Mga Awit 1
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
UNANG AKLAT
Ang Tunay na Kagalakan
1 Mapalad ang taong hindi nakikinig sa payo ng masama,
at hindi sumusunod sa masama nilang halimbawa.
Hindi siya nakikisama sa mga kumukutya
at hindi nakikisangkot sa gawaing masama.
2 Sa halip, kasiyahan niyang sumunod sa kautusan ni Yahweh.
Binubulay-bulay niya ito sa araw at gabi.
3 Katulad(A) niya'y punongkahoy sa tabi ng isang batisan,
laging sariwa ang dahon at namumunga sa takdang panahon.
Ano man ang kanyang gawin, siya'y nagtatagumpay.
4 Hindi gayon ang sinumang gumagawa ng masama,
ito ay tulad ng ipa, hangin ang siyang nagtatangay.
5 Sa araw ng paghuhukom, parusa niya'y nakalaan
siya'y ihihiwalay sa grupo ng mga banal.
6 Sa taong matuwid, si Yahweh ang pumapatnubay,
ngunit ang taong masama, kapahamakan ang hantungan.
Mga Awit 1
Ang Biblia, 2001
UNANG AKLAT
Dalawang Uri ng Pamumuhay
1 Mapalad ang taong
hindi lumalakad sa payo ng masama,
ni tumatayo man sa daan ng mga makasalanan,
ni umuupo man sa upuan ng mga manunuya;
2 kundi nasa kautusan ng Panginoon ang kanyang kagalakan,
at nagbubulay-bulay araw at gabi sa kanyang kautusan.
3 Siya ay(A) gaya ng isang punungkahoy
na itinanim sa tabi ng agos ng tubig,
na nagbubunga sa kanyang kapanahunan,
ang kanyang dahon nama'y hindi nalalanta,
sa lahat ng kanyang ginagawa ay nagtatagumpay siya.
4 Ang masama ay hindi gayon;
kundi parang ipang itinataboy ng hangin.
5 Kaya't ang masama ay hindi tatayo sa hukuman,
ni sa kapulungan ng matuwid ang makasalanan;
6 sapagkat ang lakad ng matuwid ang Panginoon ang nakakaalam,
ngunit mapapahamak ang lakad ng makasalanan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.