Mateo 27:57-61
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Paglilibing kay Jesus(A)
57 Nang magtakip-silim, isang mayamang lalaki na taga-Arimatea ang dumating. Siya ay si Jose na isa ring tagasunod ni Jesus. 58 Pumunta siya kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. At iniutos naman ni Pilato na ibigay ito sa kanya. 59 Kaya kinuha ni Jose ang bangkay at binalot ng malinis na telang linen. 60 Inilagay niya ito sa bagong libingang hinukay sa gilid ng burol, na ipinagawa niya para sana sa sarili. Pagkatapos, pinagulong niya ang isang malaking bato upang takpan ang pintuan ng libingan, at saka siya umalis. 61 Si Maria na taga-Magdala at ang isa pang Maria ay naroong nakaupo sa harap ng libingan.
Read full chapter
Lucas 23:50-56
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Paglilibing kay Jesus(A)
50-51 May isang lalaki na ang pangalan ay Jose. Siya ay taga-Arimatea na sakop ng Judea. Kahit na miyembro siya ng korte ng mga Judio, hindi niya sinang-ayunan ang kanilang ginawa kay Jesus. Mabuting tao siya, matuwid at kabilang sa mga naghihintay sa paghahari ng Dios. 52 Pumunta si Jose kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. 53 Inalis niya ang bangkay sa krus at binalot ng telang linen. Pagkatapos, inilagay niya ito sa libingang inukit sa gilid ng burol, na hindi pa napaglilibingan. 54 Biyernes noon at araw ng paghahanda para sa Araw ng Pamamahinga.
55 Sinundan si Jose ng mga babaeng sumama kay Jesus mula sa Galilea. Nakita nila ang libingan at ang pagkakalagay doon ng bangkay ni Jesus. 56 Pagkatapos, umuwi sila at naghanda ng sari-saring pabango na ipapahid sa bangkay ni Jesus. At nang magsimula na ang Araw ng Pamamahinga, nagpahinga sila, ayon sa Kautusan.
Read full chapter
Juan 19:38-42
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Paglilibing kay Jesus(A)
38 Pagkatapos nito, hiningi ni Jose na taga-Arimatea ang bangkay ni Jesus kay Pilato. (Si Jose ay isang tagasunod ni Jesus, ngunit palihim lang dahil natatakot siya sa mga pinuno ng mga Judio.) Pinayagan siya ni Pilato, kaya pinuntahan niya ang bangkay ni Jesus para kunin ito. 39 Sinamahan siya ni Nicodemus, ang lalaking bumisita noon kay Jesus isang gabi. Nagdala si Nicodemus ng mga 35 kilo ng pabango na gawa sa pinaghalong mira at aloe. 40 Kinuha nila ang bangkay ni Jesus at nilagyan ng dala nilang pabango habang ibinabalot ng telang linen, ayon sa nakaugalian ng mga Judio sa paglilibing. 41 Sa lugar kung saan ipinako si Jesus ay may halamanan. At doon ay may isang bagong libingan na hinukay sa gilid ng burol, na hindi pa napapaglibingan. 42 Dahil bisperas na noon ng pista, at dahil malapit lang ang libingang iyon, doon na nila inilibing si Jesus.
Read full chapterAng Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®