Add parallel Print Page Options

Sinimulan ni Jesus ang Kanyang Gawain(A)

12 Nang mabalitaan ni Jesus na nakulong si Juan, bumalik siya sa Galilea. 13 Pero hindi na siya nanirahan sa Nazaret kundi sa Capernaum, isang bayan sa tabi ng lawa ng Galilea at sakop ng Zabulon at Naftali. 14 Sa ganitong paraan ay natupad ang sinabi ni Propeta Isaias:

15 “Ang lupain ng Zabulon at Naftali ay daanan patungo sa lawa[a] at nasa kabila ng Ilog ng Jordan.
    Ang mga lugar na itoʼy sakop ng Galilea at tinitirhan ng mga hindi Judio.
16 Nabubuhay sa kadiliman ang mga tao roon, ngunit makakakita sila ng matinding liwanag.
    Kahit nasa kadiliman sila at natatakot mamatay, maliliwanagan sila.”[b]

17 Simula noon, nangaral na si Jesus. At ito ang kanyang mensahe: “Pagsisihan na ninyo ang inyong mga kasalanan, dahil malapit na[c] ang paghahari ng Dios.”

Tinawag ni Jesus ang Apat na Mangingisda(B)

18 Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na mangingisdang sina Simon (na tinatawag na Pedro) at Andres na naghahagis ng lambat. 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng mga tao.”[d] 20 Iniwan nila agad ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.

21 At habang patuloy sa paglalakad si Jesus, nakita niya ang magkapatid na sina Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedee. Nakaupo sila sa bangka kasama ng kanilang ama at nag-aayos ng lambat. Tinawag din ni Jesus ang magkapatid. 22 Iniwan nila agad ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Jesus.

Nangaral at Nagpagaling ng mga May Sakit si Jesus(C)

23 Nilibot ni Jesus ang buong Galilea. Nangaral siya sa mga sambahan ng mga Judio at ipinangaral niya ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios. Pinagaling din niya ang ibaʼt ibang uri ng sakit at karamdaman ng mga tao. 24 Naging tanyag siya sa buong Syria, at dinala sa kanya ng mga tao ang lahat ng may sakit, mga naghihirap dahil sa matinding karamdaman, mga sinaniban ng masamang espiritu, mga may epilepsya at mga paralitiko. Pinagaling niya silang lahat. 25 Sinundan siya ng napakaraming tao na galing sa Galilea, Decapolis, Jerusalem, at iba pang mga bayan sa Judea, at maging sa kabila ng Ilog ng Jordan.

Read full chapter

Footnotes

  1. 4:15 daanan patungo sa lawa: o, malapit sa lawa.
  2. 4:16 Isa. 9:1-2.
  3. 4:17 malapit na: o, dumating na.
  4. 4:19 mangingisda ng mga tao: Ang ibig sabihin, tagahikayat ng mga tao na lumapit sa Dios.