Add parallel Print Page Options

(A)At lumulan siya sa isang daong, at tumawid, (B)at dumating sa kaniyang sariling bayan.

At narito, dinala nila (C)sa kaniya ang isang lumpo, na nakahiga sa isang higaan: at (D)nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, ay sinabi sa lumpo, Anak, laksan mo ang iyong loob; ang iyong mga kasalanan ay ipinatatawad na.

At narito, ang ilan sa mga eskriba ay nangagsabi sa kanilang sarili, Ang taong ito'y namumusong.

At (E)pagkaunawa ni Jesus ng kanilang mga kaisipan, ay sinabi, Bakit nangagiisip kayo ng masama sa inyong mga puso?

Sapagka't alin baga ang lalong magaang sabihin, Ipinatatawad na ang iyong mga kasalanan; o sabihin, Magtindig ka, at lumakad ka?

Datapuwa't upang maalaman ninyo na ang Anak ng tao'y may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan (sinabi nga niya sa lumpo), Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa iyong bahay.

At nagtindig siya, at umuwi sa kaniyang bahay.

Datapuwa't nang makita ito ng karamihan, ay nangatakot sila, at kanilang niluwalhati ang Dios, na nagbigay ng gayong kapamahalaan sa mga tao.

(F)At pagdaraan doon ni Jesus, ay nakita niya ang isang tao, na kung tawagi'y Mateo, na nakaupo sa paningilan ng buwis: at sinabi niya sa kaniya, Sumunod ka sa akin. At siya'y nagtindig, at sumunod sa kaniya.

10 At nangyari, na nang nakaupo siya sa pagkain sa bahay, narito, ang (G)maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan ay nagsirating at nagsiupong kasalo ni Jesus at ng kaniyang mga alagad.

11 At nang makita ito ng mga Fariseo, ay sinabi nila sa kaniyang mga alagad, Bakit sumasalo ang inyong Guro sa mga (H)maniningil ng buwis at mga makasalanan?

12 Datapuwa't nang ito'y marinig niya, ay kaniyang sinabi, Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit.

13 Datapuwa't magsihayo kayo at inyong pagaralan kung ano ang kahulugan nito, (I)Habag ang ibig ko, at hindi hain: sapagka't hindi ako naparito upang tumawag ng mga matuwid, kundi ng mga makasalanan.

14 (J)Nang magkagayo'y nagsilapit sa kaniya ang mga alagad ni Juan, na nangagsabi, Bakit kami at ang mga Fariseo (K)ay nangagaayunong madalas, datapuwa't hindi nangagaayuno ang mga alagad mo?

15 At sinabi sa kanila ni Jesus, (L)Mangyayari bagang mangagluksa ang mga abay sa kasalan, samantalang ang kasintahang lalake ay kasama nila? datapuwa't darating ang mga araw, na ang kasintahang lalake ay aalisin sa kanila, at kung magkagayo'y mangagaayuno sila.

16 At sinoma'y hindi nagtatagpi ng bagong kayo sa damit na luma; sapagka't ang tagpi ay bumabatak sa damit, at lalong lumalala ang punit.

17 Hindi rin nagsisilid ng bagong alak sa mga balat na luma: sa ibang paraan ay nangagpuputok (M)ang mga balat, at nangabububo ang alak, at nangasisira ang mga balat: kundi isinisilid ang bagong alak sa mga bagong balat, at kapuwa nagsisitagal.

18 Samantalang sinasalita niya ang mga bagay na ito (N)sa kanila, narito, dumating ang isang pinuno, at siya'y (O)sinamba, na nagsasabi, Kamamatay pa lamang ng aking anak na babae: datapuwa't halina at ipatong mo ang iyong kamay sa kaniya, at siya'y mabubuhay.

19 At si Jesus ay nagtindig, at sumama sa kaniya, pati ng kaniyang mga alagad.

20 At narito, isang babaing (P)inaagasang may labingdalawang taon na, ay lumapit sa kaniyang likuran, at hinipo ang (Q)laylayan ng kaniyang damit:

21 Sapagka't sinabi niya sa kaniyang kalooban, Kung mahipo ko man lamang ang kaniyang damit, ay gagaling ako.

22 Datapuwa't paglingon ni Jesus at pagkakita sa kaniya, ay sinabi, Anak, laksan mo ang iyong loob; pinagaling ka ng (R)iyong pananampalataya. At gumaling ang babae mula sa oras na yaon.

23 At (S)nang pumasok si Jesus sa bahay ng pinuno, at makita ang mga tumutugtog ng mga plauta, at ang mga taong nangagkakagulo,

24 Ay sinabi niya, Magparaan kayo: sapagka't hindi patay ang dalaga, kundi (T)natutulog. At tinawanan nila siya na nililibak.

