Add parallel Print Page Options

Ang Sermon sa Bundok

Nang makita ni Jesus ang maraming tao, umakyat siya sa bundok. Pagkaupo niya ay lumapit ang kanyang mga alagad. Nagsimula siyang magturo sa kanila, nagsasabing:

Ang Mapapalad(A)

“Pinagpala ang mga mapagpakumbabang-loob,
    sapagkat para sa kanila ang kaharian ng langit.
Pinagpala ang mga nagdadalamhati,
    sapagkat sila ay aaliwin.
Pinagpala ang mga maamo,
    sapagkat mamanahin nila ang lupa.
Pinagpala ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran,
    sapagkat sila'y bibigyang-kasiyahan.
Pinagpala ang mga mahabagin,
    sapagkat sila ay kahahabagan.
Pinagpala ang mga dalisay ang kalooban,
    sapagkat makikita nila ang Diyos.
Pinagpala ang mga nagsisikap para sa kapayapaan,
    sapagkat sila ay ituturing na mga anak ng Diyos.
10 Pinagpala ang mga inaapi nang dahil sa katuwiran,
    sapagkat para sa kanila ang kaharian ng langit.

11 Pinagpala kayo kapag dahil sa akin, kayo'y inaalipusta, inaapi at pinararatangan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan. 12 Magalak kayo at matuwa, sapagkat malaki ang gantimpala ninyo sa langit, sapagkat gayundin nila inusig ang mga propetang nauna sa inyo.

Asin at Ilaw(B)

13 “Kayo ang asin ng lupa, ngunit kung mawalan na ng lasa ang asin, paano pa maibabalik ang alat nito? Wala na itong paggagamitan liban sa ito'y itapon at tapak-tapakan ng mga tao. 14 Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Hindi maikukubli ang isang lungsod na itinayo sa ibabaw ng isang burol. 15 Hindi nagsisindi ng ilawan ang mga tao at ilalagay lamang sa ilalim ng isang takalan. Sa halip, ilalagay ito sa ibabaw ng isang patungan, nang sa gayo'y magbigay liwanag ito sa lahat ng nasa bahay. 16 Sa gayunding paraan ay paliwanagin ninyo ang inyong ilaw sa harap ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at luwalhatiin ang inyong Amang nasa langit.

Ang Turo tungkol sa Kautusan

17 “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang pawalang-saysay ang Kautusan o ang sinulat ng mga propeta. Naparito ako hindi upang ipawalang-saysay kundi isakatuparan ang mga ito. 18 Sapagkat tinitiyak ko sa inyo, lumipas man ang langit at ang lupa, ni isang munting titik o isang kudlit ng Kautusan ay hindi lilipas hanggang sa maisakatuparan ang lahat ng mga bagay. 19 Kaya't sinumang sumuway kahit sa pinakamaliit sa mga utos na ito at turuan ang mga tao ng pagsuway ay ituturing na pinakamaliit sa kaharian ng langit. Ngunit sinumang tumutupad at nagtuturo sa mga tao na sundin ang mga ito ay ituturing na dakila sa kaharian ng langit. 20 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, kung ang inyong pagiging matuwid ay hindi hihigit sa pagiging matuwid ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa kaharian ng langit.

Turo tungkol sa Galit

21 “Narinig ninyong sinabi sa mga tao noong unang panahon, ‘Huwag kang papatay, at sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.’ 22 Ngunit sinasabi ko sa inyo, sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman; sinumang magsabi sa kanyang kapatid, "Raca",[a] ay pananagutin sa Sanhedrin; at sinumang magsabi, ‘Ulol ka’ ay mananagot sa impiyernong nagliliyab sa apoy. 23 Kaya't kung mag-aalay ka ng iyong handog sa dambana at doon ay naalala mong may sama ng loob sa iyo ang iyong kapatid, 24 iwan mo ang iyong handog sa harap ng dambana at umalis ka. Makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid at pagkatapos ay bumalik ka at ialay mo ang iyong handog. 25 Agad kang makipagkasundo sa naghabla sa iyo habang papunta pa lamang kayo sa hukuman, kung hindi ay ibibigay ka niya sa hukom, at ibibigay ka ng hukom sa bantay at ikaw ay masasadlak sa bilangguan. 26 Tinitiyak ko sa iyo, hindi ka makalalabas doon hanggang hindi mo naibabayad ang kahuli-hulihan mong barya.

