Mateo 18-25
Ang Salita ng Diyos
Sino ang Pinakadakila?
18 Nang oras na iyon, lumapit ang mga alagad kay Jesus na sinasabi: Sino ang pinakadakila sa paghahari ng langit?
2 Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at inilagay sa kalagitnaan nila. 3 Sinabi niya: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Malibang kayo ay magbago at tumulad sa maliliit na bata, hindi kayo makakapasok sa paghahari ng langit. 4 Kaya nga, ang sinumang magpapakumbaba katulad ng maliit na batang ito ay siyang pinakadakila sa paghahari ng langit.
5 Sinumang tumanggap sa isa sa maliit na batang katulad nito sa aking pangalan, ako ang tinatanggap. 6 Ngunit ang sinumang maging katitisuran sa isa sa mga maliliit na ito na sumasampalataya sa akin ay mabuti pang talian ng malaking gilingang bato ang kaniyang leeg at itapon sa dagat.
Mga Kadahilanan ng Pagkatisod
7 Sa aba ng sangkatauhan dahil sa mga katitisuran. Ito ay sapagkat kailanman ay hindi mawawala ang mga kadahilanan ng pagkatisod.Ngunit sa aba ng taong pinanggalingan ng pagkatisod.
8 Kaya nga, kung ang iyong kamay o ang iyong paa ang makakapagpatisod sa iyo, putulin mo ito at itapon. Higit pang mabuti para sa iyo ang pumasok sa buhay na pingkaw o pilay kaysa may dalawang kamay o dalawang paa, ngunit ihahagis naman sa apoy na walang hanggan. 9 Kung ang iyong mata ang makakapagpatisod sa iyo, dukitin mo ito at itapon. Higit pang mabuti para sa iyo ang pumasok sa buhay na mayisang mata, kaysa may dalawang mata, ngunit ihahagis naman sa apoy ng impiyerno.
Ang Talinghaga ng Tupang Nawawala
10 Ingatan ninyong huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo: Ito ay sapagkat ang kanilang mga anghel ay laging nasa harapan ng aking Ama na nasa langit.
11 Ito ay sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito upang iligtas ang nawawala.
12 Ano sa palagay ninyo? Kung ang isang tao ay may isangdaang tupa at ang isa sa mga ito ay naligaw, hindi ba niya iiwanan ang siyamnapu’t siyam at aakyat sa mga bundok at hahanapin ang naligaw? 13 Kapag natagpuan niya ito, sinasabi ko sa inyo ang totoo: Higit niyang ikagagalak ang patungkol sa natagpuang tupang naligaw kaysa sa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw. 14 Gayundin naman, hindi kalooban ng inyong Ama na nasa langit na mapahamak ang isa sa maliliit na ito.
Kung ang Kapatid mo ay Magkasala sa Iyo
15 Gayunman, kapag ang iyong kapatid na lalaki ay magkasala sa iyo, puntahan mo siya, sabihin mo sa kaniya ang kaniyang kasalanan na kayong dalawa lang. Kung pakinggan ka niya, napanumbalik mo ang iyong kapatid.
16 Ngunit kung ayaw ka niyang pakinggan, magsama ka ng isa o dalawa pa upang sa bibig ng dalawa o tatlo pang mga saksi, ang bawat salita ay mapagtibay. 17 Kung ayaw niya silang pakinggan, sabihin ito sa iglesiya. At kung ang iglesiya man ay ayaw niyang pakinggan, ituring mo na siyang Gentil o maniningil ng buwis.
18 Sinasabi ko sa inyo ang totoo: Anuman ang inyong tatalian sa lupa ay tatalian sa langit. Anuman ang inyong kakalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.
19 Muli kong sinasabi sa inyo: Kapag ang dalawa sa inyo ay magkaisa rito sa lupa sa paghingi ng anumang bagay, ipagkakaloob ito sa kanila ng aking Ama na nasa langit. 20 Ito ay sapagkat kung saan ang dalawa o tatlo ay nagkakatipon sa aking pangalan, naroon ako sa kanilang kalagitnaan.
