Mga Awit 108
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Papuri at Panalangin ng Tagumpay(A)
Awit ni David.
108 Nahahanda ako ngayon, O Diyos, ako ay handa na,
na magpuri at umawit ng awiting masisigla!
Gumising ka, kaluluwa, gumising ka at magsaya!
2 O magsigising na nga kayo, mga lira at alpa;
tumugtog na at hintayin ang liwayway ng umaga.
3 Sa gitna ng mga bansa kita'y pasasalamatan,
Yahweh, ika'y pupurihin sa gitna ng mga hirang.
4 Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan,
nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.
5 Sa ibabaw ng mga langit, ikaw ay itatanghal,
at dito naman sa daigdig ang iyong kaluwalhatian.
6 Sa taglay mong kalakasan kami sana ay iligtas,
upang kaming iyong lingkod ay hindi na mapahamak;
dinggin mo ang dalangin ko kapag ako'y tumatawag.
7 Sinabi nga nitong Diyos mula sa tronong luklukan,
“Hahatiin ko ang Shekem, bilang tanda ng tagumpay,
paghahati-hatiin ko ang Sucot na kapatagan, matapos na gawin ito'y ibibigay sa hinirang.
8 Ang Gilead at Manases, dal'wang dakong ito'y akin,
magsisilbing helmet ko itong lugar ng Efraim;
samantalang itong Juda ay setrong dadakilain.
9 Ang Moab ay isang lugar na gagawin kong hugasan,
samantalang itong Edom ay lupa kong tatapakan;
doon naman sa Filistia, tagumpay ko'y isisigaw.”
10 Sino kaya ang sasama sa lakad ko, Panginoon? Sa lunsod na mayroong kuta, sino'ng maghahatid ngayon?
Sino kaya'ng magdadala sa akin sa lupang Edom?
11 Dahil kami'y itinakwil, hindi mo na pinapansin.
Kung ikaw ay di kasama, paano ang hukbo namin?
12 O Diyos, kami'y tulungan mo sa paglaban sa kaaway,
pagkat ang tulong ng tao ay walang kabuluhan.
13 Kung ang Diyos ang kasama, kasama sa panig namin,
matatamo ang tagumpay, ang kaaway tatalunin.