Turo tungkol sa Pangangalunya

27 “Narinig ninyong sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’ 28 Ngunit ako ang nagsasabi sa inyo na ang bawat tumitingin sa babae nang may mahalay na pagnanasa ay nagkasala na ng pangangalunya sa kanyang puso. 29 Kung nagiging sanhi ng iyong pagkakasala ang iyong kanang mata, dukutin mo ito at itapon. Sapagkat mas mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa maitapon ang iyong buong katawan sa impiyerno. 30 At kung nagiging sanhi ng iyong pagkakasala ang iyong kanang kamay, putulin mo ito at itapon. Sapagkat mas mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang iyong buong katawan ay mapunta sa impiyerno.

Turo tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(C)

31 “Sinabi rin, ‘Ang sinumang lalaking magpaalis at humiwalay sa kanyang asawang babae ay dapat magbigay sa babae ng kasulatan ng paghihiwalay.’ 32 Ngunit ako ang nagsasabi sa inyo, sinumang lalaking magpaalis at humiwalay sa kanyang asawa, maliban sa kadahilanang pangangalunya ay nagtutulak sa kanyang asawa na mangalunya. At sinumang magpakasal sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala ng pangangalunya.

Ang Turo tungkol sa Panunumpa

33 “Narinig din ninyong sinabi sa mga tao noong unang panahon, ‘Huwag kang sisira sa iyong sinumpaan, sa halip ay tutuparin mo ang iyong sinumpaan sa Panginoon.’ 34 Ngunit ako ang nagsasabi sa inyo, huwag ninyong gagamitin sa panunumpa ang anuman, kahit ang langit, sapagkat iyon ang trono ng Diyos, 35 o kaya'y ang lupa, sapagkat ito ang tuntungan ng kanyang mga paa, kahit ang Jerusalem, sapagkat ito ang lungsod ng dakilang hari. 36 Huwag mo ring gagamitin sa iyong panunumpa ang iyong ulo, sapagkat hindi mo kayang paputiin o paitimin ni isa mang hibla ng iyong buhok. 37 Ngunit magsabi kayo ng ‘Oo’ kung ‘Oo’, at ‘Hindi’ kung ‘Hindi’. Anumang higit pa rito ay galing na sa masama.

Ang Turo tungkol sa Paghihiganti(D)

38 “Narinig ninyong sinabi, ‘Mata sa mata, at ngipin sa ngipin.’ 39 Ngunit ako ang nagsasabi sa inyo: Huwag ninyong labanan ang masamang tao. Sa halip, kapag sinampal ka sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kabila. 40 At kung isinakdal ka sa hukuman ng sinuman at nakuha ang iyong damit, hayaan mong makuha rin niya ang iyong balabal. 41 At kung sapilitan kang palakarin ng sinuman ng isang milya, lumakad ka ng dalawang milya na kasama niya. 42 Magbigay ka sa nanghihingi sa iyo, at huwag magdamot sa nanghihiram sa iyo.

Ang Pagmamahal sa Kaaway(E)

43 “Narinig ninyong sinabi, ‘Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian mo ang iyong kaaway.’ 44 Ngunit ako ang nagsasabi sa inyo: Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, 45 upang kayo'y maging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang kanyang araw sa masasama gayundin sa mabubuti, at nagpapadala siya ng ulan sa mga matuwid, gayundin sa mga di-matuwid. 46 Sapagkat kung ang mamahalin ninyo ay iyon lamang nagmamahal sa inyo, ano'ng mapapala ninyo? Hindi ba't ganyan din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis? 47 At kung sa mga kapatid lamang ninyo kayo bumabati, mayroon ba kayong ginagawang higit kaysa iba? Hindi ba't ganoon din ang ginagawa ng mga Hentil? 48 Kaya't dapat kayong maging ganap tulad ng inyong Amang nasa langit.

Footnotes

  1. Mateo 5:22 Sa Griyego, “magsabi ng Raca”. Isang salitang Aramaico na ginagamit sa panlalait.