Add parallel Print Page Options

Awit ng Pagpupuri

135 Purihin si Yahweh!

Ngalan niya ay purihin kayong mga lingkod niya.
    Kayong lahat na sa banal niyang templo'y pumapasok
    upang doon manambahan sa banal na bahay ng Diyos.
Si Yahweh ay papurihan pagkat siya ay mabuti,
    ang taglay niyang kabaitan ay marapat sa papuri.
Siya rin nga ang pumili kay Jacob na kanyang lingkod,
    ang Israel nama'y bansang pinili niya at kinupkop.

Nalalaman kong si Yahweh ang Diyos na dakila,
    higit siya sa alinmang diyus-diyosang naglipana;
anumang nais ni Yahweh sa langit man o sa lupa,
    at kahit sa karagatan, ang anumang panukala,
    ginaganap niya ito, sa sariling pagkukusa.
Nilikha niya itong ulap na laganap sa daigdig,
    maging bagyong malalakas na may kidlat na mabilis;
    sa kanya rin nagmumula itong hanging umiihip.

Pinuksa niya sa Egipto bawat anak na panganay,
    maging tao't maging hayop ang panganay ay namatay.
Nagpakita siya roon ng gawang kahanga-hanga,
    upang kanyang pagdusahin si Farao't kanyang bansa.
10 Marami rin naman siyang winasak na mga bansa,
    at maraming mga haring pawang bantog ang pinuksa.
11 Itong haring Amoreo na si Sihon ang pangalan,
    at ang haring ang ngala'y Og, isang haring taga-Bashan,
    at iba pang mga hari na pinuksa sa Canaan.
12 Ang lupain nila roon ay kinuha at sinamsam,
    ibinigay sa Israel, bayang kanyang hinirang.
13 Ang pangalan mo, O Yahweh, ay magpakailanman,
    lahat ng nilikha, Yahweh, hindi ka malilimutan.
14 Ikaw nama'y mahahabag sa lahat ng iyong lingkod,
    ang alipin ay lalaya sa kanilang pagkagapos.
15 Ang(A) mga diyos ng mga bansa'y gawa sa pilak at ginto,
    kamay ng mga tao ang humugis at bumuo.
16 Oo't mayro'n silang bibig, hindi naman maibuka,
    mga mata'y mayroon din, hindi naman makakita;
17 mayroon silang mga tainga, ngunit hindi makarinig,
    hindi sila humihinga, sa ilong man o sa bibig.
18 Ang gumawa sa kanila, at lahat nang nagtiwala,
    matutulad sa idolong sila na rin ang lumikha!

19 Si Yahweh ay papurihan, purihin siya, O Israel,
    maging kayong mga pari sa Diyos ay magpuri rin.
20 Si Yahweh ay papurihan, kayong lahat na Levita,
    lahat kayong sumasamba ay magpuring sama-sama.
21 Ang Diyos na nasa Zion ay sambahin at purihin,
    si Yahweh ay papurihan, sa templo sa Jerusalem.

Purihin si Yahweh!

135 Purihin ang Panginoon!
    Purihin ang pangalan ng Panginoon,
    magpuri kayo, mga lingkod ng Panginoon,
kayong nagsisitayo sa bahay ng Panginoon,
    sa mga bulwagan ng bahay ng ating Diyos!
Purihin ang Panginoon, sapagkat ang Panginoon ay mabuti;
umawit sa kanyang pangalan, sapagkat ito'y kaibig-ibig.
Sapagkat pinili ng Panginoon si Jacob para sa kanyang sarili,
    ang Israel bilang kanyang sariling pag-aari.

Sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay dakila,
    at ang ating Panginoon ay higit sa lahat ng mga diyos.
Ginagawa ng Panginoon anumang kanyang kinalulugdan,
    sa langit at sa lupa,
    sa mga dagat, at sa lahat ng mga kalaliman.
Siya ang nagpapataas ng mga ulap sa mga dulo ng daigdig,
    na gumagawa ng mga kidlat para sa ulan
    at inilalabas ang hangin mula sa kanyang mga kamalig.

Siya ang pumatay sa mga panganay sa Ehipto,
    sa hayop at sa tao;
siya, O Ehipto, sa iyong kalagitnaan,
    ay nagsugo ng mga tanda at mga kababalaghan
    laban kay Faraon, at sa lahat niyang mga lingkod;
10 na siyang sa maraming bansa ay gumapi,
    at pumatay sa mga makapangyarihang hari,
11 kay Sihon na hari ng mga Amorita,
    at kay Og na hari sa Basan,
    at sa lahat ng mga kaharian ng Canaan,
12 at ibinigay bilang pamana ang kanilang lupain,
    isang pamana sa kanyang bayang Israel.

