kaloob sa kaniya na marapat katakutan, (I)yaong lahat na nangasa buong palibot niya.
12 Kaniyang ihihiwalay ang diwa ng mga pangulo:
Siya'y kakilakilabot sa mga hari sa lupa.
Awit 76
Ang Dating Biblia (1905)
76 Sa Juda ay kilala ang Dios: ang kaniyang pangalan ay dakila sa Israel.
2 Nasa Salem naman ang kaniyang tabernakulo, at ang kaniyang dakong tahanan ay sa Sion.
3 Doo'y binali niya ang mga pana ng busog; at kalasag, at ang tabak, at ang pagbabaka. (Selah)
4 Maluwalhati ka at marilag, mula sa mga bundok na hulihan.
5 Ang mga puso na matapang ay nasamsaman, sila'y nangatulog ng kanilang pagtulog; at wala sa mga lalaking makapangyarihan na nakasumpong ng kanilang mga kamay.
6 Sa iyong saway Oh Dios ni Jacob, ang karo at gayon din ang kabayo ay nahandusay sa mahimbing na pagkakatulog.
7 Ikaw, ikaw ay katatakutan: at sinong makatatayo sa iyong paningin, sa minsang ikaw ay magalit?
8 Iyong ipinarinig ang hatol mula sa langit; ang lupa ay natakot, at tumahimik,
9 Nang ang Dios ay bumangon sa paghatol, upang iligtas ang lahat ng maamo sa lupa. (Selah)
10 Tunay na pupurihin ka ng poot ng tao: ang nalabi sa poot ay ibibigkis mo sa iyo.
11 Manata ka at tuparin mo sa Panginoon mong Dios: magdala ng mga kaloob sa kaniya na marapat katakutan, yaong lahat na nangasa buong palibot niya.
12 Kaniyang ihihiwalay ang diwa ng mga pangulo: siya'y kakilakilabot sa mga hari sa lupa.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