Ang Talinghaga Patungkol sa Alipin na di Marunong Magpatawad
21 Lumapit si Pedro sa kaniya at sinabi: Panginoon, makailang ulit bang magkasala sa akin ang aking kapatid at siya ay aking patatawarin? Hanggang sa makapito ba?
22 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Sinasabi ko sa iyo na hindi lamang makapito kundi hanggang makapitumpung pitong ulit.
23 Ito ay sapagkat ang paghahari ng langit ay katulad sa isang hari na ibig maningil sa kaniyang mga alipin. 24 Nang magsimula na siyang maningil, iniharap sa kaniya ang isa na may utang sa kaniya ng sampung libong talento. 25 Ngunit sa dahilang wala siyang maibayad, iniutos ng kaniyang panginoon na ipagbili siya, gayundin ang kaniyang asawa, mga anak at lahat ng kaniyang tinatangkilik upang makabayad.
26 Ang alipin nga ay lumuhod at sinamba siya na sinasabi: Panginoon, pagpasensyahan mo muna ako at babayaran kita sa lahat ng utang ko. 27 Kaya ang panginoon ng aliping iyon ay nahabag at pinawalan siya at pinatawad ang kaniyang utang.
28 Ngunit paglabas ng alipin ding iyon, nakita niya ang kaniyang kapwa alipin na may utang sa kaniya ng isangdaang denaryo. Hinawakan niya ito at sinakal na sinabi: Bayaran mo ang utang mo sa akin.
29 Ang kaniyang kapwa alipin ay nagpatirapa sa kaniyang paanan. Nagmakaawa siya sa kaniya na sinasabi: Pagpasensyahan mo ako at babayaran kita sa lahat ng utang ko.
30 Ngunit ayaw niyang pumayag. Sa halip, ipinabilanggo niya ito hanggang sa makabayad ng kaniyang utang. 31 Kaya nang makita ng mga kapwa niya alipin ang nangyari, labis silang namighati. Lumapit sila sa kanilang panginoon at sinabi sa kaniya ang lahat ng nangyari.
32 Kaya, nang maipatawag na siya ng kaniyang panginoon, sinabi sa kaniya: O, ikaw na masamang alipin, pinatawad ko ang lahat mong pagkakautang dahil nagmakaawa ka sa akin. 33 Hindi ba nararapat na mahabag ka rin sa iyong kapwa alipin katulad nang pagkahabag ko sa iyo? 34 Sa matinding galit ng kaniyang panginoon, ibinigay siya sa mga tagapagpahirap sa bilangguan hanggang sa mabayaran niya ang lahat ng kaniyang utang.
35 Gayundin naman ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa langit kapag hindi kayo nagpatawad nang taos sa inyong puso sa bawat kapatid sa kanilang pagsalangsang.
Ang Pagpapalayas ng Lalaki sa Asawang Babae
19 Nangyari, na nang matapos na ni Jesus ang mga pananalitang ito, nilisan niya ang Galilea at pumaroon siya sa mga hangganan ng Judea sa kabilang ibayo ng Jordan.
2 Sinundan siya ng napakaraming tao at pinagaling niya sila roon.
3 Nilapitan din siya ng mga Fariseo upang subukin siya.Sinabi nila sa kaniya: Naaayon ba sa kautusan na palayasin ng isang lalaki ang kaniyang asawa sa anumang dahilan?
4 Sumagot siya sa kanila: Hindi ba ninyo nabasa na siya na lumalang sa kanila sa pasimula pa ay nilalang sila na lalaki at babae? 5 Sinabi pa niya: Dahil dito, iiwanan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at makikisama sa kaniyang asawa. Silang dalawa ay magiging isang laman. 6 Kung gayon, hindi na sila dalawa kundi isang laman. Ang pinagsama nga ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.
7 Sinabi nila sa kaniya: Kung gayon, bakit ipinag-utos ni Moises na magbigay ng isang kasulatan ng paghihiwalay bago palayasin ang babae?
