Add parallel Print Page Options

Panalangin ng Taong Nagdaranas ng Hirap

Awit ni David; inaawit tuwing mag-aalay ng handog pang-alaala.

38 Yahweh, huwag mo po akong kagalitan!
    O kung galit ka ma'y huwag pong parusahan.
Ang iyong palaso'y tumama sa akin;
    at iyong mga kamay, hinampas sa akin.

Ako'y nilalagnat dahil sa iyong galit;
    dahil sa sala ko, ako'y nagkasakit.
Ako'y nalulunod sa taglay kong sala, sa dinami-rami ay para nang baha;
    mabigat na lubha itong aking dala.

Malabis ang paglala nitong aking sugat,
    dahil ginawa ko ang hindi nararapat;
Wasak at kuba na ang aking katawan;
    sa buong maghapo'y puspos ng kalungkutan.
Dumapong lagnat ko'y apoy na sa init,
    lumulubhang lalo ang taglay kong sakit.
Ako'y nanghihina at nanlulupaypay,
    puso'y dumaraing sa sakit na taglay.

O Yahweh, hangad ko'y iyong nababatid;
    ang mga daing ko'y iyong dinirinig.
10 Ang aking puso ay mabilis ang tibok, ang taglay kong lakas, pumapanaw na halos;
    ningning ng mata ko'y pawa nang naubos.
11 Mga kaibiga't mga kapitbahay ay nagsisilayo, ayaw nang dumalaw
    dahil sa sugat ko sa aking katawan;
    lumalayo pati aking sambahayan.
12 Silang nagnanais na ako'y patayin, nag-umang ng bitag upang ako'y dakpin;
    ang may bantang ako'y saktan at wasakin,
    maghapon kung sila'y mag-abang sa akin.

13 Para akong bingi na di makarinig,
    at para ring pipi na di makaimik;
14 sa pagsasanggalang ay walang masabi,
    walang marinig katulad ng isang bingi.

15 Ngunit sa iyo, Yahweh, ako'y may tiwala,
    aking Diyos, ika'y tiyak na tutugon.
16 Aking panalangin, iyong pakinggan, itong mga hambog, huwag mong hayaan,
    sa aking kabiguan, sila'y magtawanan.
17 Sa pakiramdam ko, ako'y mabubuwal,
    mahapdi't makirot ang aking katawan.

18 Aking ihahayag ang kasalanan ko,
    mga kasalanang sa aki'y gumugulo.
19 Mga kaaway ko'y malakas, masigla;
    wala mang dahila'y namumuhi sila.
20 Ang ganting masama ang sukli sa akin,
    dahil sa hangad kong buhay ko'y tuwirin.

21 Yahweh, huwag akong iiwan;
    maawaing Diyos, huwag akong layuan;
22 aking Panginoon, aking kaligtasan, iyo ngang dalian, ako ay tulungan!

'Awit 38 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Awit ni David, para sa handog pang-alaala.

38 O Panginoon, sa pagkagalit mo ay huwag mo akong sawayin,
    ni sa iyong pagkapoot ay huwag mo akong supilin!
Sapagkat ang iyong mga palaso sa akin ay tumimo,
    at pumisil sa akin ang kamay mo.

Walang kaginhawahan sa aking laman
    dahil sa iyong kapootan;
walang kalusugan sa aking mga buto
    dahil sa aking kasalanan.
Sapagkat ang mga kasamaan ko ay nakarating sa ibabaw ng aking ulo,
    ang mga iyon ay gaya ng isang pasan na napakabigat para sa akin.

Ang aking mga sugat ay mabaho at nagnanana,
    dahil sa aking kahangalan.
Ako'y yukong-yuko at nakabulagta,
    ako'y tumatangis buong araw.
Sapagkat nag-iinit ang aking mga balakang,
    at walang kaginhawahan sa aking laman.
Nanghihina at bugbog ako;
    ako'y dumaing dahil sa bagabag ng aking puso.

Panginoon, lahat ng aking inaasam ay batid mo;
    ang aking hinagpis ay hindi lingid sa iyo.
10 Ang aking puso ay kakaba-kaba, ang aking lakas ay kinakapos,
    at ang liwanag ng aking paningin, sa akin ay nawala din.
11 Ang aking mga kaibigan at mga kasamahan ay walang malasakit sa aking kapighatian,
    at nakatayong napakalayo ang aking kamag-anakan.
12 Yaong mga nagtatangka sa aking buhay ay naglagay ng kanilang mga bitag,
    silang nagsisihanap ng aking ikapapahamak ay nagsasalita ng pagkawasak,
    at nag-iisip ng kataksilan sa buong araw.

13 Ngunit ako'y gaya ng taong bingi, hindi ako nakakarinig;
    gaya ng taong pipi na hindi nagbubuka ng kanyang bibig.
14 Oo, ako'y gaya ng tao na hindi nakakarinig,
    at walang pangangatuwiran sa aking bibig.

15 Ngunit sa iyo ako naghihintay, O Panginoon,
    ikaw, O Panginoon kong Diyos ang siyang tutugon.
16 Sapagkat aking sinabi, “Huwag mo lamang hayaang sila'y magalak laban sa akin,
    na laban sa akin ay nagmamataas kapag ang paa ko ay nadudulas!”

17 Sapagkat ako'y malapit nang matumba,
    at ang aking kirot ay nasa akin tuwina.
18 Ipinahahayag ko ang aking kasamaan;
    ako'y punô ng kabalisahan dahil sa aking kasalanan.
19 Yaong aking mga kaaway na walang kadahilanan ay makapangyarihan,
    at marami silang napopoot sa akin na wala sa katuwiran.
20 Silang gumaganti ng kasamaan sa aking kabutihan,
    ay aking mga kaaway sapagkat sinusunod ko ang kabutihan.

21 O Panginoon, huwag mo akong pabayaan;
    O Diyos ko, huwag mo akong layuan!
22 Magmadali kang ako'y tulungan,
    O Panginoon, aking kaligtasan!