Mga Awit 68
Ang Biblia, 2001
Sa Punong Mang-aawit. Salmo ni David. Isang Awit.
68 Bumangon nawa ang Diyos, mangalat nawa ang mga kaaway niya;
tumakas nawa sa harapan niya ang mga napopoot sa kanya!
2 Kung paanong itinataboy ang usok, ay gayon mo sila itaboy;
kung paanong natutunaw ang pagkit sa harap ng apoy,
gayon nawa mamatay ang masama sa harapan ng Diyos.
3 Ngunit matuwa nawa ang matuwid;
magalak nawa sila sa harapan ng Diyos;
oo, magalak nawa sila sa kasayahan!
4 Kayo'y magsiawit sa Diyos, umawit ng mga papuri sa kanyang pangalan;
magtaas ng isang awit sa kanya, siya na nangangabayo sa mga ilang;
Panginoon ang kanyang pangalan,
magalak kayo sa kanyang harapan.
5 Ama ng mga ulila, at tagapagtanggol ng mga babaing balo,
ang Diyos na sa kanyang banal na tirahan.
6 Ang nag-iisa ay binibigyan ng Diyos ng tahanan,
kanyang inaakay ang mga bilanggo sa kasaganaan,
ngunit ang mga mapaghimagsik sa tigang na lupa ay naninirahan.
7 O Diyos, nang humayo ka sa harapan ng iyong bayan,
nang lumakad ka sa ilang, (Selah)
8 ang(A) lupa ay nayanig,
ang kalangitan ay nagbuhos ng ulan sa harapan ng Diyos;
ang Sinai ay nayanig sa harapan ng Diyos, ang Diyos ng Israel.
9 Ikaw, O Diyos, ay nagbigay ng saganang ulan,
iyong pinalakas ang iyong mana, nang ito'y manghina.
10 Ang iyong kawan doon ay nakatagpo ng tirahan,
sa iyong kabutihan, O Diyos, ikaw ay nagkaloob para sa nangangailangan.
11 Ang Panginoon ang nagbibigay ng utos;
malaki ang hukbo ng mga babaing naghahayag ng balita:
12 “Ang mga hari ng mga hukbo, tumatakas sila, tumatakas sila!”
Pinaghatian ang samsam ng mga babaing nasa tahanan,
13 kapag kayo'y humiga sa gitna ng mga kulungan ng mga kawan,
kayo ay parang mga pakpak ng kalapati na natatakpan ng pilak,
ang kanyang balahibo ay gintong kumikinang.
14 Nang ikalat ng Makapangyarihan ang mga hari roon,
ang niyebe ay bumagsak sa Zalmon.
15 Bundok ng Diyos ay bundok ng Basan;
bundok na maraming taluktok ay ang bundok ng Basan!
16 Bakit kayo'y nakatinging may pagkainggit, kayong mga bundok na maraming taluktok,
sa bundok na ninais ng Diyos para sa kanyang tahanan,
oo, doon titira ang Panginoon magpakailanman.
17 Ang mga karo ng Diyos ay dalawampung libo,
samakatuwid ay libu-libo.
Ang Panginoon ay dumating mula sa Sinai patungo sa banal na lugar.
18 Sumampa(B) ka sa mataas,
pinatnubayan mo ang iyong bihag sa pagkabihag;
tumanggap ka ng mga kaloob sa gitna ng mga tao,
oo, pati sa mga mapanghimagsik, upang makatahang kasama nila ang Panginoong Diyos.
19 Purihin ang Panginoon
na nagpapasan araw-araw ng aming pasan,
samakatuwid baga'y ang Diyos na siyang aming kaligtasan. (Selah)
20 Ang Diyos sa amin ay Diyos ng kaligtasan;
at sa Diyos, na Panginoon, sa kanya ang pagtakas mula sa kamatayan.
21 Ngunit babasagin ng Diyos ang mga ulo ng kanyang mga kaaway,
ang mabuhok na ulo ng lumalakad sa kanyang makasalanang mga daan.
22 Sinabi ng Panginoon,
“Ibabalik ko sila mula sa Basan,
ibabalik ko sila mula sa mga kalaliman ng karagatan,
23 upang sa dugo, ang mga paa mo'y iyong mapaliguan,
upang ang dila ng iyong mga aso ay magkaroon ng bahagi mula sa iyong mga kaaway.”