8 Sinabi niya sa kanila: Dahil sa katigasan ng inyong mga puso kaya ipinahintulot ni Moises na palayasin ninyo ang inyong mga asawa. Ngunit hindi gayon sa pasimula. 9 Sinasabi ko sa inyo na ang sinumang magpalayas sa kaniyang asawang babae maliban sa pakikiapid nito at mag-aasawa ng iba ay magkakasala ng pangangalunya. Ang sinumang magpakasal sa babaeng pinalayas ng kaniyang asawa ay nagkakasala ng kasalanang sekswal.
10 Sinabi ng kaniyang mga alagad sa kaniya: Kung ganyan ang kalalagayan ng lalaki at ng kaniyang asawa, makakabuti pang huwag nang mag-asawa.
11 Ngunit sinabi niya sa kanila: Hindi matatanggap ng lahat ng mga tao ang pananalitang ito kundi doon lamang sa pinagkalooban. 12 Ito ay sapagkat may mga ipinanganak na bating. Sila ay gayon na mula pa sa sinapupunan ng kanilang ina. May mga bating naman na ginagawang bating ng mga tao. May mga bating din na sinadya nilang maging mga bating alang-alang sa paghahari ng langit. Ang makakatanggap nito ay hayaang tumanggap nito.
Si Jesus at ang Maliliit na Bata
13 Pagkatapos, may dinala sa kaniya na maliliit na mga bata upang ipatong niya ang kaniyang kamay sa kanila at sila ay ipanalangin. Ngunit sinaway sila ng mga alagad.
14 Ngunit sinabi ni Jesus: Pahintulutan ninyo ang maliliit na bata na lumapit sa akin at huwag ninyo silang hadlangan sapagkat sa mga katulad nila nauukol ang paghahari ng langit. 15 Ipinatong niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at siya ay umalis doon.
Ang Mayamang Pinuno
16 Narito, may isang lalaking lumapit sa kaniya at sinabi: Mabuting guro, anong mabuting bagay na dapat kong gawin upang magkaroon ako ng buhay na walang hanggan?
17 Sinabi niya sa kaniya: Bakit tinatawag mo akong mabuti? Walang mabuti kundi isa lamang at iyon ay ang Diyos. Ngunit yamang ibig mong pumasok sa buhay, sundin mo ang mga utos.
18 Sinabi niya sa kaniya: Alin sa mga kautusan?
Sinabi ni Jesus: Huwag kang papatay. Huwag kang mangalunya. Huwag kang magnakaw at huwag kang sasaksi sa hindi totoo.
19 Igalang mo ang iyong ama at ina. Ibigin mo ang iyong kapwa katulad ng iyong sarili.
20 Sinabi ng binata sa kaniya: Ang lahat ng mga bagay na ito ay nasunod ko na simula pa sa aking pagkabata. Ano pa ang kulang sa akin?
21 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Kung ibig mong maging ganap, humayo ka, ipagbili mo ang iyong tinatangkilik, at ibigay mo sa mga dukha at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, halika at sumunod sa akin.
22 Ngunit nang marinig ng binata ang pananalitang ito, namimighati siyang umalis sapagkat napakarami ng kaniyang ari-arian.
23 Kaya sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Napakahirap sa isang mayaman ang pumasok sa paghahari ng langit. 24 Muli kong sinasabi sa inyo: Madali pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng karayom kaysa sa isang mayaman ang pumasok sa paghahari ng Diyos.
25 Nang marinig ito ng kaniyang mga alagad, lubha silang nanggilalas na sinabi: Kung gayon, sino ang maliligtas?
26 Ngunit tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila: Para sa mga tao, hindi ito maaring mangyayari, ngunit sa Diyos ang lahat ng mga bagay ay maaaring mangyari.
