Add parallel Print Page Options

Huwag Mabalisa

25 Dahil dito, sinasabi ko sa inyo: Huwag kayong mabalisa sa inyong buhay kung ano ang inyong kakainin, o iinumin, o kung ano ang inyong daramtin. Hindi ba ang buhay ay higit pa sa pagkain at ang katawan ay higit pa sa damit?

26 Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid. Hindi sila naghahasik, ni gumagapas, ni nag-iipon sa mga bangan, ngunit pinakakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba lalo kayong higit na mahalaga kaysa sa kanila? 27 Sino sa inyo na sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa kaniyang tangkad?

28 Bakit kayo nababalisa patungkol sa damit? Masdan ninyo ang mga liryo sa parang kung paano sila lumalaki. Hindi sila gumagawa, ni humahabi man. 29 Ngunit sinasabi ko sa inyo: Kahit si Solomon, sa lahat ng kaniyang kaluwalhatian, ay hindi nakapaggayak katulad ng isa sa mga ito. 30 Dinaramtan ng Diyos ang damo sa parang, na ngayon ay buhay at bukas ay susunugin. Kung dinaramtan niya ang damo sa ganoong paraan, hindi ba niya kayo daramtan, kayong maliliit ang pananam­palataya? 31 Kaya nga, huwag kayong mabalisa at inyong sasabihin: Ano ang aming kakainin, ano ang aming iinumin at ano ang aming daramtin? 32 Ang mga bagay na ito ay mahigpit na hinahangad ng mga Gentil. Alam ng inyong Ama na nasa langit na kinakailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. 33 Ngunit hanapin muna ninyo ang paghahari ng Diyos at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo. 34 Huwag nga kayong mabalisa patungkol sa kinabukasan sapagkat ang kinabukasan ang mababalisa sa kaniyang sarili. Sapat na sa bawat araw ang kasamaan nito.

Huwag Hahatol sa Kapwa

Huwag kayong hahatol upang hindi kayo hatulan.

Ito ay sapagkat sa hatol na inyong ihahatol ay hahatulan kayo. Sa sukat na inyong ipinanukat ay isusukat sa inyo.

Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? Ngunit hindi mo tinitingnan ang troso na nasa iyong mata. Narito, papaano mo sabihin sa iyong kapatid: Payagan mong alisin ko ang puwing sa iyong mata. At narito, isang troso ang nasa mata mo. Ikaw na mapagpaimbabaw. Alisin mo muna ang troso sa iyong mata. Kung magkagayon, makikita mong malinaw ang pag-aalis ng puwing sa mata ng iyong kapatid.

Huwag ninyong ibigay sa aso ang anumang banal. Huwag ninyong ihagis ang inyong mga perlas sa mga baboy. Kung gayon, yuyurakan lang nila ito at muling babalik at lalapain kayo.

Humingi, Maghanap, Kumatok

Humingi kayo at ito ay ibibigay sa inyo. Maghanap kayo at makakasumpong kayo. Kumatok kayo at ito ay bubuksan sa inyo.

Ito ay sapagkat ang bawat isang humihingi ay tumatanggap. Siya na naghahanap ay nakakasumpong. Ang kumakatok ay pinagbubuksan.

Sino kaya sa inyo ang magbibigay ng isang bato sa kaniyang anak kung ito ay humingi ng tinapay? 10 Kung humingi siya sa kaniya ng isda, bibigyan ba niya ito ng ahas? 11 Kayo, bagaman masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit? Hindi ba niya ibibigay ang mabubuting bagay sa kanila na humihingi sa kaniya? 12 Kaya nga, ang lahat ng bagay na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo ay gayundin ang gawin ninyo sa kanila sapagkat ito ang kabuuan ng Kautusan at ng mga Propeta.

Ang Makipot at ang Maluwang na Daan

13 Pumasok kayo sa makipot na tarangkahan sapagkat ang maluwang na tarangkahan at malapad na daan ay patungo sa kapahamakan. Marami ang patungo roon.

14 Subalit ang makipot na tarangkahan at makitid na daan ay patungo sa buhay. Kakaunti ang mga nakakasumpong nito.