Mga Awit 29
Magandang Balita Biblia
Ang Tinig ni Yahweh sa Gitna ng Unos
Awit ni David.
29 Purihin(A) ninyo si Yahweh, mga nilikha sa kalangitan,
kilalanin ang kanyang lakas at kanyang kaluwalhatian.
2 Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan,
sambahin si Yahweh sa banal na kaayusan.
3 Tinig ni Yahweh'y naririnig sa ibabaw ng dagat,
ang dakilang Diyos ay nagpapakidlat,
umaalingawngaw at naririnig ng lahat.
4 Tinig ni Yahweh'y makapangyarihan,
at punung-puno ng kadakilaan.
5 Maging mga punong sedar ng Lebanon,
sa tinig ni Yahweh, mawawasak ang mga iyon.
6 Parang guyang pinalulundag niya ang mga bundok ng Lebanon,
parang torong pinalulukso niya ang Bundok Hermon.
7 Dahil sa tinig ni Yahweh, kidlat ay gumuguhit.
8 Kapag siya'y nagsalita, disyerto'y nayayanig;
inuuga niya pati ang ilang ng Kades.
9 Sa tinig ni Yahweh, mga usa'y napapaanak,
at nakakalbo pati ang mga gubat,
lahat ng nasa Templo'y sumisigaw, “Ang Diyos ay papurihan!”
10 Si Yahweh'y naghahari sa mga kalaliman,
nakaupo sa trono, bilang hari kailanman.
11 Si Yahweh ang nagbibigay-lakas sa kanyang bayan,
at pinagpapala sila ng mapayapang buhay.
Mga Awit 29
Ang Biblia, 2001
Awit ni David.
29 Mag-ukol(A) kayo sa Panginoon, O mga anak ng makapangyarihan,
mag-ukol kayo sa Panginoon ng kaluwalhatian at kalakasan.
2 Iukol ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatian na nararapat sa kanyang pangalan;
sambahin ninyo ang Panginoon sa banal na kagayakan.
3 Ang tinig ng Panginoon ay nasa ibabaw ng mga tubig;
ang Diyos ng kaluwalhatian ay kumukulog,
ang Panginoon, sa ibabaw ng maraming tubig.
4 Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan,
ang tinig ng Panginoon ay puspos ng kadakilaan.
5 Ang tinig ng Panginoon ay bumabali ng mga sedro;
binabali ng Panginoon ang mga sedro ng Lebanon.
6 Kanyang pinalulukso ang Lebanon na gaya ng guya,
at ang Sirion na gaya ng mailap na guyang baka.
7 Ang tinig ng Panginoon ay nagpapasiklab ng mga ningas ng apoy.
8 Niyayanig ng tinig ng Panginoon ang ilang,
niyayanig ng Panginoon ang ilang ng Kadesh.
9 Pinaaanak ng tinig ng Panginoon ang mga usa,
at hinuhubaran ang mga gubat;
at ang lahat sa kanyang templo ay nagsasabi, “Kaluwalhatian!”
10 Ang Panginoon ay nakaupo sa trono sa ibabaw ng baha;
ang Panginoon ay nakaluklok bilang hari magpakailanman.
11 Ang Panginoon nawa ay magbigay ng lakas sa kanyang bayan!
Basbasan nawa ng Panginoon ang kanyang bayan ng kapayapaan!
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
