Mga Awit 56
Ang Biblia (1978)
Sa Pangulong Manunugtog; itinugma sa Jonath-elem-rehokim. Awit ni David: Michtam: nang hulihin siya ng mga (A)Filisteo sa Gat.
56 (B)Maawa ka sa akin, Oh Dios: sapagka't sasakmalin ako ng tao:
Buong araw ay nangbababag siya na pinipighati ako.
2 Ibig akong sakmalin ng aking mga kaaway buong araw:
Sapagka't sila'y maraming may kapalaluan na nagsisilaban sa akin.
3 Sa panahong ako'y matakot,
Aking ilalagak ang aking tiwala sa iyo.
4 Sa Dios (ay pupuri ako ng kaniyang salita),
Sa Dios ay inilagak ko ang aking tiwala, (C)hindi ako matatakot;
Anong magagawa ng laman sa akin?
5 Buong araw ay binabaligtad nila ang aking mga salita:
Lahat ng kanilang mga pagiisip ay laban sa akin sa ikasasama.
6 Sila'y nagpipisan, (D)sila'y nagsisipagkubli,
Kanilang tinatandaan ang aking mga hakbang,
Gaya ng kanilang (E)pagaabang sa aking kaluluwa.
7 Tatakas ba sila sa pamamagitan ng masama?
Sa galit ay ilugmok mo ang mga bayan, Oh Dios.
8 Iyong isinasaysay ang aking mga paggagala:
(F)Ilagay mo ang aking mga luha sa iyong botelya;
(G)Wala ba sila sa iyong aklat?
9 Tatalikod nga ang aking mga kaaway sa kaarawan na ako'y tumawag:
Ito'y nalalaman ko, sapagka't ang (H)Dios ay kakampi ko.
10 Sa Dios (ay pupuri ako ng salita),
Sa Panginoon (ay pupuri ako ng salita),
11 Sa Dios ay inilagak ko ang aking tiwala, (I)hindi ako matatakot;
Anong magagawa ng tao sa akin?
12 Ang iyong mga panata ay sa akin, Oh Dios:
Ako'y magbabayad ng mga handog na pasalamat sa iyo.
13 Sapagka't (J)iniligtas mo ang aking kaluluwa sa kamatayan:
Hindi mo ba iniligtas ang aking mga paa sa pagkahulog?
Upang ako'y makalakad sa harap ng Dios
(K)Sa liwanag ng buhay.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978