Add parallel Print Page Options

Muling Nabuhay si Jesus(A)

28 Pagkatapos ng Sabbath, sa pagbubukang-liwayway ng unang araw ng linggo, si Maria Magdalena at ang isa pang Maria ay pumunta sa libingan upang ito'y tingnan. At biglang lumindol nang malakas, sapagkat may isang anghel ng Panginoon na bumaba mula sa langit. Pumunta iyon sa libingan, iginulong ang bato, at umupo sa ibabaw nito. Parang kidlat ang kanyang anyo at parang busilak sa kaputian ang kanyang pananamit. At dahil sa takot sa anghel, nanginig at hinimatay ang mga bantay. Subalit sinabi ng anghel sa mga babae, “Huwag kayong matakot. Alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala siya rito, sapagkat nabuhay siyang muli, tulad ng sinabi niya. Halikayo, tingnan ninyo ang kanyang hinigaan.[a] Magmadali kayo at sabihin ninyo sa kanyang mga alagad na siya'y muling nabuhay mula sa mga patay. Mauuna na siya sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon. Tandaan ninyo ang sinabi ko sa inyo.” Nagmamadali nga silang umalis sa libingan nang may magkahalong takot at malaking tuwa. Tumakbo sila upang magbalita sa mga alagad niya. At biglang sinalubong sila ni Jesus, binati sila at sinabi, “Magalak kayo!” Lumapit sila sa kanya at yumakap sa kanyang mga paa at sumamba sa kanya. 10 Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin ninyo sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea, at doon nila ako makikita.”

Nag-ulat ang mga Bantay

11 Habang papaalis ang mga babae, ang ilan sa mga bantay ay pumasok sa lungsod at kanilang ibinalita sa mga punong pari ang lahat ng mga nangyari. 12 Pagkatapos nilang makipagpulong sa matatandang pinuno at nagkasundo sa balakin, nagbigay sila ng malaking halaga sa mga kawal. 13 Sinabi nila, “Sabihin ninyo, ‘Dumating kagabi ang kanyang mga alagad at siya'y kanilang ninakaw habang kami'y natutulog.’ 14 Kung sakaling mabalitaan ito ng gobernador, kami na ang magpapaliwanag sa kanya, at ilalayo namin kayo sa gulo.” 15 Tinanggap nila ang salapi at ginawa nila ang ipinagbilin sa kanila. At ang ulat na ito ay kumalat sa mga Judio hanggang sa araw na ito.

Sinugo ni Jesus ang mga Alagad(B)

16 Samantala, (C) ang labing-isang alagad ay pumunta sa Galilea, sa bundok na ipinagbilin sa kanila ni Jesus. 17 At nang siya'y kanilang makita, sila'y sumamba sa kanya. Ngunit ang iba ay nag-alinlangan. 18 Paglapit ni Jesus ay sinabi niya sa kanila, “Naibigay na sa akin ang lahat ng awtoridad sa langit at sa ibabaw ng lupa. 19 Kaya't (D) sa inyong paghayo ay gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Banal na Espiritu, 20 at tinuturuan silang gumanap sa lahat ng mga bagay na ipinagbilin ko sa inyo. At tandaan ninyo, ako'y kasama ninyong palagi, hanggang sa katapusan ng panahon.”[b][c]

Footnotes

  1. Mateo 28:6 Sa ibang mga manuskrito ay hinigan ng Panginoon.
  2. Mateo 28:20 o sanlibutan.
  3. Mateo 28:20 Sa ibang mga manuskrito ay mayroong Amen.