Print Page Options
'Awit 21 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

21 Ang hari ay nagagalak, O Panginoon, sa iyong kalakasan,
    at sa iyong pagliligtas ay napakalaki ng kanyang kagalakan!
Ang nais ng kanyang puso, sa kanya'y iyong ipinagkaloob,
    at ang hiling ng kanyang mga labi ay di mo ipinagdamot. (Selah)
Sapagkat sinasalubong mo siya ng mabubuting pagpapala,
    pinuputungan mo siya ng koronang dalisay na ginto sa ulo niya.
Siya'y humingi sa iyo ng buhay, sa kanya'y iyong ibinigay,
    haba ng mga araw magpakailanman.
Sa pamamagitan ng iyong pagliligtas dakila ang kanyang kaluwalhatian,
    ipinagkakaloob mo sa kanya, karangalan at kamahalan.
Oo, ginagawa mo siyang pinakamapalad magpakailanman;
    iyong pinasasaya siya ng kagalakan sa iyong harapan.
Sapagkat ang hari ay nagtitiwala sa Panginoon,
    at sa pamamagitan ng tapat na pag-ibig ng Kataas-taasan ay hindi siya matitinag.
Matatagpuan ng iyong kamay ang lahat ng iyong mga kaaway;
    ang mga napopoot sa iyo'y masusumpungan ng iyong kanang kamay.
Gagawin mo silang gaya ng mainit na pugon
    kapag ikaw ay lumitaw.
Sasakmalin sila ng Panginoon sa kanyang kagalitan;
    at sa apoy sila'y malulusaw.
10 Pupuksain mo ang kanilang bunga mula sa mundo,
    at ang kanilang binhi ay mula sa mga anak ng mga tao.
11 Kapag laban sa iyo sila'y magbalak ng kasamaan,
    kapag sila'y nagpakana ng masama, hindi sila magtatagumpay.
12 Sapagkat iyong patatalikurin sila,
    iyong iaakma sa kanilang mga mukha ang iyong mga pana.

13 Mataas ka, O Panginoon, sa iyong kalakasan!
    Aming aawitin at pupurihin ang iyong kapangyarihan.

21 Ang hari ay magagalak sa iyong kalakasan, Oh Panginoon; at sa iyong pagliligtas gaano kalaki ang ikagagalak niya!

Ibinigay mo sa kaniya ang nais ng kaniyang puso, at hindi mo ikinait ang hiling ng kaniyang mga labi. (Selah)

Sapagka't iyong sinalubong siya ng mga kapalaran na kabutihan: iyong pinuputungan ng isang putong na dalisay na ginto ang kaniyang ulo.

Siya'y humingi ng buhay sa iyo, iyong binigyan siya; pati ng kahabaan ng mga kaarawan magpakailan pa man.

Ang kaniyang kaluwalhatian ay dakila sa iyong pagliligtas: karangalan at kamahalan ay inilalagay mo sa kaniya.

Sapagka't ginagawa mo siyang pinakamapalad magpakailan man: iyong pinasasaya siya ng kagalakan sa iyong harapan.

Sapagka't ang hari ay tumitiwala sa Panginoon, at sa kagandahang-loob ng Kataastaasan ay hindi siya makikilos.

Masusumpungan ng iyong kamay ang lahat ng iyong mga kaaway: masusumpungan ng iyong kanan yaong mga nangagtatanim sa iyo.

Iyong gagawin sila na gaya ng mainit na hurno sa panahon ng iyong galit. Sasakmalin sila ng Panginoon sa kaniyang poot, at susupukin sila ng apoy.

