Add parallel Print Page Options

Awit ni David.

108 Ang aking puso ay tapat, O Diyos;
    ako'y aawit, oo, ako'y aawit
    ng mga pagpuri ng aking kaluwalhatian!
Kayo'y gumising, alpa at lira!
    Aking gigisingin ang madaling-araw!
Ako'y magpapasalamat sa iyo, O Panginoon, sa gitna ng mga bayan;
    ako'y aawit ng mga papuri sa iyo sa gitna ng mga bansa.
Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay dakila sa itaas ng mga langit,
    ang iyong katotohanan ay umaabot sa mga ulap.

Dakilain ka, O Diyos, sa itaas ng mga langit!
    Ang iyo nawang kaluwalhatian ay maging sa ibabaw ng buong lupa!
Upang mailigtas ang minamahal mo,
    tulungan mo ng iyong kanang kamay, at sagutin mo ako!
Ang Diyos ay nagsalita sa kanyang santuwaryo:
    “Ang Shekem ay hahatiin ko,
    at ang Libis ng Sucot ay susukatin ko.
Ang Gilead ay akin; ang Manases ay akin;
    ang Efraim ay helmet ng ulo ko;
    ang Juda'y aking setro.
Ang Moab ay aking hugasan;
    sa Edom ay ihahagis ko ang aking sandalyas;
    sa ibabaw ng Filistia ay sisigaw ako ng malakas.”
10 Sinong magdadala sa akin sa lunsod na may kuta?
    Sinong maghahatid sa akin sa Edom?
11 Hindi ba't itinakuwil mo na kami, O Diyos?
    At hindi ka ba hahayong kasama ng aming mga hukbo, O Diyos?
12 Ng tulong laban sa kaaway kami ay pagkalooban mo,
    sapagkat walang kabuluhan ang tulong ng tao.
13 Kasama ng Diyos ay gagawa kaming may katapangan;
    siya ang yayapak sa aming mga kalaban.

Panalangin para Tulungan ng Dios(A)

108 O Dios, lubusan akong nagtitiwala sa inyo.
    Buong puso kitang aawitan ng mga papuri.
Gigising ako ng maaga
    at ihahanda ko ang alpa at mga instrumentong may mga kwerdas.
Panginoon, pupurihin kita sa gitna ng mga bansa.
    Akoʼy aawit para sa inyo sa gitna ng inyong mga mamamayan.
Dahil napakadakila at walang kapantay ang pag-ibig nʼyo at katapatan.
O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa kalangitan at sa buong mundo.
Iligtas nʼyo kami sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
    Pakinggan nʼyo kami,
    upang kaming mga iniibig nʼyo ay maligtas.
O Dios, sinabi nʼyo roon sa inyong templo,
    “Magtatagumpay ako! Hahatiin ko ang Shekem at ang Lambak ng Sucot,
    para ipamigay sa aking mga mamamayan.
Sa akin ang Gilead at Manase,
    ang Efraim ay gagawin kong tanggulan[a]
    at ang Juda ang aking tagapamahala.[b]
Ang Moab ang aking utusan[c] at ang Edom ay sa akin din.[d]
    Sisigaw ako ng tagumpay laban sa mga Filisteo.”

10 Sinong magdadala sa akin sa Edom
    at sa lungsod nito na napapalibutan ng pader?
11 Sino na ang makakatulong, O Dios, ngayong itinakwil nʼyo na kami?
    Ni hindi na nga kayo sumasama sa aming mga kawal.
12 Tulungan nʼyo kami laban sa aming mga kaaway,
    dahil ang tulong ng tao ay walang kabuluhan.
13 Sa tulong nʼyo, O Dios,
    kami ay magtatagumpay
    dahil tatalunin nʼyo ang aming mga kaaway.

Footnotes

  1. 108:8 tanggulan: sa literal, helmet.
  2. 108:8 tagapamahala: sa literal, setro ng hari.
  3. 108:9 utusan: sa literal, planggana na panghugas ng mukha, kamay at paa.
  4. 108:9 sa akin din: o, aking alipin. Sa literal, tatapunan ko ng aking sandalyas.