Mateo 7
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Ang Paghatol sa Kapwa(A)
7 “Huwag kayong humatol upang hindi kayo mahatulan. 2 Sapagkat sa hatol na inyong ihahatol ay hahatulan kayo, at sa panukat na gagamitin ninyo ay susukatin kayo. 3 Bakit nakikita mo ang puwing sa mata ng iyong kapatid, subalit hindi mo napapansin ang troso na nakabalandra sa iyo mismong mga mata? 4 Paano mo nasasabi sa iyong kapatid, ‘Halika't aalisin ko ang puwing sa iyong mata,’ gayong may trosong nakahambalang sa sarili mong mata? 5 Mapagkunwari! Tanggalin mo muna ang troso sa sarili mong mata, nang sa gayo'y makakakita ka nang malinaw upang maalis mo ang puwing sa mata ng iyong kapatid. 6 Huwag kayong magbigay sa aso ng sagradong bagay, at huwag ninyong ihagis sa harap ng mga baboy ang inyong mga perlas. Tatapak-tapakan lamang nila ang mga ito at baka balingan pa kayo at lapain.
Humingi, Humanap, Tumuktok(B)
7 “Hingin ninyo at ibibigay sa inyo. Hanapin ninyo at matatagpuan ninyo. Tumuktok kayo at kayo'y pagbubuksan. 8 Sapagkat ang bawat humihingi ay makatatanggap; at ang bawat humahanap ay makatatagpo; at pagbubuksan ang bawat tumutuktok. 9 Sino ba sa inyo ang magbibigay ng bato kapag ang kanyang anak ay humihingi ng tinapay? 10 May magbibigay ba sa inyo ng ahas sa kanyang anak kapag humihingi siya sa inyo ng isda? 11 Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng magagandang regalo sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit na magbibigay ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa kanya!
Ang Ginintuang Aral
12 “Kaya't anumang nais ninyong gawin sa inyo ng iba, gayundin ang gawin ninyo sa kanila, sapagkat ito ang buod ng Kautusan at ng mga propeta.
Ang Makipot na Pintuan(C)
13 “Pumasok kayo sa makitid na pintuan; sapagkat maluwang ang pintuan at madali ang daan patungo sa pagkawasak, at maraming dumaraan doon. 14 Sapagkat makitid ang pintuan at mahirap ang daan patungo sa buhay, at iilan lamang ang nakatatagpo niyon.
Sa Bunga Makikilala(D)
15 “Mag-ingat kayo sa mga huwad na propeta! Lumalapit sila sa inyo nang nakadamit-tupa, ngunit sa loob ay mga mababangis na asong-gubat. 16 Sa pamamagitan ng kanilang mga bunga, sila'y inyong makikilala. Nakapag-aani ba ng ubas sa halamang tinikan o nakakukuha ba ng igos sa mga dawagan? 17 Kaya't mabuti ang bunga ng bawat mabuting puno, subalit masama ang ibinubunga ng masamang puno. 18 Hindi maaaring magkaroon ng masamang bunga ang mabuting puno, at magkaroon ng mabuting bunga ang masamang puno. 19 Bawat punong masama ang bunga ay pinuputol at itinatapon sa apoy. 20 Kaya't sa pamamagitan ng kanilang bunga ay makikilala ninyo sila.
Hindi Ko Kayo Nakilala Kailanman(E)
21 “Hindi lahat ng tumatawag sa akin ng ‘Panginoon, Panginoon’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang nagsasagawa ng kagustuhan ng aking Amang nasa langit. 22 Marami ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba't sa iyong pangalan ay nagpahayag kami ng propesiya, nakapagpalayas ng mga demonyo, at sa iyong pangalan din ay gumawa kami ng maraming himala?’ 23 At sasabihin ko naman sa kanila, ‘Kailanma'y hindi ko kayo nakikilala. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan!’
Ang Matalino at ang Hangal na Nagtayo ng Bahay(F)
24 “Kaya't ang bawat nakikinig sa mga salita kong ito at isinasagawa ang mga ito ay maitutulad ng isang matalinong tao na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato. 25 Bumuhos ang ulan at bumaha. Lumakas ang hangin at hinampas ang bahay na iyon, ngunit hindi iyon bumagsak, sapagkat nakatayo sa ibabaw ng bato. 26 At ang bawat nakikinig sa mga salita kong ito, ngunit hindi isinasagawa ang mga ito ay maitutulad sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan. 27 Bumuhos ang ulan at bumaha. Lumakas ang hangin at hinampas ang bahay na iyon. Nagiba nga ang bahay na iyon at nagkawasak-wasak.” 28 Pagkatapos ni Jesus sa pagsasalita ng mga ito, namangha ang napakaraming tao sa kanyang pagtuturo, 29 sapagkat siya'y nagturo sa kanila nang tulad sa isang may kapangyarihan at hindi katulad ng kanilang mga guro ng Kautusan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.