Mateo 8
Ang Biblia (1978)
8 At nang siya'y bumaba mula sa bundok, ay sinundan siya ng lubhang maraming tao.
2 At (A)narito, lumapit sa kaniya ang isang ketongin, at siya'y (B)sinamba, na nagsasabi, Panginoon, kung ibig mo, ay maaaring malinis mo ako.
3 At iniunat niya ang kaniyang kamay, at (C)siya'y hinipo, na nagsasabi, Ibig ko; luminis ka. At pagdaka'y nalinis ang kaniyang ketong.
4 At sinabi sa kaniya ni Jesus, (D)Ingatan mong huwag sabihin kanino man; kundi humayo ka, pakita ka sa saserdote, at ihandog mo ang alay (E)na ipinagutos ni Moises, na bilang patotoo sa kanila.
5 At (F)pagpasok niya sa Capernaum, ay lumapit sa kaniya ang isang senturion, na sa kaniya'y namanhik,
6 At nagsasabi, Panginoon, ang aking alila ay nararatay sa bahay, lumpo, at lubhang nahihirapan.
7 At sinabi niya sa kaniya, Paroroon ako, at siya'y aking pagagalingin.
8 At sumagot ang senturion at sinabi, Panginoon, hindi ako karapat-dapat na ikaw ay pumasok sa ilalim ng aking bubungan; datapuwa't sabihin mo lamang ang salita, at gagaling ang aking alila.
9 Sapagka't ako rin naman ay taong nasa ilalim ng kapamahalaan, na may nasasakupan akong mga kawal: at sinasabi ko rito, Yumaon ka, at siya'y yumayaon; at sa isa, Halika, at siya'y lumalapit; at sa aking alipin, Gawin mo ito, at kaniyang ginagawa.
10 At nang marinig ito ni Jesus, ay nagtaka siya, at sinabi sa nagsisisunod, (G)Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kahit sa Israel man, ay hindi ako nakasumpong ng ganito kalaking pananampalataya.
11 At sinabi ko sa inyo, na marami ang (H)magsisipanggaling sa silanganan at sa kalunuran, at (I)magsisiupong kasama ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob, sa kaharian ng langit:
12 Datapuwa't (J)ang mga anak ng kaharian ay pawang itatapon sa (K)kadiliman sa labas: diyan na nga ang pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.
13 At sinabi ni Jesus sa senturion, Humayo ka ng iyong lakad; at ayon sa iyong pagsampalataya, ay gayon ang sa iyo'y mangyari. At gumaling ang kaniyang alila sa oras ding yaon.
14 At nang (L)pumasok si Jesus sa bahay ni Pedro, ay nakita niya ang biyanang babae nito na nararatay dahil sa lagnat.
15 At hinipo ang kaniyang kamay, at inibsan siya ng lagnat; at siya'y nagbangon, at naglingkod sa kaniya.
16 At nang kinahapunan, ay dinala nila sa kaniya ang maraming (M)inaalihan ng demonio: at pinalayas niya sa isang salita ang masasamang espiritu at pinagaling ang lahat ng mga may sakit:
17 Upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta Isaias, na nagsasabi, (N)Siya rin ang kumuha ng ating mga sakit, at nagdala ng ating mga karamdaman.
18 Nang makita nga ni Jesus ang lubhang maraming tao sa palibot niya, ay ipinagutos niyang tumawid sa kabilang ibayo.
19 At lumapit ang isang eskriba, at (O)sa kaniya'y nagsabi, Guro, susunod ako sa iyo saan ka man pumaroon.
20 At sinabi sa kaniya ni Jesus, May mga lungga ang mga zorra, at may mga pugad ang mga ibon sa langit; datapuwa't ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang kaniyang ulo.
21 At ang isa naman sa kaniyang mga alagad ay nagsabi sa kaniya, Panginoon, tulutan mo muna akong makauwi at mailibing ko ang aking ama.
22 Datapuwa't sinabi sa kaniya ni Jesus, Sumunod ka sa akin; at pabayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang sariling mga patay.
23 (P)At pagkalulan niya sa isang daong, ay sinundan siya ng kaniyang mga alagad.
24 At narito, bumangon ang isang malakas na bagyo sa dagat, na ano pa't inaapawan ang daong ng mga alon: datapuwa't siya'y natutulog.
25 At nagsilapit sila sa kaniya, at siya'y ginising, na sinasabi, Panginoon, iligtas mo kami; kami'y mangamamatay.
26 At sinabi niya sa kanila, Bakit kayo'y nangatatakot, Oh (Q)kayong kakaunti ang pananampalataya? Nang magkagayo'y nagbangon siya, at sinaway ang mga hangin at ang dagat; at humusay na totoo ang panahon.
27 At ang mga tao ay nangagtaka, na sinasabi, Anong tao ito, na maging ang mga hangin at ang mga dagat ay nagsisitalima sa kaniya?
28 At nang siya'y makarating sa kabilang ibayo sa lupain ng mga Gadareno, ay sinalubong siya ng dalawang inaalihan ng mga demonio na nagsisilabas sa mga libingan, na totoong mababangis, na ano pa't sinoma'y walang makapagdaan sa daang yaon.
29 At narito, sila'y nagsisigaw, na nangagsasabi, Anong aming ipakikialam sa iyo, ikaw na (R)Anak ng Dios? naparito ka baga upang kami'y iyong pahirapan bago dumating ang kapanahunan?
30 Sa malayo sa kanila ay may isang kawan ng maraming baboy na nagsisipanginain.
31 At namanhik sa kaniya ang mga demonio, na nangagsasabi, Kung kami'y palalayasin mo, ay paparoonin mo kami sa kawan ng mga baboy.
32 At sinabi niya sa kanila, Magsiparoon kayo. At sila'y nagsilabas, at nagsipasok sa mga baboy: at narito, ang buong kawan ng mga baboy ay nangapadaluhong sa bangin hanggang sa dagat, at nangamatay sa tubig.
33 At nagsitakas ang mga tagapagalaga ng mga yaon, at nagsitungo sa bayan, at sinabi ang lahat ng mga nangyari, at ang kinahinatnan ng mga inalihan ng mga demonio.
34 At narito, lumabas ang buong bayan upang sumalubong kay Jesus: at pagkakita nila sa kaniya, ay pinamanhikan (S)siyang umalis sa kanilang mga hangganan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978