Add parallel Print Page Options

Ang Hinihiling ng Diyos

Awit ni David.

15 O Yahweh, sino kayang makakapasok sa iyong Templo?
    Sinong karapat-dapat sumamba sa iyong burol na sagrado?

Ang taong masunurin sa iyo sa lahat ng bagay,
    at laging gumagawa ayon sa katuwiran,
mga salita'y bukal sa loob at pawang katotohanan,
    at ang kapwa'y hindi niya sisiraan.
Di siya gumagawa ng masama sa kanyang kaibigan,
    tungkol sa kapwa'y di nagkakalat ng kasinungalingan.
Ang itinakwil ng Diyos ay di niya pinapakisamahan,
    mga may takot kay Yahweh, kanyang pinaparangalan.
Sa pangakong binitiwan, siya'y laging tapat,
    anuman ang mangyari, salita'y tinutupad.
Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pinautang,
    di nasusuhulan para ipahamak ang walang kasalanan.

Ang ganitong tao'y di matitinag kailanman.

Awit ni David.

15 O Panginoon, sinong sa iyong tolda ay manunuluyan?
    Sinong sa iyong banal na burol ay maninirahan?

Siyang lumalakad na matuwid, at gumagawa ng katuwiran,
    at mula sa kanyang puso ay nagsasalita ng katotohanan;
siyang hindi naninirang-puri ng kanyang dila,
    ni sa kanyang kaibigan ay gumagawa ng masama,
    ni umaalipusta man sa kanyang kapwa;
na sa mga mata niya ay nahahamak ang isang napakasama,
    kundi pinararangalan ang mga natatakot sa Panginoon;
at hindi nagbabago kapag sumumpa kahit na ito'y ikasasakit;
siyang hindi naglalagay ng patubo sa kanyang salapi,
    ni kumukuha man ng suhol laban sa walang sala.

Siyang gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi matitinag kailanman.

15 Panginoon, sinong makapanunuluyan sa iyong tabernakulo? Sinong tatahan sa iyong banal na bundok?

Siyang lumalakad na matuwid, at gumagawa ng katuwiran, at nagsasalita ng katotohanan sa kaniyang puso.

Siyang hindi naninirang puri ng kaniyang dila, ni gumagawa man ng kasamaan sa kaniyang kaibigan, ni dumudusta man sa kaniyang kapuwa.

Na sa mga mata niya ay nasisiphayo ang masama; kundi siyang nagbibigay puri sa mga natatakot sa Panginoon, siyang sumusumpa sa kaniyang sariling ikasasama at hindi nagbabago,

Siyang hindi naglalabas ng kaniyang salapi sa patubo, ni kumukuha man ng suhol laban sa walang sala. Siyang gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi makikilos kailan man.