Mateo 8:28-34
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Pinagaling ang mga Gadarenong Inaalihan ng mga Demonyo(A)
28 Pagdating niya sa kabilang pampang, sa lupain ng mga Gadareno, sinalubong siya ng dalawang lalaking sinasaniban ng demonyo. Nanggaling ang mga lalaking ito sa mga libingan at sila'y mababangis kaya't walang taong makadaan doon. 29 Bigla silang sumigaw, “Ano'ng kailangan mo sa amin, Anak ng Diyos? Pumarito ka ba upang parusahan na kami bago pa sumapit ang takdang panahon?” 30 Noon ay may isang malaking kawan ng baboy na nanginginain sa di kalayuan mula sa kanila. 31 Nakiusap kay Jesus ang mga demonyo. Sinabi nila, “Kung palalabasin mo kami, papuntahin mo na lang kami sa kawan ng mga baboy.” 32 At sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo roon.” Nagsilabas nga sila at pumasok sa mga baboy, at ang buong kawan ay rumagasang patungong bangin, nahulog sa dagat at nalunod. 33 Nagtakbuhan ang mga tagapag-alaga ng mga hayop at sila'y pumasok sa lungsod. Doon ay ibinalita nila ang buong pangyayari, lalung-lalo na ang nangyari sa mga taong sinaniban ng mga demonyo. 34 Lumabas ang lahat ng mga taong-bayan upang salubungin si Jesus. Pagkakita sa kanya, sila'y nakiusap sa kanya na lisanin ang kanilang lupain.
Read full chapter
Marcos 5:1-20
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Pinagaling ni Jesus ang Sinasaniban ng Demonyo(A)
5 Dumating sila sa kabilang lawa, sa lupain ng mga Geraseno.[a] 2 Pagbaba ni Jesus mula sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking galing sa libingan. Ang lalaking ito'y sinasaniban ng maruming espiritu. 3 Siya'y naninirahan sa mga libingan at hindi mapigilan kahit ng tanikala. 4 Madalas siyang iposas at itanikala, ngunit nababali niya at nalalagot ang mga gapos. Walang may sapat na lakas na makasupil sa kanya. 5 Araw-gabi siyang nagsisisigaw sa mga libingan at sa mga kabundukan, at sinusugatan ang sarili sa pamamagitan ng mga bato. 6 Malayo pa ay natanaw na niya si Jesus. Patakbo siyang lumapit at lumuhod sa harap niya. 7 Sumigaw siya nang malakas, “Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, ano'ng kailangan mo sa akin! Alang-alang sa Diyos, huwag mo akong pahirapan!” 8 Sinabi niya ito sapagkat iniutos sa kanya ni Jesus, “Ikaw na maruming espiritu, lumabas ka sa taong ito!” 9 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” Sumagot siya, “Lehiyon[b] ang pangalan ko sapagkat marami kami.” 10 Nagmakaawa siya kay Jesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.
11 Noon nama'y may isang malaking kawan ng mga baboy na nagsisikain sa libis ng bundok na malapit doon. 12 Nakiusap sila kay Jesus, “Hayaan mo na lamang na makapasok kami sa mga baboy.” 13 Pinayagan naman sila ni Jesus. Lumabas ang mga masamang espiritu mula sa lalaki at pumasok sa mga baboy. Ang kawan na may dalawang libo ay kumaripas ng takbo papunta sa matarik na bangin patungong lawa at nalunod. 14 Nagtakbuhan ang mga tagapag-alaga ng kawan, at ibinalita sa lungsod at sa mga karatig-nayon ang naganap. Kaya't nagdatingan ang mga tao upang tingnan kung ano ang nangyari. 15 Paglapit nila kay Jesus, nakita nila ang lalaking dating sinaniban ng maruming espiritu na nakaupo, nakadamit, at matino ang pag-iisip. At sila'y natakot. 16 Isinalaysay sa kanila ng mga nakasaksi ang naganap sa lalaking sinaniban ng demonyo at gayundin sa mga baboy. 17 Kaya't nakiusap sila kay Jesus na lisanin ang kanilang lugar. 18 Nang pasakay na si Jesus sa bangka, nakiusap ang lalaking dating sinaniban ng mga demonyo na isama siya. 19 Ngunit hindi pumayag si Jesus. Sa halip ay sinabi sa lalaki, “Umuwi ka at ibalita sa iyong mga kasambahay ang lahat ng ginawa ng Panginoon para sa iyo, at kung paano siya nahabag sa iyo.” 20 Umalis nga ang lalaki[c] at ipinamalita sa buong Decapolis ang lahat ng ginawa sa kanya ni Jesus. Namangha ang lahat ng nakarinig nito.
Read full chapterFootnotes
- Marcos 5:1 Sa ibang manuskrito Gergeseno o Gadareno.
- Marcos 5:9 LEHIYON: Isang pangkat sa Hukbong Romano na binubuo ng 5,000 hanggang 6,000 kawal.
- Marcos 5:20 Sa Griyego, siya.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.