Mateo 26:36-27:60
Ang Salita ng Diyos
Nanalangin si Jesus sa Bundok ng mga Olibo
36 Nang magkagayon pumunta si Jesus sa isang dako na tinatawag na Getsemane kasama ang kaniyang mga alagad. Sinabi niya: Maupo kayo rito, pupunta ako sa dako roon upang manalangin.
37 Isinama niya sina Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. Siya ay nagsimulang nalumbay at lubos na nabagabag. 38 Sinabi niya sa kanila: Lubhang namimighati ang aking kaluluwa maging sa kamatayan. Manatili kayo rito at magbantay na kasama ko.
39 Pumunta siya sa di kalayuan at nagpatirapa siya at nanalangin. Sinabi niya: Aking Ama, kung maaari, lumampas nawa sa akin ang sarong ito. Gayunman, hindi ang aking kalooban kundi ang sa iyo.
40 Pumunta siya sa mga alagad at nasumpungan niya silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro: Hindi ba ninyo kayang magbantay ng isang oras na kasama ko? 41 Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong mapasok sa tukso. Ang espiritu nga ay nagnanais ngunit ang katawan ay mahina.
42 Sa pangalawang pagkakataon, muli siyang umalis upang manalangin. Sinabi niya: Ama, kung ang sarong ito ay hindi makakalampas malibang ito ay aking inumin, mangyari ang kalooban mo.
43 Pagbalik niya, nasumpungan niya silang muling natutulog sapagkat lubha na silang inantok. 44 Iniwan niya silang muli at nanalangin sa ikatlong pagkakataon. Sinabi niyang muli ang gayong panalangin.
45 Pagkatapos ay pumunta siya sa kaniyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila: Matulog na kayo at magpahinga. Narito, malapit na ang oras at ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo na sa mga makasalanan. 46 Bumangon kayo at lalakad na tayo. Narito, siya na magkakanulo sa akin ay malapit na.
Dinakip nila si Jesus
47 Habang siya ay nagsasalita pa, narito, si Judas na isa sa labindalawa ay dumating. Kasama niya ang napakaraming tao na may mga tabak at mga pamalo. Sila ay mula sa mga pinunong-saserdote at mga matanda sa mga tao.
48 Siya na magkakanulo ay nagbigay sa kanila ng isang tanda. Sinabi niya: Ang sinumang halikan ko, siya iyon. Dakpin ninyo siya. 49 Kaagad, siya ay lumapit kay Jesus.Sinabi niya: Bumabati, Guro! Pagkatapos ay hinalikan niya si Jesus.
50 Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya: Kaibigan, anong dahilan ng pagparito mo?
Lumapit sila sa kaniya, hinawakan ang kaniyang mga kamay at siya ay dinakip.
51 At narito, isa sa mga kasama ni Jesus ay bumunot ng kaniyang tabak. Inundayan niya ng taga ang alipin ng pinakapunong-saserdote at natanggal ang tainga nito.
52 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ibalik mo ang iyong tabak sa lalagyan nito: Ito ay sapagkat ang sinumang gumagamit ng tabak ay sa tabak din mamamatay. 53 Ipinapalagay mo bang hindi ako makakapamanhik kaagad sa aking Ama? Pagkakalooban niya ako ng higit pa sa labindalawang hukbo ng mga anghel. 54 Paano nga matutupad ang mga kasulatan na dapat mangyari nang ganito?
55 Sa oras na iyon, sinabi ni Jesus sa napakaraming tao:Pumarito ba kayong may mga tabak at mga pamalo na parang makikipaglaban sa isang tulisan? Araw-araw akong nakaupong kasama ninyo sa templo at hindi ninyo ako dinakip. 56 Ngunit ang lahat ng ito ay nangyari upang matupad ang mga sulat ng mga propeta.Nang magkagayon, iniwan siya ng mga alagad at sila ay tumakas.
Si Jesus sa Harap ng mga Sanhedrin
57 Dinala si Jesus ng mga dumakip sa kaniya kay Caifas, ang pinakapunong-saserdote. Doon ay nagkakatipon ang mga guro ng kautusan at ang mga matanda.
58 Ngunit si Pedro ay sumunod sa kaniya nang hindi kalayuan hanggang sa patyo ng pinakapunong-saserdote. Siya ay pumasok sa loob at naupong kasama ng mga tanod sa templo upang makita kung ano ang magaganap.