24 Nakita nila ang iyong mga lakad, O Diyos,
ang mga paglakad ng aking Diyos, ng Hari ko, patungo sa santuwaryo—
25 ang mga mang-aawit ay nasa unahan, ang mga manunugtog ay nasa hulihan,
sa pagitan nila ay ang tumutugtog ng mga pandereta na mga kadalagahan:
26 “Purihin ninyo ang Diyos sa malaking kapulungan,
ang Panginoon, kayong mga mula sa bukal ng Israel!”
27 Naroon si Benjamin, ang pinakamaliit sa kanila, na siyang nangunguna,
ang mga pinuno ng Juda at ang kanilang pangkat,
ang mga pinuno ng Zebulon, ang mga pinuno ng Neftali.
28 Utusan mo, O Diyos, ang iyong kalakasan,
ipakita mong malakas ang iyong sarili, O Diyos, tulad ng ginawa mo para sa amin.
29 Dahil sa iyong templo sa Jerusalem
ang mga hari ay nagdadala ng mga handog sa iyo.
30 Sawayin mo ang maiilap na hayop na sa mga tambo naninirahan,
ang kawan ng mga toro na kasama ng mga guya ng mga bayan.
Yapakan mo sa ilalim ng paa ang mga piraso ng pilak,
pangalatin mo ang mga taong sa digmaan ay natutuwa.
31 Mga sugo ay lalabas mula sa Ehipto;
magmamadali nawa ang Etiopia na iabot sa Diyos ang mga kamay nito.
32 Magsiawit kayo sa Diyos, mga kaharian sa lupa;
magsiawit kayo ng mga papuri sa Panginoon, (Selah)
33 sa kanya na sumasakay sa langit ng mga langit, na mula pa nang una,
narito, binibigkas niya ang kanyang tinig, ang kanyang makapangyarihang tinig.
34 Iukol ninyo sa Diyos ang kalakasan,
na nasa Israel ang kanyang kadakilaan,
at nasa mga langit ang kanyang kalakasan.
35 O Diyos, ikaw ay kakilakilabot mula sa iyong santuwaryo,
ang Diyos ng Israel,
nagbibigay siya ng kapangyarihan at lakas sa kanyang bayan.
Purihin ang Diyos!
Awit 68
Ang Dating Biblia (1905)
68 Bumangon nawa ang Dios, mangalat ang kaniyang mga kaaway; sila namang nangagtatanim sa kaniya ay magsitakas sa harap niya.
2 Kung paanong napaparam ang usok ay gayon nangapaparam sila. Kung paanong natutunaw ang pagkit sa harap ng apoy, gayon mamatay ang masama sa harapan ng Dios.
3 Nguni't mangatuwa ang matuwid; mangagalak sila sa harap ng Dios: Oo, mangagalak sila ng kasayahan.
4 Kayo'y magsiawit sa Dios, kayo'y magsiawit ng kapurihan sa kaniyang pangalan: ipaghanda ninyo ng maluwang na lansangan siya na nangangabayo sa mga ilang; ang kaniyang pangalan ay JAH; at mangagalak kayo sa harap niya.
5 Ama ng mga ulila, at hukom ng mga babaing bao, ang Dios sa kaniyang banal na tahanan.
6 Pinapagmamaganak ng Dios ang mga nagiisa: kaniyang inilalabas sa kaginhawahan ang mga bilanggo: nguni't ang mga mapanghimagsik ay magsisitahan sa tuyong lupa.
7 Oh Dios, nang ikaw ay lumabas sa harap ng iyong bayan, nang ikaw ay lumakad sa ilang; (Selah)
8 Ang lupa ay nayanig, ang mga langit naman ay tumulo sa harapan ng Dios: ang Sinai na yaon ay nayanig sa harapan ng Dios, ng Dios ng Israel.
9 Ikaw, Oh Dios, naglagpak ng saganang ulan, iyong pinatibay ang iyong mana, noong ito'y mahina.
10 Ang iyong kapisanan ay tumahan doon: ikaw, Oh Dios, ipinaghanda mo ng iyong kabutihan ang dukha.
11 Nagbibigay ng salita ang Panginoon: ang mga babaing nangaghahayag ng mga balita ay malaking hukbo.
12 Mga hari ng mga hukbo ay nagsisitakas, sila'y nagsisitakas: at nangamamahagi ng samsam ang naiwan sa bahay.
13 Mahihiga ba kayo sa gitna ng mga kulungan ng mga kawan, na parang mga pakpak ng kalapati na natatakpan ng pilak, at ng kaniyang balahibo ng gintong madilaw?
