Mateo 20:1-16
Magandang Balita Biblia
Ang Talinghaga tungkol sa mga Manggagawa sa Ubasan
20 “Ang kaharian ng langit ay maitutulad sa isang taong lumabas nang maagang-maaga upang kumuha ng manggagawa para sa kanyang ubasan. 2 Nang magkasundo na sila sa upa na isang salaping pilak[a] sa maghapon, ang mga manggagawa ay pinapunta niya sa kanyang ubasan. 3 Lumabas siyang muli nang mag-aalas nuwebe ng umaga at nakakita siya ng iba pang tatayu-tayo lamang sa palengke. 4 Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo at magtrabaho sa aking ubasan, at bibigyan ko kayo ng karampatang upa.’ 5 At pumunta nga sila. Lumabas na naman siya nang mag-aalas dose ng tanghali at nang mag-aalas tres ng hapon, at ganoon din ang ginawa niya. 6 Nang mag-aalas singko na ng hapon, siya'y lumabas muli at nakakita pa ng mga ibang wala ring ginagawa. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit tatayu-tayo lang kayo dito sa buong maghapon?’ 7 ‘Wala po kasing magbigay sa amin ng trabaho,’ sagot nila. Kaya't sinabi niya, ‘Kung gayon, pumunta rin kayo sa aking ubasan.’
8 “Nang(A) gumagabi na, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo na ang mga manggagawa at bayaran mo sila magmula sa huli hanggang sa unang nagtrabaho.’ 9 Ang mga nagsimula nang mag-aalas singko ng hapon ay tumanggap ng tig-iisang salaping pilak. 10 Nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang tatanggap sila nang higit doon; ngunit ang bawat isa'y binayaran din ng tig-iisang salaping pilak. 11 Nang magkagayo'y nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. 12 Sinabi nila, ‘Isang oras lamang nagtrabaho ang mga ito na huling dumating, samantalang maghapon kaming nagtrabaho at nagtiis sa nakakapasong init ng araw. Bakit naman pinagpare-pareho ninyo ang aming upa?’ 13 Sumagot ang may-ari ng ubasan sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi ba't pumayag ka sa isang salaping pilak? 14 Kunin mo ang para sa iyo at umalis ka na. Ano sa iyo kung ibig kong bayaran ang nahuli nang tulad ng ibinayad ko sa iyo? 15 Wala ba akong karapatang gawin sa ari-arian ko ang aking maibigan? Kayo ba'y naiinggit dahil ako'y nagmagandang-loob sa iba?’”
16 At(B) sinabi ni Jesus, “Ang nahúhulí ay mauuna, at ang nauuna ay mahuhuli.”
Read full chapterFootnotes
- Mateo 20:2 SALAPING PILAK: Sa Griego ay dinaryo na katumbas ng isang araw na sahod ng isang manggagawa.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.