Mga Awit 107
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
IKALIMANG AKLAT
Awit ng Pagpapasalamat sa Kabutihan ng Diyos
107 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
2 Lahat ng niligtas,
tinubos ni Yahweh, bayaang magpuri,
mga tinulungan,
upang sa problema, sila ay magwagi.
3 Sa sariling bayan,
sila ay tinipo't pinagsama-sama,
silanga't kanluran
timog at hilaga, ay doon kinuha.
4 Mayro'ng naglumagak
sa ilang na dako, at doon nanahan,
sapagkat sa lunsod
ay wala nang lugar silang matirahan.
5 Wala nang makain
kaya't sila'y nagutom, nauhaw na lubha,
ang katawan nila
ay naging lupaypay, labis na nanghina.
6 Nang sila'y magipit,
kay Yahweh, sila ay tumawag,
at dininig naman
sa gipit na lagay, sila'y iniligtas.
7 Inialis sila
sa lugar na iyon at pinatnubayan,
tuwirang dinala
sa payapang lunsod at doon tumahan.
8 Kaya dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
9 Mga nauuhaw
ay pinapainom upang masiyahan,
mga nagugutom
ay pawang binubusog sa mabuting bagay.
10 Sa dakong madilim,
may mga nakaupo na puspos ng lungkot,
bilanggo sa dusa,
at sa kahirapan sila'y nagagapos.
11 Ang dahilan nito—
sila'y naghimagsik, lumaban sa Diyos;
mga pagpapayo ng Kataas-taasan ay hindi sinunod.
12 Nahirapan sila,
pagkat sa gawain sila'y hinagupit;
sa natamong hirap,
nang sila'y bumagsak ay walang lumapit.
13 Sa gitna ng hirap,
kay Yahweh sila ay tumawag;
at dininig naman
yaong kahilingan na sila'y iligtas.
14 Sa dakong madilim,
sila ay hinango sa gitna ng lungkot,
at ang tanikala
sa kamay at paa ay kanyang nilagot.
15 Kaya dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
16 Winawasak niya,
maging mga pinto na yari sa tanso,
ang rehas na bakal
ay nababaluktot kung kanyang mahipo.
17 May nangagkasakit,
dahil sa kanilang likong pamumuhay;
dahil sa pagsuway,
ang dinanas nila'y mga kahirapan.
18 Anumang pagkain
na makita nila'y di na magustuhan,
anupa't sa anyo,
di na magluluwat ang kanilang buhay.
19 Sa ganoong lagay,
sila ay tumawag kay Yahweh,
tinulungan sila
at sa kahirapan, sila ay tinubos.
20 Sa salita lamang
na kanyang pahatid sila ay gumaling,
at naligtas sila
sa kapahamakang sana ay darating.
21 Kaya't dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
22 Dapat ding dumulog,
na dala ang handog ng pasasalamat,
lahat ng ginawa
niya'y ibalita, umawit sa galak!
23 Mayroong naglayag
na lulan ng barko sa hangad maglakbay,
ang tanging layunin
kaya naglalayag, upang mangalakal.
24 Nasaksihan nila
ang kapangyarihan ni Yahweh,
ang kahanga-hangang
ginawa ni Yahweh na hindi maarok.
25 Nang siya'y mag-utos,
nagngalit ang dagat, hangin ay lumakas,
lumaki ang alon
na kung pagmamasdan, ay pagkatataas.
26 Ang sasakyan nila
halos ay ipukol mula sa ibaba,
kapag naitaas
ang sasakyang ito'y babagsak na bigla;
dahil sa panganib,
ang pag-asa nila ay halos mawala.
27 Ang kanilang anyo'y
parang mga lasing na pahapay-hapay,
dati nilang sigla't
mga katangia'y di pakinabangan.
28 Nang nababagabag,
kay Yahweh sila ay tumawag,
dininig nga sila
at sa kahirapan, sila'y iniligtas.
29 Ang bagyong malakas,
pinayapa niya't kanyang pinatigil,
pati mga alon,
na naglalakihan ay tumahimik din.
30 Nang tumahimik na,
sila ay natuwa, naghari ang galak,
at natamo nila
ang kanilang pakay sa ibayong dagat.
31 Kaya't dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
32 Itong Panginoon
ay dapat itanghal sa gitna ng madla,
dapat na purihin
sa kalipunan man ng mga matanda.
33 Nagagawa niyang
tuyuin ang ilog na tulad ng ilang,
maging mga batis
ay nagagawa ring parang lupang tigang.
