Mga Awit 75
Ang Biblia, 2001
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Puksain. Salmo ni Asaf. Isang Awit.
75 Kami ay nagpapasalamat sa iyo, O Diyos;
kami ay nagpapasalamat, malapit ang iyong pangalan.
Ang mga kagila-gilalas mong gawa ay sinasaysay ng mamamayan.
2 At sa aking piniling takdang panahon,
may katarungan akong hahatol.
3 Kapag ang lupa ay nayayanig at ang lahat ng mga naninirahan dito,
ako ang nagpapatatag sa mga haligi nito. (Selah)
4 Aking sinabi sa hambog, “Huwag kang magyabang,”
at sa masama, “Huwag mong itaas ang iyong sungay;
5 huwag mong itaas ang iyong sungay nang mataas,
huwag kang magsalita nang may matigas na ulo.”
6 Sapagkat hindi mula sa silangan, o mula sa kanluran,
ni mula man sa ilang ang pagkataas;
7 kundi ang Diyos ang hukom,
ang isa'y ibinababa at ang iba'y itinataas naman.
8 Sapagkat sa kamay ng Panginoon ay may isang kopa,
may alak na bumubula, hinalong totoo;
at kanyang ibubuhos ang laman nito,
tunay na ang masasama sa lupa
ay ibubuhos at iinumin ang latak nito.
9 Ngunit ako'y magpapahayag magpakailanman,
ako'y aawit ng mga papuri sa Diyos ni Jacob.
10 Lahat ng mga sungay ng masama ay aking puputulin,
ngunit ang mga sungay ng matuwid ay itataas.
Mga Awit 75
Ang Biblia (1978)
Sa Pangulong Manunugtog; itinugma sa Al-tashheth. Salmo ni Asaph, Awit.
75 Kami ay nagpapasalamat sa iyo, Oh Dios:
Kami ay nagpapasalamat, sapagka't ang iyong pangalan ay (A)malapit:
Isinasaysay ng mga tao ang iyong mga kagilagilalas na gawa.
2 Pagka aking nakamtan ang takdang kapanahunan,
Hahatol ako ng matuwid.
3 Ang lupa at lahat na tagarito ay natutunaw:
Aking itinayo ang mga (B)haligi niyaon. (Selah)
4 Aking sinabi sa (C)hambog, Huwag kang gumawang may kahambugan:
At sa masama, Huwag kang magtaas ng sungay:
5 Huwag mong itaas ang iyong sungay ng mataas;
Huwag kang magsalitang may (D)matigas na ulo.
6 Sapagka't hindi man mula sa silanganan, o mula man sa kalunuran,
O mula man sa timugan, ang pagkataas.
7 Kundi ang (E)Dios ay siyang hukom:
(F)Kaniyang ibinababa ang isa, at itinataas ang isa.
8 Sapagka't (G)sa kamay ng Panginoon ay may (H)isang saro, at ang alak ay bumubula;
Puno ng pagkakahalohalo, at kaniyang inililiguwak din:
Tunay na ibubuhos ng lahat na masama sa lupa ang latak, at iinumin.
9 Nguni't aking ipahahayag magpakailan man,
Ako'y aawit ng mga kapurihan sa Dios ni Jacob.
10 (I)Lahat ng mga sungay naman ng masama ay aking ihihiwalay;
Nguni't (J)ang mga sungay ng matuwid ay matataas.
Salmo 75
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Dios ang Hukom
75 O Dios, nagpapasalamat kami sa inyo.
Nagpapasalamat kami dahil malapit kayo sa amin.
Ipinapahayag ng mga tao ang inyong mga kahanga-hangang ginawa.
2 Sinabi nʼyo O Dios, “May itinakda akong panahon ng paghatol at hahatol ako nang may katuwiran.”
3 Kapag yumanig ang mundo at ang mga taoʼy magkagulo sa takot,
ako ang magpapatibay ng pundasyon ng mundo.
4 Sinasabi ko sa mga hambog, “Huwag kayong magyabang”
at sa masasama, “Huwag ninyong ipagmalaki ang inyong kakayahan.
5 Tigilan nʼyo na ang pagmamalaki na kayo ay nanalo at magpakumbaba na kayo.”
6 Dahil ang tagumpay ng taoʼy hindi nagmumula sa kung saan-saan,[a]
7 kundi sa Dios lamang.
Siya ang humahatol;
kung sino ang ibababa at kung sino ang itataas.
8 Dahil ang Panginoon ang humahawak ng kopa na puno ng bumubulang matapang na alak na nagpapahiwatig ng kanyang galit.
Ibinubuhos niya ito at ipinaiinom sa masasama hanggang sa huling patak.
9 Ngunit ako, walang tigil kong ipahahayag ang tungkol sa Dios ni Jacob,
aawit ako ng mga papuri para sa kanya.
10 Aalisin niya[b] ang kakayahan ng masasama,[c]
ngunit dadagdagan niya ang kapangyarihan ng matutuwid.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
