Awit 105
Ang Dating Biblia (1905)
105 Oh magpasalamat kayo sa Panginoon, kayo'y magsitawag sa kaniyang pangalan; ipabatid ninyo ang kaniyang mga gawain sa mga bayan.
2 Magsiawit kayo sa kaniya, magsiawit kayo sa kaniya ng mga pagpuri; salitain ninyo ang lahat niyang kagilagilalas na mga gawa.
3 Lumuwalhati kayo sa kaniyang banal na pangalan: mangagalak ang puso nila na nagsisihanap sa Panginoon.
4 Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kaniyang kalakasan; hanapin ninyo ang kaniyang mukha magpakailan man.
5 Alalahanin ninyo ang kaniyang kagilagilalas na mga gawa na kaniyang ginawa: ang kaniyang mga kababalaghan at ang mga kahatulan ng kaniyang bibig;
6 Oh ninyong binhi ni Abraham na kaniyang lingkod, ninyong mga anak ni Jacob, na kaniyang mga hirang.
7 Siya ang Panginoon nating Dios: ang kaniyang mga kahatulan ay nangasa buong lupa.
8 Kaniyang inalaala ang kaniyang tipan magpakailan man, ang salita na kaniyang iniutos sa libong sali't saling lahi;
9 Ang tipan na kaniyang ginawa kay Abraham, at ang kaniyang sumpa kay Isaac;
10 At pinagtibay yaon kay Jacob na pinakapalatuntunan, sa Israel na pinakawalang hanggang tipan:
11 Na sinasabi, sa iyo'y ibibigay ko ang lupain ng Canaan, ang kapalaran na iyong mana;
12 Nang sila'y kaunti lamang tao sa bilang; Oo, totoong kaunti, at nangakikipamayan doon;
13 At sila'y nagsiyaon sa bansa at bansa, mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan.
14 Hindi niya tiniis ang sinomang tao na gawan sila ng kamalian; Oo, kaniyang sinaway ang mga hari dahil sa kanila;
15 Na sinasabi, Huwag ninyong galawin ang mga pinahiran ko ng langis. At huwag ninyong gawan ng masama ang mga propeta ko.
16 At siya'y nagdala ng kagutom sa lupain; kaniyang binali ang buong tukod ng tinapay.
17 Siya'y nagsugo ng isang lalake sa unahan nila; si Jose ay naipagbiling pinakaalipin:
18 Ang kaniyang mga paa ay sinaktan nila ng mga pangpangaw; siya'y nalagay sa mga tanikalang bakal:
19 Hanggang sa panahon na nangyari ang kaniyang salita; tinikman siya ng salita ng Panginoon.
20 Ang hari ay nagsugo, at pinawalan siya; sa makatuwid baga'y ang pinuno ng mga bayan, at pinalaya niya siya.
21 Ginawa niya siyang panginoon sa kaniyang bahay, at pinuno sa lahat niyang pag-aari:
22 Upang talian ang kaniyang mga pangulo sa kaniyang kaligayahan, at turuan ang kaniyang mga kasangguni ng karunungan.
23 Si Israel naman ay nasok sa Egipto; at si Jacob ay nakipamayan sa lupain ng Cham.
24 At kaniyang pinalagong mainam ang kaniyang bayan, at pinalakas sila kay sa kanilang mga kaaway.
25 Kaniyang pinapanumbalik ang kanilang puso upang mangagtanim sa kaniyang bayan, upang magsigawang may katusuhan sa kaniyang mga lingkod.
