Mga Awit 125
Ang Biblia, 2001
Awit ng Pag-akyat.
125 Ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay gaya ng bundok ng Zion,
na hindi makikilos kundi nananatili sa buong panahon.
2 Kung paanong ang mga bundok ay nakapalibot sa Jerusalem,
gayon ang Panginoon ay nakapalibot sa kanyang bayan,
mula sa panahong ito at magpakailanman.
3 Sapagkat ang setro ng kasamaan ay hindi mananatili
sa lupaing iniukol sa mga matuwid;
upang hindi iunat ng mga matuwid
ang kanilang mga kamay sa paggawa ng masama.
4 Gawan mo ng mabuti ang mabubuti, O Panginoon,
at ang matutuwid sa kanilang mga puso.
5 Ngunit ang mga lumilihis sa kanilang masasamang lakad,
ay itataboy ng Panginoon na kasama ng mga manggagawa ng kasamaan.
Dumating nawa ang kapayapaan sa Israel!
Mga Awit 125
Ang Biblia (1978)
Ang Panginoon ay laging sumasa kaniyang bayan. Awit sa mga Pagsampa.
125 Silang nagsisitiwala sa Panginoon
Ay parang bundok ng Sion, na hindi maaaring makilos, kundi nananatili magpakailan man.
2 Kung paanong ang mga bundok na nangasa palibot ng Jerusalem,
Gayon ang Panginoon sa palibot ng kaniyang bayan,
Mula sa panahong ito at sa magpakailan man.
3 Sapagka't ang cetro ng kasamaan ay (A)hindi bubuhatin sa (B)mga matuwid;
Upang huwag iunat ng mga matuwid ang kanilang mga kamay sa kasamaan.
4 Gawan mo ng mabuti, Oh Panginoon, yaong mabubuti,
At yaong matutuwid sa kanilang mga puso.
5 Nguni't sa (C)nagsisiliko sa kanilang mga likong lakad,
Ilalabas ng Panginoon na kasama ng mga manggagawa ng kasamaan.
(D)Kapayapaan nawa ay suma Israel.
Awit 125
Ang Dating Biblia (1905)
125 Silang nagsisitiwala sa Panginoon ay parang bundok ng Sion, na hindi maaaring makilos, kundi nananatili magpakailan man.
2 Kung paanong ang mga bundok na nangasa palibot ng Jerusalem, gayon ang Panginoon sa palibot ng kaniyang bayan, mula sa panahong ito at sa magpakailan man.
3 Sapagka't ang cetro ng kasamaan ay hindi bubuhatin sa mga matuwid; upang huwag iunat ng mga matuwid ang kanilang mga kamay sa kasamaan.
4 Gawan mo ng mabuti, Oh Panginoon, yaong mabubuti, at yaong matutuwid sa kanilang mga puso.
5 Nguni't sa nagsisiliko sa kanilang mga likong lakad, ilalabas ng Panginoon na kasama ng mga manggagawa ng kasamaan. Kapayapaan nawa ay suma Israel.
Salmo 125
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Kaligtasan ng mga Mamamayan ng Dios
125 Ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay tulad ng Bundok ng Zion na hindi natitinag,
sa halip ay nananatili magpakailanman.
2 Kung paanong ang mga bundok ay nakapaligid sa lungsod ng Jerusalem,
ang Panginoon ay nasa paligid din ng kanyang mga mamamayan magpakailanman.
3 Ang masama ay hindi mananatiling namamahala sa lupaing para sa mga matuwid,
dahil baka makagawa rin ng masama ang mga matuwid.
4 Panginoon, gawan nʼyo ng mabuti ang mga taong mabuti na namumuhay nang matuwid.
5 Ngunit parusahan nʼyo kasama ng masasama ang inyong mamamayan na sumusunod sa hindi wastong pamumuhay.
Mapasaiyo nawa Israel ang kapayapaan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