59 Ang mga pinunong-saserdote at ang mga matanda at ang buong Sanhedrin ay naghanap ng mga huwad na patotoo laban kay Jesus. Ito ay upang maipapatay nila si Jesus. 60 Ngunit sila ay walang makitang sinuman bagamat maraming mga huwad na saksi ang nagkusa.
61 Subalit sa wakas, lumapit ang dalawang huwad na saksina sinasabi: Sinabi ng lalaking ito: Kaya kong wasakin ang banal na dako ng Diyos at sa loob ng tatlong araw ay itatayo ko itong muli.
62 Tumayo ang pinakapunong-saserdote at sinabi sa kaniya:Wala ka bang isasagot? Ano itong ipinaparatang ng mga saksing ito laban sa iyo? 63 Ngunit si Jesus ay nanahimik.
Sinabi ng pinakapunong-saserdote sa kaniya: Inuutusan kita sa pamamagitan ng buhay na Diyos. Sabihin mo sa amin kung ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos?
64 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tama ang iyong sinabi. Gayunman, sinasabi ko sa iyo: Mula ngayon ay makikita mo ang Anak ng Tao na nakaupo, siya ay makikita mo sa kanang kamay ng Makapangyarihan at dumarating sa mga ulap ng langit.
Nilibak ng mga Kawal si Jesus
65 Pinunit ng pinakapunong-saserdote ang kaniyang damit.Sinabi niya: Siya ay namusong. Bakit kailangan pa natin ang mga saksi? Narito, narinig ninyo ang kaniyang pamumusong.
66 Ano ang palagay ninyo?
Sumagot sila: Siya ay nararapat na mamatay!
67 Dinuraan nila ang mukha ni Jesus at siya ay pinagsusuntok. Pinagsasampal siya ng iba. 68 Kanilang sinabi: Ihayag mo, Mesiyas! Sino ang sumampal sa iyo?
Ipinagkaila ni Pedro si Jesus
69 Sa oras ding iyon ay nakaupo si Pedro sa labas. Lumapit sa kaniya ang isang utusang babae. Sinabi niya: Kasama ka ni Jesus na taga-Galilea.
70 Ngunit ipinagkaila niya sa lahat. Sinabi niya: Hindi ko alam ang sinasabi mo.
71 Pumunta siya sa may tarangkahan at nakita siya ng isa pang utusang babae. Sinabi niya sa mga naroroon: Ang lalaking ito ay kasama ni Jesus na taga-Nazaret.
72 Muli siyang nagkaila na may panunumpa. Kaniyang sinabi:Hindi ko kilala ang lalaking iyon.
73 Pagkaraan ng ilang sandali, lumapit sa kaniya yaong mga nakatayo roon. Sinabi nila kay Pedro: Totoong ikaw ay isa sa kanila sapagkat nahahayag ito nang malinaw sa iyong pananalita.
74 Nagsimula siyang manungayaw at manumpa. Sinabi niya:Hindi ko kilala ang lalaking iyon.
Pagdaka ay tumilaok ang isang tandang.
75 Naalaala ni Pedro ang salita ni Jesus na sinabi sa kaniya: Bago tumilaok ang tandang, tatlong ulit mo akong ipagkakaila. At siya ay umalis at tumangis nang may kapaitan.
Nagbigti si Judas
27 Kinaumagahan, lahat ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda sa mga tao ay sumangguni sa isa’t isa laban kay Jesus upang maipapatay nila siya.
2 Tinalian nila si Jesus at ibinigay kay Pontio Pilato na gobernador.
3 Nang makita ni Judas, na siyang nagkanulo kay Jesus, na siya ay hinatulan, nagsisi siya. Isinauli niya ang tatlumpung pilak sa mga pinunong-saserdote at sa mga matanda. 4 Sinabi niya: Nagkasala ako sa pagkakanulo ko sa walang salang dugo.
Ngunit sinabi nila: Ano iyan sa amin? Ikaw na ang bahala diyan.
