Mateo 26:71-75
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
71 Kaya pumunta si Pedro sa may labasan, at isa pang utusang babae ang nakakita sa kanya at sinabi sa mga tao roon, “Ang taong iyan ay kasama ni Jesus na taga-Nazaret.” 72 Muli itong itinanggi ni Pedro at sinabi, “Sumpa man, hindi ko kilala ang taong iyan!” 73 Maya-maya, nilapitan si Pedro ng iba pang naroon at sinabi, “Isa ka nga sa mga kasamahan ni Jesus, dahil halata sa pagsasalita mo.” 74 Sumagot si Pedro, “Sumpa man at mamatay man ako! Hindi ko kilala ang taong iyan!” Noon din ay tumilaok ang manok, 75 at naalala ni Pedro ang sinabi sa kanya ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” Kaya lumabas si Pedro at humagulgol.
Read full chapter
Marcos 14:69-72
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
69 Nakita na naman siya roon ng babaeng utusan, kaya sinabi ng babae sa mga taong naroon, “Ang taong iyan ay isa rin sa mga kasamahan ni Jesus.” 70 Pero muling itinanggi ito ni Pedro. Maya-maya, sinabi ng mga taong naroon, “Isa ka nga sa mga kasamahan niya, dahil taga-Galilea ka rin!” 71 Pero sumumpa si Pedro, “Kahit mamatay man ako, hindi ko talaga kilala ang taong sinasabi ninyo.” 72 Noon din ay muling tumilaok ang manok, at naalala ni Pedro ang sinabi sa kanya ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok ng dalawang beses, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” At humagulgol siya.
Read full chapter
Lucas 22:58-62
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
58 Maya-maya, may nakakita na naman sa kanya at nagsabi, “Kasamahan ka rin nila, di ba?” “Aba, hindi!” sagot ni Pedro. 59 Pagkalipas ng isang oras, iginiit naman ng isa, “Totoong kasamahan din ni Jesus ang taong ito, dahil taga-Galilea rin siya.” 60 Pero sumagot si Pedro, “Hindi ko alam kung ano ang pinagsasabi mo!” At habang nagsasalita pa siya ay tumilaok ang manok. 61 Lumingon ang Panginoon at tiningnan si Pedro. Naalala ni Pedro ang sinabi ng Panginoon, “Bago tumilaok ang manok ngayong gabi, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” 62 Kaya lumabas si Pedro at humagulgol.
Read full chapterAng Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®