Mateo 3
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)
3 Nang mga panahong iyon, dumating si Juan na Tagapagbautismo sa ilang ng Judea at nagsimulang mangaral. 2 Ganito(B) ang kanyang sinasabi, “Magsisi kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit!” 3 Si(C) Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin niya,
“Ito ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang:
‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon,
gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!’”
4 Gawa(D) sa balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan at sa balat naman ng hayop ang kanyang sinturon. Ang kanya namang pagkain ay balang at pulot-pukyutan. 5 Dinarayo siya ng mga tao mula sa Jerusalem, sa buong Judea at sa magkabilang panig ng Ilog Jordan. 6 Ipinapahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y binautismuhan niya sa Ilog Jordan.
7 Nang(E) makita niyang lumalapit din sa kanya ang maraming Pariseo at mga Saduseo upang magpabautismo, sinabi niya sa kanila, “Lahi ng mga ulupong! Akala ba ninyo'y makakatakas kayo sa parusa ng Diyos? 8 Patunayan muna ninyo sa inyong mga buhay na kayo'y talagang nagsisisi, 9 at(F) huwag ninyong akalain na makakaiwas kayo sa parusa ng Diyos dahil sinasabi ninyong ama ninyo si Abraham. Sinasabi ko sa inyo na kahit sa mga batong ito ay makakalikha ang Diyos ng mga anak ni Abraham. 10 Ngayon(G) pa lamang ay nakaamba na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy; ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.
11 “Binabautismuhan ko kayo sa tubig bilang patunay ng inyong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan. Ngunit ang darating na kasunod ko ay magbabautismo sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Higit siyang makapangyarihan kaysa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat magdala ng kanyang sandalyas. 12 Hawak(H) na niya ang kanyang kalaykay upang alisin ang dayami. Titipunin niya sa kamalig ang trigo ngunit ang ipa ay susunugin sa apoy na di mamamatay kailanman.”
Binautismuhan si Jesus(I)
13 Dumating si Jesus sa Ilog Jordan mula sa Galilea upang magpabautismo kay Juan. 14 Ngunit tinangka ni Juan na pigilan siya at sinabi, “Ako po ang dapat magpabautismo sa inyo! Bakit kayo nagpapabautismo sa akin?” 15 Subalit sumagot si Jesus, “Hayaan mong ito ang mangyari ngayon, sapagkat ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Diyos.” Kaya't pumayag din si Juan. 16 Nang mabautismuhan si Jesus, kaagad siyang umahon sa tubig. Nabuksan ang langit at nakita ni Jesus ang Espiritu ng Diyos na bumababang parang isang kalapati at dumapo sa kanya. 17 At(J) isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan!”
Mateo 3
Ang Biblia (1978)
3 At nang mga araw na yaon ay dumating si (A)Juan Bautista, na nangangaral (B)sa ilang ng Judea, na nagsasabi,
2 Mangagsisi kayo; sapagka't (C)malapit na ang kaharian ng langit.
3 Sapagka't ito yaong sinalita sa pamamagitan ng propeta Isaias, na nagsasabi,
Ang (D)tinig ng isang sumisigaw sa ilang,
Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
Tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas.
4 Si Juan nga ay nananamit (E)ng balahibo ng kamelyo, at may isang pamigkis na katad sa palibot ng kaniyang baywang; at ang kaniyang pagkain ay mga (F)balang (G)at pulot-pukyutan.
5 Nang magkagayo'y nilabas siya ng Jerusalem, at ng buong Judea, at ng buong lupain sa palibotlibot ng Jordan;
6 At sila'y kaniyang binabautismuhan sa ilog ng Jordan, na ipinahahayag nila ang kanilang mga kasalanan.
7 Datapuwa't nang makita niyang marami sa mga Fariseo at (H)Saduceo na nagsisiparoon sa kaniyang pagbabautismo, ay sinabi niya sa kanila, Kayong lahi ng mga ulupong, (I)sino ang sa inyo'y nagpaunawa upang magsitakas sa galit na darating?
