Mga Awit 24
Ang Biblia, 2001
Awit ni David.
24 Ang(A) lupa ay sa Panginoon at ang lahat ng narito;
ang sanlibutan, at silang naninirahan dito;
2 sapagkat itinatag niya ito sa ibabaw ng mga dagat,
at itinayo sa ibabaw ng mga ilog.
3 Sinong aakyat sa bundok ng Panginoon?
At sinong tatayo sa kanyang dakong banal?
4 Siyang(B) may malilinis na kamay at may pusong dalisay,
na hindi nagtataas ng kanyang kaluluwa sa hindi totoo,
at hindi sumusumpa na may panlilinlang.
5 Mula sa Panginoon, pagpapala'y kanyang kakamtan,
at pagwawalang-sala mula sa Diyos ng kanyang kaligtasan.
6 Gayon ang salinlahi ng mga nagsisihanap sa kanya,
na nagsisihanap ng mukha ng Diyos ni Jacob. (Selah)
7 Itaas ninyo ang inyong mga ulo, O kayong mga tarangkahan!
at kayo'y mátaas, kayong matatandang pintuan!
upang makapasok ang Hari ng kaluwalhatian.
8 Sino ang Hari ng kaluwalhatian?
Ang Panginoon, malakas at makapangyarihan,
ang Panginoon, makapangyarihan sa pakikipaglaban.
9 Itaas ninyo ang inyong mga ulo, O kayong mga tarangkahan!
at itaas kayo, kayong matatandang pintuan!
upang makapasok ang Hari ng kaluwalhatian.
10 Sino itong Hari ng kaluwalhatian?
Ang Panginoon ng mga hukbo,
siya ang Hari ng kaluwalhatian! (Selah)
Awit 24
Ang Dating Biblia (1905)
24 Ang lupa ay sa Panginoon at ang buong narito; ang sanglibutan, at silang nagsisitahan dito.
2 Sapagka't itinatag niya sa ibabaw ng mga dagat, at itinatayo sa ibabaw ng mga baha.
3 Sinong aahon sa bundok ng Panginoon? At sinong tatayo sa kaniyang dakong banal?
4 Siyang may malinis na mga kamay at may dalisay na puso; na hindi nagmataas ang kaniyang kaluluwa sa walang kabuluhan, at hindi sumumpa na may kabulaanan.
5 Siya'y tatanggap ng pagpapala sa Panginoon, at ng katuwiran sa Dios ng kaniyang kaligtasan.
6 Ito ang lahi ng mga nagsisihanap sa kaniya, na nagsisihanap ng iyong mukha, sa makatuwid baga'y Jacob. (Selah)
7 Itaas ninyo ang inyong mga ulo, Oh kayong mga pintuang-bayan; at kayo'y mangataas, kayong mga walang hanggang pintuan: at ang hari ng kaluwalhatian ay papasok.
8 Sino ang Hari ng kaluwalhatian? Ang Panginoong malakas at makapangyarihan, ang Panginoong makapangyarihan sa pagbabaka.
9 Itaas ninyo ang inyong mga ulo, Oh kayong mga pintuang-bayan; Oo, magsitaas kayo, kayong mga walang hanggang pintuan: at ang hari ng kaluwalhatian ay papasok.
10 Sino itong Hari ng kaluwalhatian? Ang Panginoon ng mga hukbo, siya ang Hari ng kaluwalhatian. (Selah)
Salmo 24
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Dios ang Dakilang Hari
24 Ang buong mundo at ang lahat ng naririto ay pag-aari ng Panginoon.
2 Itinayo niya ang pundasyon ng mundo sa kailaliman ng dagat.
3 Sino ang karapat-dapat umakyat sa bundok ng Panginoon?
At sino ang maaaring tumungtong sa kanyang banal na templo?
4 Makatutungtong ang may matuwid na pamumuhay at malinis na puso,
ang hindi sumasamba sa mga dios-diosan,
at ang hindi sumusumpa ng kasinungalingan.
5 Pagpapalain siya at ipapawalang-sala ng Panginoon, ang Dios na kanyang Tagapagligtas.
6 Iyan ang mga taong makakalapit at sasamba sa Dios ni Jacob.
7 Buksan ninyo nang maluwang ang mga lumang pintuan ng templo
upang makapasok ang Haring makapangyarihan!
8 Sino ang Haring makapangyarihan?
Siya ang Panginoong malakas at matatag sa pakikipaglaban.
9 Buksan ninyo nang maluwang ang mga lumang pintuan ng templo
upang makapasok ang Haring makapangyarihan!
10 Sino ang Haring makapangyarihan?
Siya ang Panginoon na pinuno ng hukbo ng kalangitan.
Tunay nga siyang Haring makapangyarihan!
Mga Awit 24
Ang Biblia (1978)
Ang hari ng kaluwalhatian ay pumasok sa banal na bundok. Awit ni David.
24 (A)Ang lupa ay sa Panginoon at ang buong narito;
Ang sanglibutan, at silang nagsisitahan dito.
2 (B)Sapagka't itinatag niya sa ibabaw ng mga dagat,
At itinatayo sa ibabaw ng mga baha.
3 (C)Sinong aahon sa bundok ng Panginoon?
At sinong tatayo sa kaniyang (D)dakong banal?
4 (E)Siyang may malinis na mga kamay at (F)may dalisay na puso;
Na hindi nagmataas ang kaniyang kaluluwa sa walang kabuluhan,
At hindi sumumpa na may kabulaanan.
5 Siya'y tatanggap ng pagpapala sa Panginoon,
At ng katuwiran sa (G)Dios ng kaniyang kaligtasan.
6 Ito ang lahi ng mga nagsisihanap sa kaniya,
Na nagsisihanap ng iyong mukha, sa makatuwid baga'y Jacob. (Selah)
7 Itaas ninyo ang inyong mga ulo,
Oh kayong mga pintuang-bayan;
At kayo'y mangataas, kayong mga walang hanggang pintuan:
At ang hari ng kaluwalhatian ay (H)papasok.
8 Sino ang Hari ng kaluwalhatian?
Ang Panginoong malakas at makapangyarihan,
Ang Panginoong makapangyarihan sa pagbabaka.
9 Itaas ninyo ang inyong mga ulo, Oh kayong mga pintuang-bayan;
Oo, magsitaas kayo, kayong mga walang hanggang pintuan:
At ang hari ng kaluwalhatian ay papasok.
10 Sino itong Hari ng kaluwalhatian?
Ang Panginoon ng mga hukbo,
Siya ang Hari ng kaluwalhatian. (Selah)
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
