Mga Awit 2
Ang Biblia, 2001
Ang Haring Pinili ng Panginoon
2 Bakit(A) nagsasabwatan ang mga bansa,
at sa walang kabuluhan ang mga bayan ay nagpaplano?
2 Inihanda ng mga hari sa lupa ang kanilang sarili,
at ang mga pinuno ay nagsisangguni,
laban sa Panginoon at sa kanyang binuhusan ng langis, na nagsasabi,
3 “Ang kanilang panggapos ay ating lagutin,
at itapon ang kanilang mga panali mula sa atin.”
4 Siya na nakaupo sa kalangitan ay tumatawa;
at ang Panginoon ay kumukutya sa kanila.
5 Kung magkagayo'y magsasalita siya sa kanila sa kanyang poot,
at tatakutin sila sa kanyang matinding galit, na nagsasabi,
6 “Gayunma'y inilagay ko ang aking hari sa Zion, sa aking banal na burol.”
7 Aking(B) sasabihin ang tungkol sa utos ng Panginoon:
Sinabi niya sa akin, “Ikaw ay aking anak,
sa araw na ito kita ay ipinanganak.
8 Humingi ka sa akin at ang mga bansa ay gagawin kong mana mo,
at ang mga dulo ng lupa ay magiging iyo.
9 Sila'y(C) iyong babaliin ng pamalong bakal,
at dudurugin mo sila gaya ng banga.”
10 Kaya't ngayon, O mga hari, kayo'y magpakapantas;
O mga pinuno ng lupa, kayo'y magsihanda.
11 Kayo'y maglingkod sa Panginoon na may takot,
at magalak na may panginginig,
12 ang anak ay inyong hagkan,
baka magalit siya at kayo'y mapahamak sa daan;
sapagkat ang kanyang poot ay madaling mag-alab.
Mapapalad ang lahat na nanganganlong sa kanya.