Mateo 27:11-26
Ang Biblia, 2001
Si Jesus sa Harapan ni Pilato(A)
11 Si Jesus ay nakatayo sa harap ng gobernador at tinanong siya ng gobernador, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” At sinabi ni Jesus sa kanya, “Ikaw ang nagsasabi.”
12 Ngunit nang siya'y paratangan ng mga punong pari at ng matatanda ay hindi siya sumagot ng anuman.
13 At sinabi ni Pilato sa kanya, “Hindi mo ba naririnig kung gaano karaming bagay ang kanilang ipinaparatang laban sa iyo?”
14 Subalit hindi siya sumagot sa kanya kahit isang salita man lamang, na lubhang ikinamangha ng gobernador.
Hinatulang Mamatay si Jesus(B)
15 Noon sa kapistahan, nakaugalian na ng gobernador na pakawalan para sa mga tao ang sinumang bilanggo na kanilang maibigan.
16 Nang panahong iyon ay mayroon silang isang bilanggo na kilala sa kasamaan, na tinatawag na Jesus Barabas.[a]
17 Kaya't nang sila'y magkatipon ay sinabi ni Pilato sa kanila, “Sino ang ibig ninyong pakawalan ko sa inyo? Si Barabas, o si Jesus na tinatawag na Cristo?”
18 Sapagkat nabatid niya na dahil sa inggit ay kanilang ibinigay si Jesus sa kanya.
19 At samantalang nakaupo siya sa luklukan ng paghuhukom, nagpasabi sa kanya ang kanyang asawa, “Huwag kang makialam sa matuwid na taong iyan, sapagkat sa araw na ito'y labis akong naghirap sa panaginip dahil sa kanya.”
20 Subalit hinikayat ng mga punong pari at ng matatanda ang maraming tao na hingin nila si Barabas at patayin naman si Jesus.
21 Sumagot muli ang gobernador at sinabi sa kanila, “Alin sa dalawa ang ibig ninyong pakawalan ko sa inyo?” At sinabi nila, “Si Barabas.”
22 Sinabi sa kanila ni Pilato, “At anong gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Cristo?” Sinabi nilang lahat, “Ipako siya sa krus!”
23 At sinabi niya, “Bakit, anong kasamaan ang ginawa niya?” Ngunit lalo silang nagsigawan, na nagsasabi, “Ipako siya sa krus!”
24 Kaya't(C) nang makita ni Pilato na wala siyang magawa, sa halip ay nagsisimula pa nga ang isang malaking gulo, siya'y kumuha ng tubig at naghugas ng kanyang mga kamay sa harap ng napakaraming tao, na sinasabi, “Wala akong kasalanan sa dugo ng taong ito.[b] Kayo na ang bahala diyan.”
25 At sumagot ang buong bayan at nagsabi, “Pananagutan namin at ng aming mga anak ang kanyang dugo.”
26 Pagkatapos ay pinakawalan niya sa kanila si Barabas ngunit si Jesus, pagkatapos hagupitin, ay ibinigay upang ipako sa krus.
Read full chapterFootnotes
- Mateo 27:16 Sa ibang mga kasulatan ay walang Jesus .
- Mateo 27:24 Sa ibang mga kasulatan ay dugo ng matuwid na taong ito .