Mga Awit 44
Ang Biblia, 2001
Panalangin para sa Pag-iingat
Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.
44 Narinig ng aming mga tainga, O Diyos,
isinaysay sa amin ng aming mga ninuno,
kung anong mga gawa ang iyong ginawa nang panahon nila,
nang mga unang araw:
2 sa pamamagitan ng iyong kamay itinaboy mo ang mga bansa,
ngunit itinanim mo sila;
iyong pinarusahan ang mga bayan,
at iyong ikinalat sila.
3 Sapagkat hindi nila pinagwagian ang lupain sa pamamagitan ng kanilang sariling tabak,
ni ang sarili nilang kamay ay nagbigay sa kanila ng tagumpay;
kundi ng iyong kanang kamay, at ng iyong bisig,
at ng liwanag ng iyong mukha,
sapagkat ikaw ay nalulugod sa kanila.
4 Ikaw ang aking Hari at aking Diyos,
na nag-utos ng kaligtasan para kay Jacob.
5 Sa pamamagitan mo'y itutulak namin ang aming mga kaaway:
sa pamamagitan ng iyong pangalan ay tatapakan namin ang mga sumasalakay sa amin.
6 Sapagkat hindi ako magtitiwala sa aking pana,
ni ililigtas man ako ng aking tabak.
7 Ngunit iniligtas mo kami sa aming mga kaaway,
at ang mga napopoot sa amin ay inilagay mo sa kahihiyan.
8 Sa pamamagitan ng Diyos ay patuloy kaming nagmamalaki,
at sa iyong pangalan magpakailanman ay magpapasalamat kami. (Selah)
9 Gayunma'y itinakuwil at kasiraang-puri sa amin ay ibinigay mo,
at hindi ka lumalabas na kasama ng aming mga hukbo.
10 Pinatalikod mo kami sa kaaway;
at silang mga galit sa amin ay kumuha ng samsam para sa kanilang sarili.
11 Ibinigay mo kami upang kainin na parang tupa,
at ikinalat mo kami sa mga bansa.
12 Ipinagbili mo ang iyong bayan sa napakaliit na halaga,
at hindi humingi ng malaking halaga para sa kanila.
13 Ginawa mo kaming katatawanan ng aming mga kapwa,
ang tudyuhan at paglibak ng mga nasa palibot namin.
14 Sa gitna ng mga bansa'y ginawa mo kaming kawikaan,
isang bagay na pinagtatawanan ng mga bayan.
15 Buong araw ay nasa harapan ko ang aking kasiraang-puri,
at ang kahihiyan ay tumakip sa aking mukha,
16 dahil sa tinig niya na nang-uuyam at nanlalait,
dahil sa paningin ng kaaway at naghihiganti.
17 Lahat ng ito'y dumating sa amin;
bagaman hindi ka namin kinalimutan,
at hindi kami gumagawa ng kamalian sa iyong tipan.
18 Ang aming puso ay hindi tumalikod,
ni ang amin mang mga hakbang ay humiwalay sa iyong daan;
19 upang kami ay iyong durugin sa lugar ng mga asong-gubat,
at tinakpan mo kami ng anino ng kamatayan.
20 Kung aming kinalimutan ang pangalan ng aming Diyos,
o iniunat ang aming mga kamay sa ibang diyos;
21 hindi ba ito'y matutuklasan ng Diyos?
Sapagkat nalalaman niya ang mga lihim ng puso.
22 Dahil(A) sa iyo ay pinapatay kami buong araw;
at itinuturing na parang mga tupa para sa katayan.
23 Ikaw ay bumangon! Bakit ka natutulog, O Panginoon?
Gumising ka! Huwag mo kaming itakuwil magpakailanman.
24 Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha?
Bakit mo kinalilimutan ang aming kalungkutan at kapighatian?
25 Sapagkat ang aming kaluluwa ay nakasubsob sa alabok;
ang aming katawan ay dumidikit sa lupa.
26 Ikaw ay bumangon, tulungan mo kami!
Iligtas mo kami alang-alang sa iyong tapat na pag-ibig!