25 Datapuwa't nang mapalabas na ang mga tao, ay pumasok siya, at tinangnan niya siya sa kamay; at nagbangon ang dalaga.

26 At kumalat ang pagkabantog na ito sa buong lupang yaon.

27 At pagkaraan doon ni Jesus ay sinundan siya ng dalawang lalaking bulag, na nangagsisisigaw, at nangagsasabi, (U)Mahabag ka sa amin, ikaw na Anak ni David.

28 At nang pumasok siya sa bahay, ay nagsilapit sa kaniya ang mga lalaking bulag: at sinabi sa kanila ni Jesus, Nagsisisampalataya baga kayo na magagawa ko ito? Sinabi nila sa kaniya, Oo, Panginoon.

29 Nang magkagayo'y (V)kaniyang hinipo ang mga mata nila, na sinasabi, (W)Alinsunod sa inyong pananampalataya ay siyang mangyari sa inyo.

30 At nangadilat ang kanilang mga mata. (X)At mahigpit na ipinagbilin ni Jesus sa kanila, na sinasabi, (Y)Ingatan ninyong sinoma'y huwag makaalam nito.

31 Datapuwa't sila'y nagsialis, at (Z)kanilang inilathala ang kaniyang kabantugan sa buong lupang yaon.

32 At samantalang sila'y nagsisialis, (AA)narito, sa kaniya'y dinala ang isang lalaking pipi na (AB)inaalihan ng demonio.

33 At nang mapalabas ang demonio, ay nagsalita ang lalaking pipi: at nangagtaka ang mga karamihan, na nangagsasabi, Kailan ma'y hindi nakita sa Israel ang ganito.

34 Datapuwa't sinabi ng mga Fariseo, (AC)sa pamamagitan ng prinsipe ng mga demonio ay nagpapalabas siya ng mga demonio.

35 At nililibot ni Jesus ang lahat ng mga bayan at mga nayon, na nagtuturo sa mga sinagoga nila, (AD)at ipinangangaral ang evangelio ng kaharian, at pinagagaling ang sarisaring sakit at ang sarisaring karamdaman.

36 Datapuwa't nang makita niya ang mga karamihan, ay (AE)nahabag siya sa kanila, sapagka't pawang nangahahapis at nangangalat, na (AF)gaya ng mga tupa na walang pastor.

37 Nang magkagayo'y sinabi niya sa kaniyang mga alagad, (AG)Katotohana'y ang aanihin ay marami, datapuwa't kakaunti ang mga manggagawa.

38 Idalangin nga ninyo sa Panginoon ng aanihin, na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Lumpo(A)

Pagkatapos sumakay sa isang bangka, tumawid si Jesus[a] at dumating sa kanyang sariling bayan.

Dinala nila sa kanya ang isang lumpo na nakaratay sa isang higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa lumpo, “Anak, lakasan mo ang iyong loob, pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.”

Ang ilan sa mga eskriba ay nagsabi, “Nilalapastangan ng taong ito ang Diyos.”

Ngunit palibhasa'y alam ni Jesus ang kanilang mga iniisip ay sinabi niya, “Bakit nag-iisip kayo sa inyong mga puso ng masama?

Sapagkat alin ba ang mas madali, ang sabihing, ‘Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan?’ o sabihing, ‘Tumindig ka at lumakad?’

Ngunit upang malaman ninyo na sa lupa ay may awtoridad ang Anak ng Tao na magpatawad ng mga kasalanan,” kaya't sinabi niya sa lumpo, “Tumindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa bahay mo.”

Tumindig siya at umuwi sa kanyang bahay.

Nang makita ito ng maraming tao, sila ay natakot at niluwalhati nila ang Diyos, na nagbigay ng gayong awtoridad sa mga tao.

Ang Pagtawag kay Mateo(B)

Habang si Jesus ay naglalakad mula roon, nakita niya ang isang tao na tinatawag na Mateo na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi niya sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” At siya ay tumayo at sumunod sa kanya.

10 Habang(C) nakaupo[b] siya sa may hapag-kainan sa bahay, dumating ang maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan at umupong kasalo ni Jesus at ng kanyang mga alagad.

11 Nang makita ito ng mga Fariseo, sinabi nila sa kanyang mga alagad, “Bakit nakikisalo ang inyong guro sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?”

12 Ngunit nang marinig niya ito ay sinabi niya, “Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit.

13 Kaya,(D) humayo kayo at pag-aralan ninyo kung ano ang kahulugan nito: ‘Habag ang ibig ko, at hindi handog.’ Sapagkat hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.”