26 Kaniyang sinugo si Moises na kaniyang lingkod, at si Aaron na kaniyang hirang.
27 Kanilang inilagay sa gitna nila ang kaniyang mga tanda, at mga kababalaghan sa lupain ng Cham.
28 Siya'y nagsugo ng mga kadiliman, at nagpadilim; at sila'y hindi nagsipanghimagsik laban sa kaniyang mga salita.
29 Kaniyang pinapaging dugo ang kanilang tubig, at pinatay ang kanilang mga isda.
30 Ang kanilang lupain ay binukalan ng mga palaka, sa mga silid ng kanilang mga hari.
31 Siya'y nagsalita, at dumating ang mga pulutong na mga langaw, at kuto sa lahat ng kanilang mga hangganan.
32 Ibinigay niya sa kanila na pinakaulan ay graniso, at liyab ng apoy sa kanilang lupain.
33 Sinaktan naman niya ang kanilang mga puno ng ubas, at ang kanilang mga puno ng higos; at binali ang mga punong kahoy ng kanilang mga hangganan.
34 Siya'y nagsalita at ang mga balang ay nagsidating, at ang mga higad, ay yao'y walang bilang,
35 At kinain ang lahat na gugulayin sa kanilang lupain, at kinain ang bunga ng kanilang lupa.
36 Sinaktan din niya ang lahat na panganay sa kanilang lupain, ang puno ng lahat nilang kalakasan.
37 At kaniyang inilabas sila na may pilak at ginto: at hindi nagkaroon ng mahinang tao sa kaniyang mga lipi.
38 Natuwa ang Egipto nang sila'y magsialis; sapagka't ang takot sa kanila ay nahulog sa kanila.
39 Kaniyang inilatag ang ulap na pinakakubong; at apoy upang magbigay liwanag sa gabi,
40 Sila'y nagsihingi, at dinalhan niya ng mga pugo, at binusog niya sila ng pagkain na mula sa langit.
41 Kaniyang ibinuka ang bato at binukalan ng tubig; nagsiagos sa tuyong mga dako na parang ilog.
42 Sapagka't kaniyang naalaala ang kaniyang banal na salita, at si Abraham na kaniyang lingkod.
43 At kaniyang inilabas ang kaniyang bayan na may kagalakan, at ang kaniyang hirang na may awitan.
44 At ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng mga bansa; at kinuha nila ang gawa ng mga bayan na pinakaari:
45 Upang kanilang maingatan ang kaniyang mga palatuntunan, at sundin ang kaniyang mga kautusan. Purihin ninyo ang Panginoon.
Salmo 105
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Dios at ang Kanyang mga Mamamayan(A)
105 Pasalamatan nʼyo ang Panginoon.
Sambahin nʼyo siya!
Ihayag sa mga tao ang kanyang mga ginawa.
2 Awitan nʼyo siya ng mga papuri;
ihayag ang lahat ng kamangha-mangha niyang mga gawa.
3 Purihin nʼyo ang kanyang banal na pangalan.
Magalak kayo, kayong mga lumalapit sa Panginoon.
4 Magtiwala kayo sa Panginoon,
at sa kanyang kalakasan.
Palagi kayong dumulog sa kanya.
5-6 Kayong mga lahi ni Abraham na lingkod ng Dios,
at mga lahi rin ni Jacob na kanyang hinirang,
alalahanin ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa, mga himala, at ang kanyang paghatol.
7 Siya ang Panginoon na ating Dios,
siya ang humahatol sa buong mundo.
8 Hindi siya makakalimot sa kanyang pangako kailanman – ang kanyang pangako para sa maraming salinlahi
9 – ang pangako niya kay Abraham, gayon din kay Isaac.
10 Ipinagpatuloy niya ang kasunduang ito kay Jacob,
at magpapatuloy ito magpakailanman.
11 Sinabi niya sa bawat isa sa kanila,
“Ibibigay ko sa iyo ang lupain ng Canaan bilang pamana ko sa iyo at sa iyong mga angkan.”
12 Noon ay iilan pa lang ang mga mamamayan ng Dios,
at mga dayuhan pa lang sila sa lupain ng Canaan.
13 Nagpalipat-lipat sila sa mga bansa at mga kaharian.
14 Ngunit hindi pinahintulutan ng Dios na apihin sila.
Para maproteksyunan sila, sinaway niya ang mga hari na kumakalaban sa kanila.