5 Itinapon niya ang tatlumpung pilak sa banal na dako at siya ay umalis. Pagkaalis niya roon, siya ay nagbigti.
6 Kinuha ng mga pinunong-saserdote ang tatlumpung pilak.Kanilang sinabi: Labag sa kautusan na ilagay ang mga ito sa kaban ng yaman sapagkat ibinayad sa dugo ang salaping ito. 7 Nang sila ay nakapagsanggunian na, ibinili nila ito ng bukid ng magpapalayok upang ito ay maging libingan ng mga dayuhan. 8 Kaya nga, ang bukid na iyon ay tinawag, hanggang sa araw na itona: Bukid ng dugo. 9 Natupad nga ang sinabi ni propeta Jeremias. Sinabi niya: Kinuha ko ang tatlumpung pilak. Ito ang ibinigay na kaniyang halaga, na itinakdang halaga ng mga anak ni Israel. 10 Ito ay ibinigay para sa bukid ng magpapalayok ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.
Si Jesus sa Harap ni Pilato
11 Si Jesus ay tumayo sa harap ng gobernador. Tinanong siya ng gobernador na sinasabi: Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?
Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tama ang iyong sinabi.
12 Nang siya ay pinaratangan ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda, wala siyang isinagot. 13 Sinabi ni Pilato sa kaniya: Narinig mo ba ang marami nilang paratang laban sa iyo? 14 Hindi sumagot si Jesus sa kaniya, na lubhang ikinamangha ng gobernador.
15 Kinaugalian na ng gobernador na sa tuwing araw ng paggunita ay magpapalaya siya sa karamihan ng isang bilanggo na ibig nila. 16 Nang panahong iyon, ay mayroon silang isang kilalang bilanggo na tinatawag na Barabas. 17 Nang sila ay nagtipun-tipon sinabi ni Pilato sa kanila: Sino ang nais ninyong palayain ko para sa inyo? Si Barabas o si Jesus na tinatawag na Cristo? 18 Ito ay sapagkat alam niya na inggit ang dahilan nang ibinigay nila si Jesus sa kaniya.
19 Samantalang siya ay nakaupo sa upuan ng hukom, lumapit sa kaniya ang kaniyang asawa. Kaniyang sinabi: Huwag mo nang pakialaman ang matuwid na taong iyan. Ang dahilan ay lubha akong nahirapan sa araw na ito sa isang panaginip dahil sa lalaking iyan.
20 Ngunit hinikayat ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda sa mga tao, na hingiin ng karamihan si Barabas at ipapatay si Jesus.
21 Sumagot ang gobernador: Sino sa dalawa ang nais ninyong palayain ko para sa inyo?
Sinabi nila: Si Barabas!
22 Sinabi ni Pilato sa kanila: Ano nga ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Cristo?
Sinabi nilang lahat sa kaniya: Ipapako siya sa krus!
23 Sinabi ng gobernador: Ano ang ginawa niyang masama?
Ngunit lalo silang sumigaw, na sinasabi: Ipapako siya sa krus!
24 Nang makita ni Pilato na wala na siyang magagawa dito at ang mga tao ay nagsimula ng magkagulo, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng napakaraming tao. Sinabi niya: Wala akong sala sa dugo ng matuwid na lalaking ito. Kayo na ang bahala sa bagay na ito.
25 Sumagot ang lahat ng mga tao: Mapasaamin at sa aming mga anak ang kaniyang dugo.
26 Pagkatapos nito ay pinalaya niya si Barabas ngunit ipinahagupit niya si Jesus at ibinigay niya sa kanila upang ipako sa krus.
Kinutya ng mga Kawal si Jesus
27 Dinala si Jesus ng mga kawal ng gobernador sa hukuman at pinalibutan siya ng buong batalyon ng mga kawal.
28 Hinubaran nila siya at sinuotan ng isang balabal na kulay ube. 29 Nagsalapid sila ng isang koronang tinik at inilagay sa kaniyang ulo. Isang tangkay ng tambo ang inilagay sa kaniyang kanang kamay. Lumuhod sila sa harap ni Jesus at siya ay kinutya. Sinabi nila: Binabati ang Hari ng mga Judio! 30 Dinuraan nila siya at kinuha ang tambo at ipinalo sa kaniyang ulo. 31 Kinutya nila siya at kinuha sa kaniya ang kaniyang balabal. Isinuot nila sa kaniya ang kaniyang damit at siya ay dinala upang ipako sa krus.
Ipinako nila sa Krus si Jesus
32 Nang sila ay papunta na roon, nakita nila ang isang lalaking taga-Cerene na nagngangalang Simon. Isinama nila siya upang ipapasan sa kaniya ang krus.
