Mateo 27:45-56
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Pagkamatay ni Jesus(A)
45 Nang mag-alas dose na ng tanghali, dumilim ang buong lupain sa loob ng tatlong oras. 46 Nang mag-alas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus nang malakas, “Eloi, Eloi, lema sabachtani?” na ang ibig sabihin ay “Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?”[a] 47 Nang marinig iyon ng mga nakatayo roon, sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias.” 48 Agad namang tumakbo ang isang tao at kumuha ng espongha at isinawsaw sa maasim na alak. Ikinabit niya ito sa dulo ng isang patpat at idinampi sa bibig ni Jesus upang sipsipin niya. 49 Pero sinabi naman ng iba, “Hayaan mo siya. Tingnan natin kung darating nga si Elias para iligtas siya.” 50 Muling sumigaw nang malakas si Jesus at nalagutan ng hininga.
51 Nang sandali ring iyon, nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba ang kurtina sa loob ng templo. Lumindol sa buong lupain at nagkabitak-bitak ang mga bato. 52 Nabuksan ang mga libingan at maraming banal[b] ang muling nabuhay. 53 Lumabas sila ng libingan, at nang muling mabuhay si Jesus, pumunta sila sa Jerusalem[c] at marami ang nakakita sa kanila.
54 Ang kapitan at ang kanyang mga sundalo na nagbabantay kay Jesus ay nasindak nang mayanig ang lupa at nang makita ang mga pangyayari. Sinabi nila, “Totoo ngang siya ang Anak ng Dios!” 55 Sa di-kalayuan ay maraming babae na nanonood sa mga pangyayari. Noong umalis si Jesus sa Galilea, sumunod ang mga babaeng ito sa kanya at tinulungan siya sa kanyang mga pangangailangan. 56 Kabilang sa kanila si Maria na taga-Magdala,[d] si Maria na ina nina Santiago at Jose, at ang asawa ni Zebedee.
Read full chapter
Marcos 15:33-41
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Pagkamatay ni Jesus(A)
33 Nang mag-alas dose na ng tanghali, dumilim ang buong lupain sa loob ng tatlong oras. 34 Nang mag-alas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus nang malakas, “Eloi, Eloi, lema sabachtani?” na ang ibig sabihin ay “Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?”[a] 35 Nang marinig iyon ng mga nakatayo roon, sinabi nila, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias.” 36 Tumakbo agad ang isang tao at kumuha ng espongha at isinawsaw sa maasim na alak. Ikinabit niya ito sa dulo ng isang patpat at idinampi sa bibig ni Jesus para sipsipin niya. Sinabi ng taong iyon, “Tingnan natin kung darating nga si Elias upang ibaba siya sa krus.” 37 Sumigaw nang malakas si Jesus at nalagutan ng hininga.
38 Nang sandali ring iyon, nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba ang kurtina sa loob ng templo. 39 Nakatayo sa harap ng krus ang kapitan ng mga sundalo at nakita niya kung paanong nalagutan ng hininga si Jesus. Sinabi niya, “Totoo ngang siya ang Anak ng Dios!” 40 Sa di-kalayuan ay may mga babaeng nanonood sa mga nangyayari. Kabilang sa kanila si Salome, si Maria na taga-Magdala, at si Maria na ina ni Jose at ng nakababata nitong kapatid na si Santiago. 41 Ang mga babaeng ito ay sumasama kay Jesus at tumutulong sa kanya noong nasa Galilea siya. Naroon din ang iba pang babaeng sumama sa kanya sa Jerusalem.
Read full chapterFootnotes
- 15:34 Salmo 22:1.
Juan 19:28-30
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Pagkamatay ni Jesus(A)
28 Alam ni Jesus na tapos na ang misyon niya, at para matupad ang nakasulat sa Kasulatan, sinabi niya, “Nauuhaw ako.” 29 May isang banga roon na puno ng maasim na alak. Isinawsaw ng mga sundalo ang isang espongha sa alak, ikinabit sa sanga ng isopo at inilapit sa bibig ni Jesus. 30 Nang masipsip na ni Jesus ang alak, sinabi niya, “Tapos na!” Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.
Read full chapterAng Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®