15 Sinabi niya,
“Huwag ninyong galawin ang hinirang kong mga lingkod,
huwag ninyong saktan ang aking mga propeta.”
16 Nagpadala ang Dios ng taggutom sa lupain ng Canaan.
Kinuha niyang lahat ang kanilang pagkain.
17 Ngunit pinauna na niya si Jose sa Egipto upang silaʼy tulungan.
Ipinagbili siya roon upang maging alipin.
18 Kinadenahan ang kanyang mga paa at nilagyan ng bakal ang kanyang leeg,
19 hanggang sa nangyari ang kanyang propesiya.
Ang mga sinabi ng Panginoon na naganap sa kanya ay nagpatunay na siyaʼy matuwid.
20 Pinalaya siya ng hari ng Egipto na namamahala sa maraming tao,
21 at ginawa siyang tagapamahala ng kanyang palasyo at mga ari-arian.
22 Bilang tagapamahala, may kapangyarihan siyang turuan ang mga pinuno sa nasasakupan ng hari pati ang kanyang mga tagapayo.
23 Pagkatapos, pumunta si Jacob at ang kanyang pamilya sa Egipto, na lupain ng mga lahi ni Ham,
at doon sila nanirahan bilang dayuhan.
24 Pinarami ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan,
at naging makapangyarihan kaysa sa mga Egipcio na kanilang kaaway.
25 Pinahintulutan ng Panginoon na galitin at lokohin ng mga Egipcio ang mga mamamayan na kanyang lingkod.
26 Sinugo niya si Moises na kanyang lingkod at si Aaron na kanyang hinirang.
27 Ipinakita nila sa lupain ng mga lahi ni Ham ang mga himala na ginawa ng Dios.
28 Pinadilim ng Dios ang lupain ng Egipto,
ngunit sumuway pa rin sila sa kanyang mga utos.
29 Ginawa niyang dugo ang kanilang mga tubig,
kaya namatay ang kanilang mga isda.
30 Napuno ng palaka ang kanilang lupain, at pinasok pati ang mga silid ng kanilang mga pinuno.
31 Nag-utos ang Dios, at dumating sa kanilang lupain ang napakaraming niknik at langaw.
32 Sa halip na ulan ang ibinigay sa kanilang lupain, yelo ang bumagsak na may kasamang mga kidlat.
33 Sinira niya ang tanim nilang mga ubas, mga puno ng igos,
at iba pang mga punongkahoy.
34 Sa kanyang utos, dumating ang mga balang na hindi mabilang.
35 At kinaing lahat ang kanilang mga tanim, pati ang mga bunga nito.
36 Pinatay ng Dios ang lahat nilang panganay na lalaki.
37 Pagkatapos nito, pinalabas niya ang mga taga-Israel sa lupain ng Egipto na wala ni isa mang napahamak,
at may dala pa silang mga pilak at ginto.
At sa kanilaʼy wala ni isa mang napahamak.
38 Natuwa ang mga Egipcio nang umalis ang mga taga-Israel, dahil takot sila sa kanila.
39 Sa kanilang paglalakbay, naglagay ang Dios ng ulap na lililim sa kanila sa init ng araw at kung gabiʼy apoy naman upang magbigay sa kanila ng liwanag.
40 Ang mga taoʼy humingi ng makakain,
at pinadalhan sila ng Dios ng mga pugo,
at binusog niya sila ng pagkaing mula sa langit.
41 Pinabitak niya ang bato at bumukal ang tubig.
Umagos ito na parang ilog sa tuyong lupa.
42 Ang lahat ng ito ay ginawa ng Dios dahil hindi niya kinalimutan ang kanyang pangako kay Abraham na kanyang lingkod.
43 Pinalabas niya sa Egipto ang kanyang mga mamamayan na masayang-masaya at sumisigaw sa kagalakan.
44 Ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng ibang bansa;
ipinamana sa kanila ang pinaghirapan ng iba.
45 Ginawa ito ng Dios
upang sundin nila ang kanyang mga tuntunin at kautusan.
Purihin ang Panginoon!
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.