Mga Awit 105
Ang Biblia, 2001
Ang Diyos at ang Kanyang Bayan(A)
105 O magpasalamat kayo sa Panginoon, kayo'y magsitawag sa kanyang pangalan;
ipabatid ninyo ang kanyang mga gawa sa mga bayan!
2 Umawit kayo sa kanya, umawit kayo sa kanya ng mga papuri;
sabihin ninyo ang lahat niyang kahanga-hangang mga gawa!
3 Lumuwalhati kayo sa kanyang banal na pangalan;
magagalak ang puso nila na nagsisihanap sa Panginoon.
4 Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kanyang kalakasan;
patuloy ninyong hanapin ang kanyang mukha!
5 Alalahanin ninyo ang mga kahanga-hangang gawa na kanyang ginawa;
ang kanyang mga kababalaghan at ang mga kahatulan ng kanyang bibig,
6 O kayong binhi ni Abraham na lingkod niya,
mga anak ni Jacob, na mga pinili niya!
7 Siya ang Panginoon nating Diyos;
ang kanyang mga kahatulan ay nasa buong lupa.
8 Kanyang inaalala ang kanyang tipan magpakailanman,
ang salita na kanyang iniutos sa libong salinlahi,
9 ang(B) tipan na kanyang ginawa kay Abraham,
ang kanyang sinumpaang pangako kay Isaac,
10 na(C) kanyang pinagtibay kay Jacob bilang isang tuntunin,
sa Israel bilang isang walang hanggang tipan,
11 na sinasabi, “Sa iyo'y ibibigay ko ang lupain ng Canaan,
bilang iyong bahaging pinakamana.”
12 Nang sila'y iilan lamang sa bilang;
at totoong kakaunti, at doon ay mga dayuhan;
13 na gumagala mula sa isang bansa tungo sa isang bansa,
mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan.
14 Hindi(D) niya pinahintulutan ang sinuman na sila ay pagmalupitan;
sinaway niya ang mga hari alang-alang sa kanilang sarili:
15 “Huwag ninyong galawin ang aking mga pinahiran;
ang aking mga propeta ay huwag ninyong sasaktan.”
16 At(E) siya'y nagdala ng taggutom sa lupain;
binali niya ang bawat tungkod ng tinapay,
17 siya'y(F) nagsugo ng isang lalaki sa unahan nila,
si Jose na ipinagbili bilang alipin.
18 Ang(G) kanyang mga paa ay sinaktan ng mga tanikala,
siya'y nilagyan ng kuwelyo na bakal;
19 hanggang sa ang kanyang salita ay maganap;
siya ay sinubok ng salita ng Panginoon.
20 Ang(H) hari ay nagsugo at pinakawalan siya;
ang pinuno ng mga bayan, at siya'y pinalaya niya,
21 kanyang(I) ginawa siyang panginoon ng kanyang tahanan,
at pinuno ng lahat niyang ari-arian,
22 upang talian ang kanyang mga pinuno ayon sa kanyang nais,
at turuan ng karunungan ang kanyang matatanda.
23 At(J) ang Israel ay dumating sa Ehipto;
si Jacob ay nakipanirahan sa lupain ng Ham.
24 At(K) ginawang napakabunga ng Panginoon ang kanyang bayan,
at ginawa silang higit na malakas kaysa kanilang mga kaaway.
25 Kanyang ibinaling ang kanilang puso upang mapoot sa kanyang bayan,
upang makitungong may katusuhan sa kanyang mga lingkod.
26 Kanyang(L) sinugo si Moises na kanyang lingkod,
at si Aaron na kanyang pinili.
27 Kanilang isinagawa ang kanyang kahanga-hangang gawa sa gitna nila,
at mga kababalaghan sa lupain ng Ham.
28 Siya'y(M) nagsugo ng mga kadiliman, at nagpadilim,
sila'y hindi naghimagsik laban sa kanyang mga salita.
29 Kanyang(N) ginawang dugo ang kanilang tubig,
at pinatay ang kanilang mga isda.
30 Ang(O) kanilang lupain ay napuno ng mga palaka,
maging sa mga silid-tulugan ng kanilang mga hari.
31 Siya'y(P) nagsalita, at dumating ang mga pulutong na mga langaw,
at mga niknik sa buong bayan.
32 Binigyan(Q) niya sila ng yelo bilang ulan,
at liyab ng apoy sa kanilang lupain.
33 Pinatay niya ang kanilang mga puno ng ubas at mga puno ng igos,
at winasak ang mga punungkahoy sa kanilang lupain.
34 Siya'y(R) nagsalita at ang mga balang ay nagsidating,
ang mga batang balang na di kayang bilangin,
35 na kinain ang lahat ng pananim sa kanilang lupain,
at kinain ang bunga ng kanilang lupain.
36 Pinagpapatay(S) din niya ang lahat ng panganay sa kanilang lupain,
ang unang bunga ng lahat nilang kalakasan.
37 At(T) kanyang inilabas sila na may pilak at ginto;
at walang sinuman sa kanyang mga lipi ang natisod.
38 Natuwa ang Ehipto nang sila'y magsialis;
sapagkat ang pagkatakot nila ay dumating sa kanila.
39 Kanyang(U) inilatag ang ulap bilang panakip,
at apoy upang magbigay liwanag sa gabi.
40 Sila'y(V) humingi, at dinalhan niya ng mga pugo,
at binigyan niya sila ng saganang tinapay mula sa langit.
41 Kanyang(W) binuksan ang bato at dumaloy ang tubig;
ito'y umagos sa ilang na gaya ng ilog.
42 Sapagkat naalala niya ang kanyang banal na salita,
at si Abraham na kanyang lingkod.
43 At kanyang inilabas na may kagalakan ang kanyang bayan,
at ang kanyang hinirang na may pag-aawitan.
44 At(X) ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng mga bansa;
at inangkin nila ang paggawa ng mga tao,
45 upang kanilang ingatan ang kanyang mga tuntunin,
at ang kanyang mga kautusan ay sundin.
Purihin ang Panginoon!