34 Ang(B) lupang mataba,
kung kanyang ibigi'y nawawalang saysay,
dahilan sa sama
ng mga nilikhang doo'y nananahan.
35 Kahit naman ilang,
nagagawa niyang matabang lupain,
nagiging batisang
sagana sa tubig ang tuyong lupain.
36 Sa lupaing iyon,
ang mga nagugutom doon dinadala,
ipinagtatayo
ng kanilang lunsod at doon titira.
37 Sila'y nagbubukid,
nagtatanim sila ng mga ubasan,
umaani sila
ng saganang bunga, sa lupang tinamnan.
38 Sila'y pinagpala't
lalong pinarami ang kanilang angkan,
at dumarami rin
pati mga baka sa kanilang kawan.
39 Kapag pinahiya
ang bayan ng Diyos at nalupig sila,
ang bansang sumakop
na nagpapahirap at nagpaparusa,
40 sila'y susumbatan
nitong Panginoo't ang kanyang gagawin,
ikakalat sila sa hindi kilalang malayong lupain.
41 Ngunit itataas
ang nangagdurusa't laging inaapi,
parang mga kawan,
yaong sambahayan nila ay darami.
42 Nakikita ito
ng mga matuwid kaya nagagalak,
titikom ang bibig
ng mga masama at taong pahamak.
43 Kayong matalino,
ang bagay na ito'y inyong unawain,
pag-ibig ni Yahweh
na di kumukupas ay inyong tanggapin.
Mga Awit 107
Ang Biblia (1978)
IKALIMANG AKLAT
Ang Panginoon ay nagliligtas ng tao sa maraming mga sakuna.
107 Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; (A)sapagka't siya'y mabuti:
Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
2 (B)Sabihing gayon ng tinubos ng Panginoon,
(C)Na kaniyang tinubos sa kamay ng kaaway;
3 At (D)mga pinisan mula sa mga lupain,
Mula sa silanganan, at mula sa kalunuran,
Mula sa hilagaan at mula sa timugan.
4 Sila'y nagsilaboy (E)sa ilang, sa ulilang landas;
Sila'y hindi nakasumpong ng bayang tahanan.
5 Gutom at uhaw,
Ang kanilang kaluluwa'y nanglupaypay sa kanila.
6 (F)Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan,
At iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan.
7 Pinatnubayan naman niya sila sa (G)matuwid na daan,
Upang sila'y magsiyaon sa bayang tahanan.
8 (H)Oh purihin ng mga tao ang Panginoon dahil sa kaniyang kagandahang-loob,
At dahil sa kaniyang mga kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao!
9 Sapagka't (I)kaniyang binigyang kasiyahan ang nananabik na kaluluwa,
At ang gutom na kaluluwa ay binusog niya ng kabutihan.
10 Ang gayong (J)tumatahan sa kadiliman, at sa lilim ng kamatayan,
Na natatali sa dalamhati at pangaw;
11 Sapagka't sila'y nanghimagsik laban sa mga salita ng Dios,
At hinamak ang (K)payo ng Kataastaasan:
12 Kaya't kaniyang ibinaba ang kanilang puso na may hirap;
Sila'y nangabuwal, at (L)walang sumaklolo.
13 (M)Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan,
At iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan.
14 (N)Inilabas niya sila sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan,
At (O)pinatid ang kanilang mga tali.
15 (P)Oh purihin ng mga tao ang Panginoon dahil sa kaniyang kagandahang-loob,
At dahil sa kaniyang mga kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao!
16 Sapagka't (Q)kaniyang sinira ang mga pintuang-bayan na tanso,
At pinutol ang mga halang na bakal.
17 (R)Mga mangmang dahil sa kanilang mga pagsalangsang,
At dahil sa kanilang mga kasamaan ay nadadalamhati.
18 Kinayayamutan ng kanilang kaluluwa ang sarisaring pagkain;
At sila'y nagsisilapit sa (S)mga pintuan ng kamatayan,
19 (T)Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan,
At iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan.
20 (U)Sinugo niya ang kaniyang salita, at (V)pinagaling sila,
At (W)iniligtas sila sa kanilang mga ikapapahamak.
21 (X)Oh purihin ng mga tao ang Panginoon dahil sa kaniyang kagandahang-loob,
At dahil sa kaniyang kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao!
22 At (Y)mangaghandog sila ng mga hain na pasalamat,
At ipahayag ang kaniyang mga gawa na may awitan.