8 Kayo nga'y mangagbunga ng karapatdapat sa pagsisisi:
9 At huwag kayong mangagisip na mangagsabi sa inyong sarili, Si Abraham ang aming ama; (J)sapagka't sinasabi ko sa inyo, na mangyayaring makapagpalitaw ang Dios ng mga anak ni Abraham sa mga batong ito.
10 At ngayon pa'y nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punong kahoy: ang bawa't punong kahoy nga na hindi nagbubungang mabuti ay pinuputol at (K)inihahagis sa apoy.
11 Sa katotohanan ay binabautismuhan ko kayo sa tubig (L)sa pagsisisi: (M)datapuwa't ang dumarating sa hulihan ko ay lalong makapangyarihan kay sa akin, na hindi ako karapatdapat magdala ng kaniyang pangyapak: (N)siya ang sa inyo'y magbabautismo sa Espiritu Santo at (O)apoy:
12 Nasa kaniyang kamay ang kaniyang kalaykay, at lilinisin niyang lubos ang kaniyang giikan; at titipunin niya ang kaniyang trigo sa bangan, (P)datapuwa't ang dayami ay susunugin sa apoy na hindi mapapatay.
13 Nang magkagayo'y (Q)naparoon si Jesus (R)mula sa Galilea at lumapit kay Juan sa ilog ng Jordan, upang siya'y bautismuhan niya.
14 Datapuwa't ibig siyang sansalain ni Juan, na nagsasabi, Kinakailangan ko na ako'y iyong bautismuhan, at ikaw ang naparirito sa akin?
15 Nguni't pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kaniya, Payagan mo ngayon: sapagka't ganyan ang nararapat sa atin, ang pagganap ng buong katuwiran. Nang magkagayo'y pinayagan niya siya.
16 At nang mabautismuhan si Jesus, pagdaka'y umahon sa tubig: at narito, nangabuksan sa kaniya ang mga langit, at nakita niya ang (S)Espiritu ng Dios na bumababang tulad sa isang kalapati, at lumalapag sa kaniya;
17 (T)At narito, ang isang tinig na mula sa mga langit, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong (U)Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan.
Mateo 3
Ang Dating Biblia (1905)
3 At nang mga araw na yaon ay dumating si Juan Bautista, na nangangaral sa ilang ng Judea, na nagsasabi,
2 Mangagsisi kayo; sapagka't malapit na ang kaharian ng langit.
3 Sapagka't ito yaong sinalita sa pamamagitan ng propeta Isaias, na nagsasabi, Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang, Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, Tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas.
4 Si Juan nga ay nananamit ng balahibo ng kamelyo, at may isang pamigkis na katad sa palibot ng kaniyang baywang; at ang kaniyang pagkain ay mga balang at pulot-pukyutan.
5 Nang magkagayo'y nilabas siya ng Jerusalem, at ng buong Judea, at ng buong lupain sa palibotlibot ng Jordan;
6 At sila'y kaniyang binabautismuhan sa ilog ng Jordan, na ipinahahayag nila ang kanilang mga kasalanan.
7 Datapuwa't nang makita niyang marami sa mga Fariseo at Saduceo na nagsisiparoon sa kaniyang pagbabautismo, ay sinabi niya sa kanila, Kayong lahi ng mga ulupong, sino ang sa inyo'y nagpaunawa upang magsitakas sa galit na darating?
8 Kayo nga'y mangagbunga ng karapatdapat sa pagsisisi:
9 At huwag kayong mangagisip na mangagsabi sa inyong sarili, Si Abraham ang aming ama; sapagka't sinasabi ko sa inyo, na mangyayaring makapagpalitaw ang Dios ng mga anak ni Abraham sa mga batong ito.
10 At ngayon pa'y nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punong kahoy: ang bawa't punong kahoy nga na hindi nagbubungang mabuti ay pinuputol at inihahagis sa apoy.
11 Sa katotohanan ay binabautismuhan ko kayo sa tubig sa pagsisisi: datapuwa't ang dumarating sa hulihan ko ay lalong makapangyarihan kay sa akin, na hindi ako karapatdapat magdala ng kaniyang pangyapak: siya ang sa inyo'y magbabautismo sa Espiritu Santo at apoy:
12 Nasa kaniyang kamay ang kaniyang kalaykay, at lilinisin niyang lubos ang kaniyang giikan; at titipunin niya ang kaniyang trigo sa bangan, datapuwa't ang dayami ay susunugin sa apoy na hindi mapapatay.