10 Ang kanilang bunga ay iyong lilipulin mula sa lupa, at ang kanilang binhi ay mula sa gitna ng mga anak ng mga tao.

11 Sapagka't sila'y nagakala ng kasamaan laban sa iyo: sila'y nagpanukala ng lalang na hindi nila maisasagawa.

12 Sapagka't iyong patatalikurin sila, ikaw ay maghahanda ng iyong mga bagting ng busog laban sa mukha nila.

13 Mataas ka, Oh Panginoon, sa iyong kalakasan: sa gayo'y aming aawitin at pupurihin ang iyong kapangyarihan.

Pagpupuri sa Pagtatagumpay

21 Panginoon, sobrang galak ng hari
    dahil binigyan nʼyo siya ng kalakasan.
    Siyaʼy tuwang-tuwa dahil binigyan nʼyo siya ng tagumpay.
Ibinigay nʼyo sa kanya ang kanyang hinahangad;
    hindi nʼyo ipinagkait ang kanyang kahilingan.
Tinanggap nʼyo siya, at pinagkalooban ng masaganang pagpapala.
    Pinutungan nʼyo ang ulo niya ng koronang yari sa purong ginto.
Hiniling niya sa inyo na dagdagan ang buhay niya,
    at binigyan nʼyo siya ng mahabang buhay.
Dahil sa pagbibigay nʼyo ng tagumpay sa kanya,
    naging tanyag siya at makapangyarihan.
6-7 Dahil nagtitiwala siya sa inyo, Panginoon,
    pinagpala nʼyo siya ng mga pagpapalang walang katapusan,
    at pinasaya nʼyo siya sa inyong piling.
At dahil minamahal nʼyo siya nang tapat, Kataas-taasang Dios,
    hindi siya mabubuwal.

Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan,
    matatalo nʼyo ang lahat nʼyong mga kaaway.
At kapag kayo ay dumating Panginoon, lilipulin nʼyo sila.
    Dahil sa galit nʼyo, tutupukin sila na parang dayami sa naglalagablab na apoy.
10 Uubusin nʼyo ang lahat ng mga anak nila sa buong kalupaan,
    upang wala nang magpatuloy ng kanilang lahing masama.
11 Nagbabalak sila ng masama laban sa inyo,
    ngunit hindi sila magtatagumpay.
12 Tatakas sila kapag nakita nilang nakatutok na sa kanila ang inyong pana.
13 Panginoon, pinupuri namin kayo
    dahil sa inyong kalakasan.
    Aawit kami ng mga papuri
    dahil sa inyong kapangyarihan.

Pagpapasalamat sa pagliligtas. Sa Pangulong Manunugtog. Awit ni David.

21 Ang hari ay magagalak sa iyong kalakasan, Oh Panginoon;
At (A)sa iyong pagliligtas gaano kalaki ang ikagagalak niya!
Ibinigay mo sa kaniya (B)ang nais ng kaniyang puso,
At hindi mo ikinait ang hiling ng kaniyang mga labi. (Selah)
(C)Sapagka't iyong sinalubong siya ng mga kapalaran na kabutihan:
Iyong pinuputungan ng isang (D)putong na dalisay na ginto ang kaniyang ulo.
Siya'y humingi ng (E)buhay sa iyo, iyong binigyan siya;
(F)Pati ng kahabaan ng mga kaarawan magpakailan pa man.
Ang kaniyang kaluwalhatian ay (G)dakila sa iyong pagliligtas:
Karangalan at kamahalan ay inilalagay mo sa kaniya.
Sapagka't ginagawa mo siyang pinakamapalad magpakailan man:
(H)Iyong pinasasaya siya ng kagalakan sa iyong harapan.
Sapagka't ang hari ay tumitiwala sa Panginoon,
At sa kagandahang-loob ng Kataastaasan ay (I)hindi siya makikilos.
Masusumpungan ng iyong kamay ang lahat ng iyong mga kaaway:
Masusumpungan ng iyong kanan yaong mga nangagtatanim sa iyo.
(J)Iyong gagawin sila na gaya ng mainit na hurno sa panahon ng iyong galit.
Sasakmalin sila ng Panginoon sa kaniyang poot,
At susupukin sila ng (K)apoy.
10 (L)Ang kanilang bunga ay iyong lilipulin mula sa lupa,
At ang kanilang binhi ay mula sa gitna ng mga anak ng mga tao.
11 Sapagka't sila'y nagakala ng kasamaan laban sa iyo:
Sila'y nagpanukala ng lalang na hindi nila maisasagawa.
12 Sapagka't iyong patatalikurin sila,
(M)Ikaw ay maghahanda ng iyong mga bagting ng busog laban sa mukha nila.
13 Mataas ka, Oh Panginoon, sa iyong kalakasan:
Sa gayo'y aming aawitin at pupurihin ang iyong kapangyarihan.