Mateo 2
Ang Salita ng Diyos
Ang Pagdating ng mga Pantas
2 Pagkatapos na maipanganak si Jesus sa Bethlehem ng Juda, sa panahon ng paghahari ni Herodes, may dumating sa Jerusalem mula sa silangan, na mga lalaking pantas sa pag-aaral ng mga bituin.
2 Sinabi nila: Saan naroroon ang ipinanganak na Hari ng mga Judio? Ito ay sapagkat nakita namin ang kaniyang bituin sa silangan at naparito kami upang sambahin siya.
3 Nang marinig ni haring Herodes ang mga bagay na ito, naligalig siya at ang lahat ng mga tao sa Jerusalem. 4 Tinipon niya ang lahat ng mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan ng mga tao. Tinanong niya sa kanila kung saan ipanganganak ang Mesiyas. 5 Sinabi nila sa kaniya: Sa Bethlehem ng Judea sapagkat ganito ang isinulat ng propeta:
6 Ikaw Bethlehem sa lupain ng Juda, hindi ikaw ang pinakamaliit sa mga gobernador ng Juda sapagkat mula sa iyo ay lalabas ang isang pinuno na siyang mamumuno sa aking bayang Israel.
7 Nang magkagayon, tinawag ni Herodes nang palihim ang mga pantas na lalaki. Itinanong niyang mabuti sa kanila kung kailan nagpakita ang bituin. 8 At pinapunta niya sila sa Bethlehem. Sinabi niya: Pumaroon kayo at matiyaga ninyong ipagtanong ang patungkol sa bata. Kapag natagpuan ninyo siya, balitaan ninyo ako upang makapunta rin ako at sambahin siya.
9 Pagkarinig nila sa hari ay tumuloy na sila sa kanilang lakad. Narito, ang bituin na kanilang nakita sa silanganan ay nanguna sa kanila. Nanguna ito sa kanila hanggang sa sumapit at tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng maliit na bata. 10 Nang makita nila ang bituin, lubos silang nagalak. 11 Nang sila ay nasa loob na ng bahay, nakita nila ang bata, kasama ang kaniyang inang si Maria. Sila ay nagpatirapa at sinamba ang bata. Nang mabuksan na nila ang kanilang mga kayamanan, naghandog sila sa kaniya ng mga kaloob. Ang mga ito ay ginto, kamangyan at mira. 12 At nagbabala ang Diyos sa kanila sa isang panaginip na huwag na silang bumalik kay Herodes. Kaya sila ay nag-iba ng daan pauwi sa kanilang sariling lupain.
Tumakas Sila Papuntang Egipto
13 Nang sila ay nakauwi na, nangyari na ang isang anghel ng Panginoon ay nagpakita kay Jose sa isang panaginip. Sinabi ng anghel: Bumangon ka, dalhin mo ang bata at ang kaniyang ina. Tumakas kayo papuntang Egipto sapagkat ipahahanap na ni Herodes ang bata upang patayin. Manatili kayo roon hanggang sa sabihin ko sa iyo.
14 Bumangon siya at sa kinagabihan, dinala niya ang bata at ang ina nito papuntang Egipto. 15 Nanatili sila roon hanggang sa pagkamatay ni Herodes. Ito ay upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi: Tinawag ko ang aking anak mula sa Egipto.
16 Nang magkagayon, nakita ni Herodes na nalinlang siya ng mga lalaking pantas. Labis siyang nagalit at nag-utos siya na patayin ang lahat ng mga batang lalaki sa Bethlehem at sa buong palibot nito. Ang mga batang ipinapatay ay mula sa gulang na dalawang taon pababa, batay sa panahon na maingat niyang tinanong sa mga lalaking pantas. 17 Nang magkagayon, natupad ang sinabi ng propetang Jeremias, na sinasabi:
18 Isang tinig ang narinig sa Rama. Panaghoy, pananangis at pagdadalamhati. Tinatangisan ni Rachel ang kaniyang mga anak. Hindi niya ibig na maaliw sapagkat sila ay wala na.
Bumalik Sila Mula sa Egipto
19 Ngunit nang patay na si Herodes, narito, isang anghel ng Panginoon ay nagpakita kay Jose sa Egipto sa isang panaginip.
20 Sinabi niya: Bumangon ka at dalhin mo ang bata at ang kaniyang ina at pumaroon kayo sa lupain ng Israel sapagkat patay na silang naghahangad sa buhay ng bata.
21 Bumangon siya at dinala ang bata at ang ina nito at dumating sa lupain ng Israel. 22 Si Arquelao ang naghahari sa Judea bilang kapalit ng kaniyang amang si Herodes. Nang mabalitaan ito ni Jose, natakot siyang pumunta roon. Sa isang panaginip binigyan siya ng Diyos ng babala. Umalis siya patungo sa mga dako ng Galilea. 23 Siya ay dumating at tumira sa isang lungsod na tinatawag na Nazaret. Sa ganito natupad ang sinabi ng mga propeta:
Siya ay tatawaging taga-Nazaret.
Copyright © 1998 by Bibles International