23 (Z)Silang nagsisibaba sa dagat sa mga sasakyan,
Na nangangalakal sa (AA)mga malawak na tubig;
24 Ang mga ito'y nangakakakita ng mga gawa ng Panginoon,
At ng kaniyang mga kababalaghan sa kalaliman.
25 Sapagka't siya'y naguutos, at (AB)nagpapaunos,
Na nagbabangon ng mga alon niyaon.
26 Nagsisitaas sa mga langit, nagsisibaba uli sa mga kalaliman:
(AC)Ang kanilang kaluluwa ay natutunaw dahil sa kabagabagan.
27 Sila'y hahampashampas na paroo't parito, at (AD)gigiraygiray na parang lasing,
At ang kanilang karunungan ay nawala.
28 (AE)Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan,
At inilabas niya sila sa kanilang kahirapan.
29 (AF)Kaniyang pinahihimpil ang bagyo,
Na anopa't ang mga alon niyaon ay nagsisitahimik.
30 Nang magkagayo'y natutuwa sila, dahil sa sila'y tiwasay.
Sa gayo'y kaniyang dinadala sila sa daongang kanilang ibigin.
31 (AG)Oh purihin ng mga tao ang Panginoon dahil sa kaniyang kagandahang-loob,
At dahil sa kaniyang kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao!
32 Ibunyi rin naman nila siya (AH)sa kapulungan ng bayan,
At purihin siya sa upuan ng mga matanda.
33 Kaniyang (AI)pinapagiging ilang ang mga ilog,
At uhaw na lupa ang mga bukal:
34 Na maalat na ilang (AJ)ang mainam na lupain,
Dahil sa kasamaan nila na nagsisitahan doon.
35 Kaniyang pinapagiging lawa ng mga tubig ang ilang,
At mga bukal ang tuyong lupain.
36 At kaniyang pinatatahan doon ang gutom,
Upang makapaghanda sila ng bayang tahanan;
37 At maghasik sa mga bukid, at magtanim ng mga ubasan,
At magtamo ng mga bunga na pakinabang.
38 (AK)Kaniya namang pinagpapala sila, na anopa't sila'y lubhang nagsisidami;
At hindi tinitiis na ang kanilang kawan ay magkulang.
39 Muli, sila'y nakulangan at nahapay
Sa kapighatian, kabagabagan, at kahirapan.
40 Kaniyang (AL)ibinubugso ang kadustaan sa mga pangulo,
At kaniyang pinagagala sila sa ilang na walang lansangan.
41 (AM)Gayon ma'y iniuupo niya sa mataas ang mapagkailangan mula sa kadalamhatian,
At ginagawan siya ng mga angkan na parang kawan.
42 Makikita ng matuwid, at matutuwa;
(AN)At titikumin ng lahat ng kasamaan ang kaniyang bibig.
43 (AO)Kung sino ang pantas ay magbulay sa mga bagay na ito,
At kanilang magugunita ang mga kagandahang-loob ng Panginoon.
Mga Awit 107
Ang Biblia, 2001
IKALIMANG AKLAT
107 O(A) magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
sapagkat magpakailanman ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili.
2 Sabihing gayon ng tinubos ng Panginoon,
na kanyang tinubos mula sa kamay ng kaaway,
3 at tinipon mula sa mga lupain,
mula sa silangan at mula sa kanluran,
mula sa hilaga at mula sa timugan.
4 Sila'y nagsilaboy sa ilang, sa tapunang lugar,
na hindi natagpuan ang daan patungo sa isang bayang matitirahan;
5 gutom at uhaw,
ang kanilang kaluluwa ay nanghina.
6 Nang magkagayo'y dumaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan,
at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan.
7 Pinatnubayan naman niya sila sa matuwid na daan,
patungo sa isang bayang matatahanan.
8 Purihin nila ang Panginoon dahil sa kanyang tapat na pag-ibig,
dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao!
9 Sapagkat kanyang binigyang-kasiyahan ang nauuhaw,
at ang gutom na kaluluwa ay binusog niya ng mabubuting bagay.
10 Ang ilan ay nakaupo sa kadiliman at sa anino ng kamatayan,
mga bilanggo sa kahirapan at may tanikala,
11 sapagkat sila'y naghimagsik laban sa mga salita ng Diyos,
at hinamak ang payo ng Kataas-taasan.
12 Ang kanilang mga puso ay yumuko sa mahirap na paggawa;
sila'y nabuwal at walang sumaklolo.
13 Nang magkagayo'y dumaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan,
at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan,
14 Inilabas niya sila sa kadiliman at anino ng kamatayan,
at sa kanilang mga gapos ay kinalagan.
