Mga Awit 140
Ang Biblia, 2001
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
140 Iligtas mo ako, O Panginoon, sa masasamang tao;
mula sa mararahas na tao ay ingatan mo ako,
2 na nagbabalak ng kasamaan sa puso nila,
at patuloy na nanunulsol ng pakikidigma.
3 Pinatatalas(A) ang kanilang dila na gaya ng sa ahas;
at sa ilalim ng kanilang mga labi ay kamandag ng ulupong. (Selah)
4 O Panginoon, sa mga kamay ng masama ay ingatan mo ako,
ingatan mo ako sa mararahas na tao,
na nagbalak na tisurin ang mga paa ko.
5 Ang mga taong mapagmataas ay nagkubli para sa akin ng bitag,
at ng mga panali, at sila'y naglagay ng lambat sa tabi ng daan,
naglagay sila para sa akin ng mga patibong. (Selah)
6 Aking sinabi sa Panginoon, “Ikaw ay aking Diyos;
pakinggan mo ang tinig ng aking mga daing, O Panginoon.”
7 O Panginoon, aking Panginoon, lakas ng aking kaligtasan,
tinakpan mo ang ulo ko sa araw ng labanan.
8 Huwag mong ipagkaloob, O Panginoon, ang mga nasa ng masama;
huwag mong hayaang magpatuloy ang kanyang masamang pakana, baka sila'y magmalaki. (Selah)
9 Tungkol sa ulo ng mga pumalibot sa akin,
takpan nawa sila ng kasamaan ng kanilang sariling mga labi.
10 Mahulog nawa sa kanila ang mga nagniningas na baga!
Ihagis nawa sila sa apoy, sa mga malalim na hukay upang huwag na silang makabangong muli!
11 Ang mapanirang-puri nawa'y huwag matatag sa daigdig;
kaagad nawang tugisin ng kasamaan ang taong mapanlupig!
12 Alam kong tutulungan ng Panginoon ang panig ng nahihirapan,
at katarungan para sa mahirap.
13 Tunay na ang matuwid ay magpapasalamat sa iyong pangalan,
ang matuwid ay tatahan sa iyong harapan.