13 Nang magkagayo'y naparoon si Jesus mula sa Galilea at lumapit kay Juan sa ilog ng Jordan, upang siya'y bautismuhan niya.
14 Datapuwa't ibig siyang sansalain ni Juan, na nagsasabi, Kinakailangan ko na ako'y iyong bautismuhan, at ikaw ang naparirito sa akin?
15 Nguni't pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kaniya, Payagan mo ngayon: sapagka't ganyan ang nararapat sa atin, ang pagganap ng buong katuwiran. Nang magkagayo'y pinayagan niya siya.
16 At nang mabautismuhan si Jesus, pagdaka'y umahon sa tubig: at narito, nangabuksan sa kaniya ang mga langit, at nakita niya ang Espiritu ng Dios na bumababang tulad sa isang kalapati, at lumalapag sa kaniya;
17 At narito, ang isang tinig na mula sa mga langit, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan.
Mateo 3
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)
3 Nang mga araw na iyon ay dumating sa ilang ng Judea si Juan na Tagapagbautismo na nangangaral. 2 “Magsisi kayo, sapagkat malapit na ang paghahari ng langit.”
3 Si Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin nito,
“Isang tinig ang sumisigaw sa ilang:
‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
tuwirin ninyo ang mga landas na kanyang lalakaran.’ ”
4 Nakasuot si Juan ng damit na yari sa balahibo ng kamelyo at may sinturong balat sa kanyang baywang. Ang kinakain niya ay mga balang at pulot-pukyutan. 5 Pumunta sa kanya ang mga taga-Jerusalem, ang mga mamamayan sa buong Judea, at ang mga nasa buong paligid ng Jordan. 6 Sila'y kanyang binabautismuhan sa Ilog Jordan, matapos silang magpahayag ng kanilang mga kasalanan. 7 Subalit nang makita niyang marami sa mga Fariseo at mga Saduceo ang dumarating sa kanya upang magpabautismo, sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino'ng nagbabala sa inyo upang takasan ang darating na poot? 8 Mamunga kayo ng patunay ng pagsisisi. 9 At huwag na kayong mag-akala at sabihin sa inyong mga sarili, ‘Si Abraham ang aming ama.’ Sinasabi ko sa inyo, May kakayahan ang Diyos na gumawa ng mga anak ni Abraham kahit sa mga batong ito. 10 Kahit ngayo'y nakaamba na ang palakol sa ugat ng mga puno. Kaya't ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay pinuputol at itinatapon sa apoy. 11 Kayo'y binabautismuhan ko sa tubig tungo sa pagsisisi, ngunit ang dumarating sa hulihan ko ay higit na makapangyarihan kaysa akin, ni hindi nga ako karapat-dapat magdala ng kanyang mga sandalyas. Babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu at sa apoy. 12 Hawak-hawak niya ang kanyang kalaykay upang linisin ang giikan at tipunin ang kanyang mga trigo sa kamalig, ngunit ang ipa ay kanyang susunugin sa di-maaápulang apoy.”
Binautismuhan si Jesus(B)
13 Pagkatapos nito, mula sa Galilea ay pumunta si Jesus kay Juan sa Jordan upang magpabautismo sa kanya. 14 Pinigilan siya ni Juan. “Ako nga itong dapat magpabautismo sa iyo,” sabi niya, “ngunit ikaw pa ang lumalapit sa akin?” 15 Ngunit sumagot sa kanya si Jesus, “Pumayag ka nang mangyari ito ngayon, sapagkat dapat nating gampanan ang buong katuwiran.” Sumang-ayon si Juan. 16 At nang mabautismuhan si Jesus, kaagad siyang umahon sa tubig. Noon din ay nabuksan sa kanya ang kalangitan, at nakita niya ang Espiritu ng Diyos na bumababang tulad ng kalapati, at dumadapo sa kanya. 17 At isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak, na lubos kong kinalulugdan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.