33 Dumating sila sa isang dako na tinatawag na Golgota. Ang kahulugan nito ay Lugar ng mga Bungo. 34 Binigyan nila si Jesus ng maasim na alak na hinaluan ng apdo upang inumin. Nang matikman niya ito, ayaw niya itong inumin. 35 Nang maipako na nila siya, pinaghati-hatian nila ang kaniyang damit at sila ay nagpalabunutan. Ito ay upang matupad ang sinabi ng propeta na sinasabi: Pinaghati-hatian nila ang aking damit at nagpalabunutan sa aking kasuotan. 36 Sila ay naupo roon at binantayan siya. 37 Inilagay nila sa kaniyang ulunan ang paratang sa kaniya. Ito ang nakasulat: ITO SI JESUS ANG HARI NG MGA JUDIO. 38 Ipinakong kasama niya ang dalawang tulisan. Ang isa ay sa kaniyang gawing kanang kamay at ang isa ay sa kaniyang gawing kaliwang kamay. 39 Nilait siya ng mga dumaraan na iniiling ang kanilang mga ulo. 40 Sinasabi nila: Ikaw na magwawasak ng banal na dako at magtatayo nito sa loob ng tatlong araw, iligtas mo ang iyong sarili. Kung ikaw ang Anak ng Diyos, bumaba ka mula sa krus.
41 Sa gayunding paraan kinutya siya ng mga pinunong-saserdote kasama ng mga guro ng kautusan at ng mga matanda, na sinasabi: 42 Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya kayang iligtas ang kaniyang sarili. Kung siya ang hari ng Israel, bumaba siya mula sa krus at sasampalataya kami sa kaniya. 43 Nagtiwala siya sa Diyos. Magpaligtas siya sa kaniya, kung ililigtas siya sapagkat sinabi niya: Ako ay ang Anak ng Diyos. 44 Gayundin nilibak siya ng mga tulisang ipinakong kasama niya.
Si Jesus ay Namatay
45 Nagkaroon ng kadiliman sa buong lupa mula sa ika-anim na oras hanggang sa ika-siyam na oras.
46 Nang mag-iikasiyam na ang oras, si Jesus ay sumigaw nang may malakas na tinig. Sinabi niya: Eli, Eli, lama sabachthani? Ang ibig sabihin nito ay: Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?
47 Narinig siya ng ilan sa mga nakatayo roon. Sinabi nila: Tinatawag ng lalaking ito si Elias.
48 Ang isa sa kanila ay agad-agad na tumakbo at kumuha ng isang espongha. Inilubog niya ito sa maasim na alak at inilagay sa isang tambo upang ipainom sa kaniya. 49 Sinabi ng iba: Pabayaan mo siya. Tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya.
50 Muling sumigaw si Jesus na may malakas na tinig. Pagkatapos, ipinaubaya niya ang kaniyang espiritu.
51 Narito, ang telang tabing sa banal na dako ay napunit sa dalawa mula sa itaas pababa. Ang lupa ay nayanig at nabiyak ang mga bato. 52 Ang mga libingan ay nabuksan atmaraming katawan ng mga banal na namatay ang bumangon. 53 Pagkatapos niyang mabuhay muli, lumabas sila sa mga libingan at pumasok sa banal na lungsod. Nagpakita sila roon sa maraming tao.
54 Isang kapitan ang naroroon at kasama niya ang mga nagbabantay kay Jesus. Pagkakita nila sa lindol at sa mga bagay na nangyari, lubha silang natakot. Sinabi nila: Totoo ngang ito ang Anak ng Diyos.
55 Maraming mga babae roon ang nakamasid mula sa malayo.Sila yaong sumunod kay Jesus mula sa Galilea at naglingkod sa kaniya. 56 Kabilang sa kanila si Maria na taga-Magdala at si Maria na ina nina Santiago at Jose at ang ina ng mga anak ni Zebedeo.
Inilibing si Jesus
57 Nang gumabi na, dumating ang isang mayamang lalaki na taga-Arimatea. Siya ay si Jose na naging alagad ni Jesus.
58 Sa pagpunta niya kay Pilato ay hiningi niya ang katawan ni Jesus. Iniutos ni Pilato na ibigay ang katawan ni Jesus. 59 Pagkakuha ni Jose sa katawan ni Jesus, binalot niya iyon sa malinis na telang lino. 60 At inilagay niya iyon sa kaniyang bagong libingan na inuka niya sa malaking bato. Nang maipagulong na ang isang malaking bato tungo sa pintuan ng libingan ay umalis na siya.
Copyright © 1998 by Bibles International