Add parallel Print Page Options

Nang ipanganak nga si Jesus sa Bet-lehem ng Judea sa mga kaarawan ng haring si Herodes, narito, ang mga Pantas na lalake ay nagsidating sa Jerusalem mula sa silanganan, na nagsisipagsabi,

Saan naroon ang ipinanganak na hari ng mga Judio? sapagka't aming nakita ang kaniyang bituin sa silanganan, at naparito kami upang siya'y sambahin.

Nang marinig ito ng haring si Herodes, ay nagulumihanan siya, at pati ng buong Jerusalem.

At pagkatipon sa lahat ng mga pangulong saserdote at mga eskriba ng bayan, ay siniyasat niya sa kanila kung saan kaya ipanganganak ang Cristo.

At sinabi nila sa kaniya, sa Bet-lehem ng Judea: sapagka't ganito ang pagkasulat ng propeta,

At ikaw Bet-lehem, na lupa ng Juda, Sa anomang paraan ay hindi ikaw ang pinakamaliit sa mga pangulong bayan ng Juda: Sapagka't mula sa iyo'y lalabas ang isang gobernador, Na siyang magiging pastor ng aking bayang Israel.

Nang magkagayo'y tinawag ni Herodes ng lihim ang mga Pantas na lalake, at kaniyang siniyasat ng buong ingat sa kanila ang panahong isinilang ng bituin.

At pinayaon niya sila sa Bet-lehem, at sinabi, Kayo'y magsiparoon at ipagtanong ng buong ingat ang tungkol sa sanggol; at pagkasumpong ninyo sa kaniya, ay ipagbigay-alam ninyo sa akin, upang ako nama'y makaparoon at siya'y aking sambahin.

At sila, pagkarinig sa hari ay nagsiyaon ng kanilang lakad; at narito, ang bituing kanilang nakita sa silanganan, ay nanguna sa kanila hanggang sa sumapit at tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng sanggol.

10 At nang makita nila ang bituin, ay nangagalak sila ng di kawasang galak.

11 At nagsipasok sila sa bahay, at nangakita nila ang sanggol na kasama ng kaniyang inang si Maria; at nangagpatirapa sila at nangagsisamba sa kaniya; at pagkabukas nila ng kanilang mga kayamanan ay inihandog nila sa kaniya ang mga alay, na ginto at kamangyan at mira.

12 At palibhasa'y pinagsabihan sila ng Dios sa panaginip na huwag silang mangagbalik kay Herodes, ay nangagsiuwi sila sa kanilang sariling lupain sa ibang daan.

13 Nang mangakaalis nga sila, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita kay Jose sa panaginip, na nagsasabi, Magbangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang kaniyang ina, at tumakas ka hanggang sa Egipto, at dumoon ka hanggang sa sabihin ko sa iyo: sapagka't hahanapin ni Herodes ang sanggol upang siya'y puksain.

14 At siya'y nagbangon at dinala ang sanggol at ang ina nito sa kinagabihan, at napasa Egipto;

15 At dumoon hanggang sa pagkamatay ni Herodes: upang maganap ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi, Mula sa Egipto ay tinawag ko ang aking anak.

16 Nang magkagayon, nang mapansin ni Herodes na siya'y pinaglaruan ng mga Pantas na lalake, ay nagalit na mainam, at nagutos, at ipinapatay ang lahat ng mga sanggol na lalake na nangasa Bet-lehem, at sa buong palibotlibot noon, mula sa gulang na dalawang taon hanggang sa pababa, alinsunod sa panahon ng kaniyang maingat na pagkasiyasat sa mga Pantas na lalake.

17 Nang magkagayo'y naganap ang sinalita sa pamamagitan ng propeta Jeremias, na nagsasabi,

18 Isang tinig ay narinig sa Rama, Pananangis at kalagimlagim na iyak, Tinatangisan ni Raquel ang kaniyang mga anak; At ayaw na siyang maaliw, sapagka't sila'y wala na.

19 Nguni't pagkamatay ni Herodes, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita sa panaginip kay Jose sa Egipto, na nagsasabi,

20 Magbangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang kaniyang ina, at pumatungo ka sa lupain ng Israel: sapagka't nangamatay na ang nangagmimithi sa buhay ng sanggol.

21 At nagbangon siya at dinala ang sanggol at ang kaniyang ina, at pumatungo sa lupa ng Israel.

22 Datapuwa't nang mabalitaan niya na si Arquelao ang naghahari sa Judea na kahalili ng kaniyang amang si Herodes, ay natakot siyang pumatungo roon; at palibhasa'y pinagsabihan ng Dios sa panaginip, ay napatungo siya sa mga sakop ng Galilea,

23 At siya'y dumating at tumahan sa isang bayang tinatawag na Nazaret; upang maganap ang mga sinalita ng mga propeta, na siya'y tatawaging Nazareno.

