Mga Awit 58
Magandang Balita Biblia
Panalangin para Parusahan ng Diyos ang Masasama
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Huwag Mong Sirain”. Isang Miktam.[a]
58 Tama ba ang hatol ng mga pinuno?
Ang hatol ba ninyo'y pantay at totoo?
2 Hindi! Pagkat ang inyong binabalangkas
pawang karahasa't gawaing di tama.
3 Iyang masasama sa mula't mula pa,
mula sa pagsilang ay sinungaling na.
4 Sila'y makamandag, ahas ang kaparis,
katulad ay kobrang ang tainga ay may takip;
5 itong mga tawak at salamangkero,
di niya dinirinig, hindi pansin ito.
6 Bungiin ang ngipin nila, O Panginoon,
alisin ang pangil niyong mga leon.
7 Itapon mo silang katulad ng tubig,
sa daa'y duruging parang mga yagit.
8 Parang mga susô, sa dumi magwakas,
batang di nabuhay sa sangmaliwanag.
9 Puputulin silang hindi nila batid,
itatapon ng Diyos sa tindi ng galit;
bagaman buháy pa'y iyon na ang sinapit.
10 Ang mga matuwid nama'y magagalak kung ang masasama'y parusahang ganap;
pagkakita nila sa dugong dumanak, hindi mangingiming doon na tumahak.
11 Saka sasabihin ng mga nilalang, “Ang mga matuwid ay gantimpalaan;
tunay ngang may Diyos, na hukom ng lahat!”
Footnotes
- Mga Awit 58:1 MIKTAM: Tingnan ang Awit 16.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.