Tinanong si Jesus tungkol sa Pag-aayuno(E)

14 Pagkatapos ay lumapit sa kanya ang mga alagad ni Juan na nagsasabi, “Bakit kami at ang mga Fariseo ay nag-aayuno[c] ngunit ang mga alagad mo ay hindi nag-aayuno?”

15 At sinabi sa kanila ni Jesus, “Maaari bang magluksa ang mga panauhin sa kasalan samantalang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Ngunit darating ang mga araw na ang lalaking ikakasal ay kukunin sa kanila, at saka sila mag-aayuno.

16 Sinuman ay hindi nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit; sapagkat binabatak ng tagpi ang damit at lumalala ang punit.

17 Hindi rin inilalagay ang bagong alak sa mga lumang sisidlang balat; sapagkat kung gayon, puputok ang mga balat, at matatapon ang alak, at masisira ang mga balat; ngunit inilalagay ang bagong alak sa mga bagong balat, at pareho silang tumatagal.

Muling Binuhay ang Anak ng Pinuno at Pinagaling ang Isang Babae(F)

18 Samantalang sinasabi niya sa kanila ang mga bagay na ito, may dumating na isang pinuno at lumuhod sa harapan niya at nagsabi, “Kamamatay pa lamang ng aking anak na babae, ngunit puntahan mo siya at ipatong mo ang iyong kamay sa kanya, at mabubuhay siya.”

19 Tumayo si Jesus at sumunod sa kanya, kasama ang kanyang mga alagad.

20 Samantala, may isang babaing labindalawang taon nang dinudugo ang lumapit sa likuran niya at hinipo nito ang laylayan ng kanyang damit;

21 sapagkat sinabi niya sa kanyang sarili, “Kung mahihipo ko lamang ang kanyang damit ay gagaling ako.”

22 Nang lumingon si Jesus at nakita siya ay sinabi niya, “Anak, lakasan mo ang iyong loob; pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Gumaling nga ang babae sa oras ding iyon.

23 Nang dumating na si Jesus sa bahay ng pinuno, at makita niya ang mga manunugtog ng plauta at ang maraming tao na nagkakagulo,

24 ay sinabi niya, “Umalis na kayo, sapagkat hindi patay ang batang babae kundi natutulog lamang.” At siya ay pinagtawanan nila.

25 Ngunit nang mapalabas na ang maraming tao, pumasok siya at hinawakan ang kamay ng batang babae at ito ay bumangon.

26 At kumalat ang balitang ito sa buong lupaing iyon.

Nakakita ang Dalawang Bulag

27 Nang papaalis na si Jesus mula roon, sinundan siya ng dalawang lalaking bulag na sumisigaw ng malakas, “Mahabag ka sa amin, Anak ni David.”

28 Nang makapasok na siya sa bahay, lumapit sa kanya ang mga lalaking bulag; at sinabi sa kanila ni Jesus, “Sumasampalataya ba kayo na magagawa ko ito?” Sinabi nila sa kanya, “Opo, Panginoon.”

29 Kaya't hinipo niya ang kanilang mga mata, na sinasabi, “Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong pananampalataya.”

30 At nabuksan ang kanilang mga mata. Mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus, “Ingatan ninyo na walang makakaalam nito.”

31 Ngunit sila ay umalis, at ikinalat ang balita tungkol sa kanya sa buong lupaing iyon.

Nakapagsalita ang Isang Pipi

32 Nang makaalis na sila, dinala sa kanya ang isang lalaking pipi na inaalihan ng demonyo.

33 Nang mapalabas na ang demonyo, nagsalita ang dating pipi. Namangha ang maraming tao at nagsabi, “Wala pang nakitang tulad nito sa Israel.”

34 Ngunit(G) sinabi ng mga Fariseo, “Nagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng pinuno ng mga demonyo.”[d]

Nahabag si Jesus sa mga Tao

35 Nilibot(H) ni Jesus ang lahat ng mga lunsod at mga nayon, na nagtuturo sa mga sinagoga nila at ipinangangaral ang magandang balita ng kaharian, at pinapagaling ang bawat sakit at bawat karamdaman.

36 Nang(I) makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila, sapagkat sila ay nangangamba at nanlulupaypay na gaya ng mga tupa na walang pastol.

37 Kaya't(J) sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Tunay na napakarami ng aanihin, ngunit kakaunti ang manggagawa;

38 idalangin ninyo sa Panginoon ng anihin, na magpadala ng mga manggagawa sa kanyang aanihin.”

Footnotes

  1. Mateo 9:1 Sa Griyego ay siya .
  2. Mateo 9:10 Sa Griyego ay nakahilig .
  3. Mateo 9:14 Sa ibang mga kasulatan ay may salitang madalas .
  4. Mateo 9:34 Sa ibang mga kasulatan ay wala ang talatang ito.