Dumalaw ang mga Pantas

Nang isilang si Jesus sa Bethlehem ng Judea, sa panahon ng paghahari ni Herodes, may mga pantas na dumating sa Jerusalem mula sa silangan. Nagtanung-tanong sila, “Nasaan ang isinilang na Hari ng mga Judio? Nakita namin ang kanyang bituin sa silangan at naparito kami upang sambahin siya.” Nang marinig ito ni Haring Herodes, labis siyang nag-alala, at gayundin ang lahat ng mamamayan ng Jerusalem. Pinulong niya ang lahat ng mga pinunong pari at ang mga tagapagturo ng kautusan sa sambayanan at itinanong sa kanila kung saan isisilang ang Cristo. At sumagot sila, “Doon po sa Bethlehem ng Judea, tulad ng isinulat ng propeta:

‘At ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Juda,
    ay hindi páhuhulí sa mga pinuno ng Juda;
sapagkat manggagaling sa iyo ang isang pinuno
    na siyang magpapastol ng aking bayang Israel.’ ”

Pagkatapos ay lihim na ipinatawag ni Herodes ang mga pantas at tiniyak mula sa kanila ang panahon ng paglitaw ng bituin. Sila'y kanyang pinapunta sa Bethlehem at pinagbilinan ng ganito, “Pumunta kayo at hanapin ninyong mabuti ang sanggol. Kapag siya'y nakita na ninyo, balitaan ninyo ako, upang makapunta rin ako at sumamba sa kanya.” Pagkatapos marinig ang hari ay umalis na sila. At biglang lumitaw ang bituing nakita nila sa silangan at nanguna ito sa kanila hanggang sa huminto sa tapat ng kinaroroonan ng bata. 10 Labis ang kagalakan nila nang makita nila ang bituin. 11 At pagpasok nila sa bahay ay nakita nila ang bata, kasama ang ina nitong si Maria. Sila'y yumukod at sumamba sa bata. Binuksan nila ang mga sisidlan ng kanilang kayamanan at naghandog sa kanya ng mga regalong ginto, kamanyang, at mira. 12 At dahil binalaan sila ng Diyos sa pamamagitan ng panaginip na huwag na silang babalik kay Herodes, dumaan sila sa ibang daan pauwi sa kanilang sariling bayan.

Ang Pagtakas Patungo sa Ehipto

13 Nang makaalis ang mga pantas, nagpakita kay Jose sa isang panaginip ang isang anghel ng Panginoon. “Bumangon ka,” sabi nito sa kanya. “Dalhin mo ang bata at ang kanyang ina. Tumakas kayo at pumunta sa Ehipto. Manatili kayo roon hanggang sabihin ko sa iyo, sapagkat ipahahanap na ni Herodes ang bata upang patayin.” 14 Bumangon nga siya at nang gabi ring iyon ay dinala ang bata at ang ina nito papuntang Ehipto. 15 Sila'y nanatili roon hanggang sa mamatay si Herodes. Naganap ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta: “Mula sa Ehipto ay tinawag ko ang aking anak.”

Ipinapatay ang Maliliit na Batang Lalaki

16 Galit na galit si Herodes nang mabatid niyang nalinlang siya ng mga pantas. Kaya't ipinapatay niya ang lahat ng mga batang lalaki may dalawang taong gulang pababa na nasa Bethlehem at sa mga karatig-pook, batay sa panahong tiniyak niya mula sa mga pantas. 17 Kaya't natupad ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ni Propeta Jeremias:

18 “May tinig na narinig sa Rama,
    pananangis at matinding panaghoy.
Tumatangis si Raquel dahil sa kanyang mga anak;
    magpaaliw ay ayaw niya, sapagkat sila ay wala na.”

19 Pagkamatay ni Herodes, nagpakita ang isang anghel ng Panginoon kay Jose sa isang panaginip doon sa Ehipto, na nagsasabi, 20 “Bumangon ka, dalhin mo ang bata at ang kanyang ina at umuwi na kayo sa Israel. Namatay na ang mga nagnanais pumatay sa bata.” 21 Bumangon nga siya at iniuwi ang bata at ang ina nito sa Israel. 22 Ngunit nang mabalitaan niyang naghahari si Arquelao sa Judea, kapalit ng ama nitong si Herodes, natakot siyang pumunta roon. Dahil binalaan siya ng Diyos sa pamamagitan ng panaginip, pumunta sila sa lalawigan ng Galilea. 23 Nanirahan sila sa Nazareth upang matupad ang sinabi ng mga propeta tungkol sa bata: “Siya'y tatawaging isang taga-Nazareth.”