13 Ang iyong pangalan, O Panginoon, ay magpakailanman,
    ang iyong alaala, O Panginoon, ay sa lahat ng salinlahi.
14 Sapagkat hahatulan ng Panginoon ang kanyang bayan,
    at mga lingkod niya'y kanyang kahahabagan.

15 Ang(A) mga diyus-diyosan ng mga bansa ay pilak at ginto,
    na gawa ng mga kamay ng mga tao.
16 Sila'y may mga bibig, ngunit hindi sila nagsasalita;
    mayroon silang mga mata, ngunit hindi sila nakakakita;
17 sila'y may mga tainga, ngunit hindi sila nakakarinig;
    ni mayroon mang hininga sa kanilang mga bibig.
18 Maging kagaya sila
    ng mga gumawa sa kanila—
    oo, ang bawat nagtitiwala sa kanila!

19 O sambahayan ni Israel, purihin ninyo ang Panginoon!
    O sambahayan ni Aaron, purihin ninyo ang Panginoon!
20 O sambahayan ni Levi, purihin ninyo ang Panginoon!
    Kayong natatakot sa Panginoon, purihin ninyo ang Panginoon!
21 Purihin ang Panginoon mula sa Zion,
    siya na tumatahan sa Jerusalem.
Purihin ang Panginoon!

135 Purihin ninyo ang Panginoon. Purihin ninyo ang pangalan ng Panginoon; purihin ninyo siya, Oh ninyong mga lingkod ng Panginoon:

Ninyong nagsisitayo sa bahay ng Panginoon. Sa mga looban ng bahay ng ating Dios.

Purihin ninyo ang Panginoon; sapagka't ang Panginoon ay mabuti: magsiawit kayo ng mga pagpuri sa kaniyang pangalan; sapagka't maligaya.

Sapagka't pinili ng Panginoon para sa kaniya si Jacob, at ang Israel na kaniyang pinakatanging kayamanan.

Sapagka't nalalaman ko na ang Panginoon ay dakila, at ang ating Panginoon ay higit sa lahat na dios.

Anomang kinalugdan ng Panginoon, ay kaniyang ginawa, sa langit at sa lupa, sa mga dagat, at sa lahat ng mga kalaliman.

Kaniyang pinailanglang ang mga singaw na mula sa mga wakas ng lupa; kaniyang ginagawa ang mga kidlat na ukol sa ulan; kaniyang inilalabas ang hangin mula sa kaniyang mga ingatang-yaman.

Na siyang sumakit sa mga panganay sa Egipto, sa tao at gayon din sa hayop.

Siya'y nagsugo ng mga tanda at mga kababalaghan sa gitna mo, Oh Egipto, kay Faraon, at sa lahat niyang mga lingkod.

10 Na siyang sumakit sa maraming bansa, at pumatay sa mga makapangyarihang hari;

11 Kay Sehon na hari ng mga Amorrheo, at kay Og na hari sa Basan, at sa lahat ng mga kaharian ng Canaan:

12 At ibinigay ang kanilang lupain na pinakamana, isang pinakamana sa Israel sa kaniyang bayan.

13 Ang iyong pangalan, Oh Panginoon, ay magpakailan man; ang alaala sa iyo, Oh Panginoon, ay sa lahat ng sali't saling lahi.

14 Sapagka't hahatulan ng Panginoon ang kaniyang bayan, at magsisisi tungkol sa kaniyang mga lingkod.

15 Ang mga diosdiosan ng mga bansa ay pilak at ginto, na gawa ng mga kamay ng mga tao.

16 Sila'y may mga bibig, nguni't hindi sila nangagsasalita; mga mata ay mayroon sila, nguni't hindi sila nangakakakita;

17 Sila'y may mga tainga, nguni't hindi sila nangakakarinig; at wala mang anomang hinga sa kanilang mga bibig.

18 Silang nagsisigawa sa kanila ay magiging gaya nila; Oo, bawa't tumitiwala sa kanila.

19 Oh sangbahayan ni Israel, purihin ninyo ang Panginoon: Oh sangbahayan ni Aaron, purihin ninyo ang Panginoon:

20 Oh sangbahayan ni Levi, purihin ninyo ang Panginoon: ninyong nangatatakot sa Panginoon, purihin ninyo ang Panginoon.

21 Purihin ang Panginoon mula sa Sion, na siyang tumatahan sa Jerusalem. Purihin ninyo ang Panginoon.