14 Nang ang Makapangyarihan sa lahat ay magkalat ng mga hari roon, ay tila nagka nieve sa Salmon.
15 Bundok ng Dios ay ang bundok ng Basan; mataas na bundok ang bundok ng Basan.
16 Bakit kayo'y nagsisiirap, kayong matataas na mga bundok, sa bundok na ninasa ng Dios na maging kaniyang tahanan? Oo, tatahan doon ang Panginoon magpakailan man.
17 Ang mga karo ng Dios ay dalawang pung libo sa makatuwid baga'y libolibo: ang Panginoon ay nasa gitna nila, kung paano sa Sinai, gayon sa santuario.
18 Sumampa ka sa mataas, pinatnubayan mo ang iyong bihag sa pagkabihag; tumanggap ka ng mga kaloob sa gitna ng mga tao, Oo, pati sa mga mapanghimagsik, upang makatahang kasama nila ang Panginoong Dios.
19 Purihin ang Panginoon na nagpapasan araw-araw ng aming pasan, sa makatuwid baga'y ang Dios na siyang aming kaligtasan. (Selah)
20 Ang Dios sa amin ay Dios ng mga kaligtasan; at kay Jehova na Panginoon ukol ang pagpapalaya sa kamatayan.
21 Nguni't sasaktan ng Dios ang ulo ng kaniyang mga kaaway. Ang bunbunang mabuhok ng nagpapatuloy sa kaniyang sala.
22 Sinabi ng Panginoon, ibabalik ko uli mula sa Basan, ibabalik ko uli sila mula sa mga kalaliman ng dagat:
23 Upang madurog mo sila, na nalulubog ang iyong paa sa dugo, upang ang dila ng iyong mga aso ay magkaroon ng kaniyang pagkain sa iyong mga kaaway.
24 Kanilang nakita ang iyong mga lakad, Oh Dios, sa makatuwid baga'y ang lakad ng aking Dios, ng aking Hari, sa loob ng santuario.
25 Ang mga mangaawit ay nangagpauna, ang mga manunugtog ay nagsisunod, sa gitna ng mga dalaga na nagtutugtugan ng mga pandereta.
26 Purihin ninyo ang Dios sa mga kapisanan, sa makatuwid baga'y ang Panginoon, ninyong mga sa bukal ng lahi ng Israel.
27 Doo'y ang munting Benjamin ay siyang kanilang puno, ang mga pangulo ng Juda at ang kanilang pulong, ang mga pangulo ng Zabulon, ang mga pangulo ng Nephtali.
28 Ang Dios mo'y nagutos ng iyong kalakasan: patibayin mo, Oh Dios, ang ginawa mo sa amin.
29 Dahil sa iyong templo sa Jerusalem mga hari ay mangagdadala ng mga kaloob sa iyo.
30 Sawayin mo ang mga mailap na hayop sa mga puno ng tambo, ang karamihan ng mga toro na kasama ng mga guya ng mga bayan, na niyayapakan sa ilalim ng paa ang mga putol ng pilak; iyong pinangalat ang mga bayan na nangagagalak sa pagdidigma.
31 Mga pangulo ay magsisilabas sa Egipto; magmamadali ang Etiopia na igawad ang kaniyang mga kamay sa Dios.
32 Magsiawit kayo sa Dios, kayong mga kaharian sa lupa; Oh magsiawit kayo ng mga pagpuri sa Panginoon.
33 Sa kaniya na sumasakay sa langit ng mga langit, na noon pang una: narito, binibigkas niya ang kaniyang tinig, na makapangyarihang tinig,
34 Inyong isa Dios ang kalakasan: ang kaniyang karilagan ay nasa Israel, at ang kaniyang kalakasan ay nasa mga langit.
35 Oh Dios, ikaw ay kakilakilabot mula sa iyong mga dakong banal: ang Dios ng Israel, ay nagbibigay ng kalakasan at kapangyarihan sa kaniyang bayan. Purihin ang Panginoon.