Ang Pagdalaw ng mga Taong Galing sa Silangan

Ipinanganak si Jesus sa bayan ng Betlehem sa lalawigan ng Judea noong si Herodes ang hari. Isang araw, dumating sa Jerusalem ang ilang taong dalubhasa[a] galing sa silangan. Nagtanong sila, “Saan ba ipinanganak ang hari ng mga Judio? Nakita namin ang kanyang bituin sa silangan, at naparito kami upang sambahin siya.”

Nang mabalitaan ito ni Herodes, nabagabag siya at pati na rin ang buong Jerusalem. Kaya ipinatawag ni Herodes ang lahat ng namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan, at tinanong sila kung saan isisilang ang Cristo. Sumagot sila, “Sa Betlehem na sakop ng Juda, dahil ganito ang isinulat ng propeta:

‘Ikaw, Betlehem sa lupain ng Juda,
    hindi ka huli sa mga pangunahing bayan ng Juda;
    dahil magmumula sa iyo ang isang pinuno
    na magsisilbing pastol ng mga mamamayan kong Israelita.’ ”[b]

Nang marinig ito ni Herodes, palihim niyang ipinatawag ang mga taong galing sa silangan at inalam kung kailan talaga nila unang nakita ang bituin. Pagkatapos, pinapunta niya sila sa Betlehem. Ibinilin niya sa kanila, “Lumakad na kayo at hanaping mabuti ang sanggol. At kapag nakita ninyo, balitaan nʼyo ako kaagad upang makapunta rin ako at makasamba sa kanya.” 9-10 Pagkatapos nilang marinig ang bilin ng hari, umalis na sila. Habang sila ay naglalakbay, muling lumitaw ang bituin na nakita nila sa silangan, at lubos ang kanilang kagalakan. Nanguna sa kanila ang bituin hanggang makarating sila sa kinaroroonan ng sanggol. 11 Pagpasok nila sa bahay, nakita nila ang sanggol at ang ina nitong si Maria. Lumuhod sila at sumamba sa sanggol. Inilabas din nila at inihandog sa sanggol ang mga dala nilang ginto, insenso at pabangong mira.

12 Nang pauwi na sila, binalaan sila ng Dios sa pamamagitan ng isang panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes. Kaya nag-iba na sila ng daan pauwi.

Ang Pagtakas Patungo sa Egipto

13 Nang makaalis na ang mga taong galing sa silangan, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi ng anghel sa kanya, “Bumangon kaʼt dalhin ang bata at ang kanyang ina sa Egipto. Doon muna kayo hanggaʼt hindi ko sinasabing bumalik kayo, dahil hinahanap ni Herodes ang sanggol para patayin.”

14 Kaya nang gabi ring iyon, umalis papuntang Egipto si Jose, kasama ang bata at ang ina nitong si Maria. 15 At nanatili sila roon hanggang sa mamatay si Herodes.

Sa gayon, natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, “Tinawag ko mula sa Egipto ang aking anak.”[c]

Ipinapatay ni Herodes ang mga Batang Lalaki

16 Galit na galit si Herodes nang malaman niyang nilinlang siya ng mga taong galing sa silangan. Kaya iniutos niyang patayin ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem at sa mga lugar sa paligid nito, mula dalawang taong gulang pababa. Sapagkat ayon sa nalaman niya sa mga taong galing sa silangan, dalawang taon na ang nakalipas mula nang una nilang makita ang bituin.

17 Sa ginawang kalupitan ni Herodes, natupad ang sinabi ni Propeta Jeremias,

18 “May narinig na iyakan at malakas na panaghoy sa Rama.
    Iniiyakan ni Raquel ang pagkamatay ng kanyang mga anak,
    at ayaw niyang magpaaliw
    dahil patay na ang mga ito.”[d]

Ang Pagbabalik Mula sa Egipto

19 Nang mamatay na si Herodes, ang anghel ng Panginoon ay muling nagpakita sa panaginip ni Jose doon sa Egipto 20 at sinabi nito sa kanya, “Bumangon kaʼt iuwi na ang bata at ang kanyang ina sa bayan ng Israel, dahil patay na ang mga nagtatangka sa buhay ng bata.” 21 Kaya bumangon si Jose, at dinala ang mag-ina pauwi sa Israel.

22 Pero nang malaman ni Jose na si Arkelaus ang naghahari sa Judea kapalit ng ama nitong si Herodes, natakot siyang pumunta roon. Binalaan siyang muli ng Dios sa pamamagitan ng panaginip, kaya tumuloy siya sa lalawigan ng Galilea, 23 at nanirahan sila sa bayan ng Nazaret. Kaya natupad ang sinabi ng mga propeta na tatawagin ang Cristo na Nazareno.

Footnotes

  1. 2:1 dalubhasa: sa Griego, magoi. Hindi sigurado kung ano ang ibig sabihin ng magoi. Pero posibleng dalubhasa sa pag-aaral ng mga bituin.
  2. 2:6 Micas 5:2.
  3. 2:15 Hos. 1:1.
  4. 2:18 Jer. 31:15.