15 Pasalamatan nila ang Panginoon dahil sa kanyang tapat na pag-ibig,
dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao!
16 Sapagkat kanyang sinira ang mga pintuang tanso,
at pinutol ang mga baras na bakal.
17 Mga mangmang dahil sa daan ng kanilang mga kasalanan,
at dahil sa kanilang mga kasamaan ay nagdanas ng kahirapan;
18 ang anumang uri ng pagkain ay kinasuklaman ng kanilang kaluluwa,
at sila'y nagsilapit sa mga pintuan ng kamatayan.
19 Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan,
at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan.
20 Sinugo niya ang kanyang salita, at pinagaling sila,
iniligtas niya sila sa kapahamakan.
21 Purihin nawa nila ang Panginoon dahil sa kanyang tapat na pag-ibig,
dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao!
22 At maghandog nawa sila ng mga alay na pasasalamat,
at ipahayag ang kanyang mga gawa na may awit ng kagalakan.
23 Silang nagsisibaba sa dagat sa mga sasakyang-dagat,
na nangangalakal sa tubig na malalawak;
24 nakita nila ang mga gawa ng Panginoon,
ang kanyang kahanga-hangang mga gawa sa kalaliman.
25 Sapagkat siya'y nag-utos, at itinaas ang maunos na hangin,
na nagpataas sa mga alon ng dagat.
26 Sila'y umakyat hanggang sa langit, sila'y nagsibaba sa mga kalaliman;
ang kanilang kaluluwa ay natutunaw sa masama nilang kalagayan,
27 sila'y sumuray-suray at nagpagiray-giray na parang taong lasing,
at ang kanilang karunungan ay nawala.
28 Nang magkagayo'y dumaing sila sa Panginoon sa kanilang kahirapan,
at iniligtas niya sila sa kanilang kapighatian.
29 Kanyang pinatigil ang bagyo,
anupa't ang mga alon ng dagat ay tumahimik.
30 Nang magkagayo'y natuwa sila sapagkat sila'y nagkaroon ng katahimikan,
at dinala niya sila sa kanilang nais daungan.
31 Purihin nila ang Panginoon dahil sa kanyang tapat na pag-ibig,
at dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao!
32 Purihin nila siya sa kapulungan ng bayan,
at purihin siya sa pagtitipon ng matatanda.
33 Kanyang ginawang ilang ang mga ilog,
at tigang na lupa ang mga bukal ng tubig,
34 maalat na ilang ang mabungang lupain,
dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon.
35 Kanyang ginawang mga lawa ng tubig ang ilang,
at mga bukal ang tuyong lupain.
36 At kanyang pinatitira roon ang gutom,
upang sila'y makapagtatag ng bayang matatahanan;
37 at sila'y maghasik sa mga bukid, at magtanim ng mga ubasan,
at magtamo ng mga saganang ani.
38 Sila din ay pinagpapala niya at sila'y mas dumarami;
at hindi niya hinayaang ang kanilang kawan ay mabawasan.
39 Nang sila'y nawalan at napahiya
sa pamamagitan ng pagmamalupit, kaguluhan, at kapighatian,
40 kanyang binuhusan ng paghamak ang mga pinuno,
at pinagala sila sa ilang na walang lansangan.
41 Gayunma'y iniupo niya sa mataas ang nangangailangan mula sa kahirapan,
at ang kanilang mga angkan ay ginawang parang kawan.
42 Nakikita ito ng matuwid at natutuwa;
at tumikom ang bibig ng lahat ng masama.
43 Kung sinuman ang pantas ay unawain niya ang mga bagay na ito,
at isaalang-alang niya ang tapat na pag-ibig ng Panginoon.
Awit 107
Ang Dating Biblia (1905)
107 Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y mabuti: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
2 Sabihing gayon ng tinubos ng Panginoon, na kaniyang tinubos sa kamay ng kaaway;
3 At mga pinisan mula sa mga lupain, mula sa silanganan, at mula sa kalunuran, mula sa hilagaan at mula sa timugan.
4 Sila'y nagsilaboy sa ilang, sa ulilang landas; sila'y hindi nakasumpong ng bayang tahanan.
5 Gutom at uhaw, ang kanilang kaluluwa'y nanglupaypay sa kanila.
6 Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan, at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan.
7 Pinatnubayan naman niya sila sa matuwid na daan, upang sila'y magsiyaon sa bayang tahanan.
8 Oh purihin ng mga tao ang Panginoon dahil sa kaniyang kagandahang-loob, at dahil sa kaniyang mga kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao!
9 Sapagka't kaniyang binigyang kasiyahan ang nananabik na kaluluwa, at ang gutom na kaluluwa ay binusog niya ng kabutihan.
10 Ang gayong tumatahan sa kadiliman, at sa lilim ng kamatayan, na natatali sa dalamhati at pangaw;
11 Sapagka't sila'y nanghimagsik laban sa mga salita ng Dios, at hinamak ang payo ng Kataastaasan:
12 Kaya't kaniyang ibinaba ang kanilang puso na may hirap; sila'y nangabuwal, at walang sumaklolo.
13 Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan, at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan.
14 Inilabas niya sila sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan, at pinatid ang kanilang mga tali.
15 Oh purihin ng mga tao ang Panginoon dahil sa kaniyang kagandahang-loob, at dahil sa kaniyang mga kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao!
16 Sapagka't kaniyang sinira ang mga pintuang-bayan na tanso, at pinutol ang mga halang na bakal.
17 Mga mangmang dahil sa kanilang mga pagsalangsang, at dahil sa kanilang mga kasamaan ay nadadalamhati.
18 Kinayayamutan ng kanilang kaluluwa ang sarisaring pagkain; at sila'y nagsisilapit sa mga pintuan ng kamatayan,
19 Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan, at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan.
20 Sinugo niya ang kaniyang salita, at pinagaling sila, at iniligtas sila sa kanilang mga ikapapahamak.
21 Oh purihin ng mga tao ang Panginoon dahil sa kaniyang kagandahang-loob, at dahil sa kaniyang kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao!
22 At mangaghandog sila ng mga hain na pasalamat, at ipahayag ang kaniyang mga gawa na may awitan.
23 Silang nagsisibaba sa dagat sa mga sasakyan, na nangangalakal sa mga malawak na tubig;
24 Ang mga ito'y nangakakakita ng mga gawa ng Panginoon, at ng kaniyang mga kababalaghan sa kalaliman.
25 Sapagka't siya'y naguutos, at nagpapaunos, na nagbabangon ng mga alon niyaon.
26 Nagsisitaas sa mga langit, nagsisibaba uli sa mga kalaliman: ang kanilang kaluluwa ay natutunaw dahil sa kabagabagan.
27 Sila'y hahampashampas na paroo't parito, at gigiraygiray na parang lasing, at ang kanilang karunungan ay nawala.
28 Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan, at inilabas niya sila sa kanilang kahirapan.
29 Kaniyang pinahihimpil ang bagyo, na anopa't ang mga alon niyaon ay nagsisitahimik.
30 Nang magkagayo'y natutuwa sila, dahil sa sila'y tiwasay. Sa gayo'y kaniyang dinadala sila sa daongang kanilang ibigin.
31 Oh purihin ng mga tao ang Panginoon dahil sa kaniyang kagandahang-loob, at dahil sa kaniyang kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao!
32 Ibunyi rin naman nila siya sa kapulungan ng bayan, at purihin siya sa upuan ng mga matanda.
33 Kaniyang pinapagiging ilang ang mga ilog, at uhaw na lupa ang mga bukal:
34 Na maalat na ilang ang mainam na lupain, dahil sa kasamaan nila na nagsisitahan doon.
35 Kaniyang pinapagiging lawa ng mga tubig ang ilang, at mga bukal ang tuyong lupain.
36 At kaniyang pinatatahan doon ang gutom, upang makapaghanda sila ng bayang tahanan;
37 At maghasik sa mga bukid, at magtanim ng mga ubasan, at magtamo ng mga bunga na pakinabang.
38 Kaniya namang pinagpapala sila, na anopa't sila'y lubhang nagsisidami; at hindi tinitiis na ang kanilang kawan ay magkulang.
39 Muli, sila'y nakulangan at nahapay sa kapighatian, kabagabagan, at kahirapan.
40 Kaniyang ibinubugso ang kadustaan sa mga pangulo, at kaniyang pinagagala sila sa ilang na walang lansangan.
41 Gayon ma'y iniuupo niya sa mataas ang mapagkailangan mula sa kadalamhatian, at ginagawan siya ng mga angkan na parang kawan.
42 Makikita ng matuwid, at matutuwa; at titikumin ng lahat ng kasamaan ang kaniyang bibig.
43 Kung sino ang pantas ay magbulay sa mga bagay na ito, at kanilang magugunita ang mga kagandahang-loob ng Panginoon.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