27 Kaya sumagot sa kaniya si Pedro: Narito, iniwan namin ang lahat at sumunod sa iyo. Ano nga ang aming makakamtan?
28 Sinabi ni Jesus sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Sa pagbabago ng lahat ng mga bagay kapag umupo na ang Anak ng Tao sa trono ng kaniyang kaluwalhatian, kayong sumunod sa akin ay uupo rin sa labindalawang trono. Uupo kayo upang hukuman ang labindalawang lipi ng Israel. 29 Iyan ang mangyayari sa bawat isang nag-iwan ng bahay, o ng mga kapatid na lalaki, o ng mga kapatid na babae, o ng ama, o ng ina, o mga anak o mga lupain alang-alang sa aking pangalan. Siya ay tatanggap ng isangdaang ulit. Magmamana rin siya ng buhay na walang hanggan. 30 Ngunit maraming nauuna na mahuhuli at nahuhuli na mauuna.
Ang Talinghaga Patungkol sa mga Manggagawa sa Ubasan
20 Ito ay sapagkat ang paghahari ng langit ay katulad sa isang may-ari ng sambahayan na lumabas nang maagang-maaga upang umupa ng mga manggagawa sa kaniyang ubasan.
2 Nang nakipagkasundo na siya sa mga manggagawa sa isang denaryo sa bawat araw, sinugo na niya sila sa kaniyang ubasan.
3 Lumabas siya nang mag-iikatlong oras na at nakita niya ang iba na nakatayo sa pamilihang dako na walang ginagawa. 4 Sinabi niya sa kanila: Pumunta rin naman kayo sa ubasan at kung ano ang nararapat, ibibigay ko sa inyo. Pumunta ngasila.
5 Lumabas siyang muli nang mag-iikaanim at mag-iikasiyam na ang oras at gayundin ang ginawa. 6 Nang mag-ikalabing-isang oras na, lumabas siya at natagpuan ang iba na nakatayo at walang ginagawa. Sinabi niya sa kanila: Bakit nakatayo kayo rito sa buong maghapon na walang ginagawa?
7 Sinabi nila sa kaniya: Ito ay sapagkat walang sinumang umupa sa amin.
Sinabi niya sa kanila:Pumunta rin naman kayo sa aking ubasan.Anuman ang nararapat, iyon ang tatanggapin ninyo.
8 Nang magtatakip-silim na, sinabi ng panginoon ng ubasan sa kaniyang katiwala: Tawagin mo ang mga manggagawa. Ibigay mo sa kanila ang kanilang mga upa, mula sa mga huli hanggang sa mga una.
9 Paglapit ng mga dumating ng mag-iikalabing-isang oras, tumanggap ng isang denaryo ang bawat isa. 10 Nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang sila ay tatanggap ng higit pa. Ngunit sila ay tumanggap din ng tig-iisang denaryo. 11 Nang matanggap na nila ito, nagbulung-bulungan sila laban sa may-ari ng sambahayan. 12 Sinabi nila: Ang mga huling ito ay isang oras lamang gumawa at ipinantay mo sa amin na nagbata ng hirap at init sa maghapon.
13 Sumagot siya sa isa sa kanila: Kaibigan, wala akong ginawang kamalian sa iyo. Hindi ba nakipagkasundo ka sa akin sa isang denaryo? 14 Kunin mo ang ganang sa iyo at lumakad ka na. Ibig kong bigyan itong huli nang gaya ng ibinigay ko sa iyo. 15 Hindi ba nararapat lamang na gawin ko ang ibig kong gawin sa aking ari-arian?Tinitingnan ba ninyo ako nang masama dahil ako ay mabuti?
16 Kaya nga, ang mga huli ay mauuna at ang mga una ay mahuhuli sapagkat marami ang mga tinawag ngunit kakaunti ang mga pinili.
Binanggit Muli ni Jesus ang Kaniyang Kamatayan
17 Nang umaahon si Jesus patungong Jerusalem, isinama niya ang labindalawang alagad. Sa daan, ibinukod niya sila at sinabi:
18 Narito, tayo ay aahon sa Jerusalem at ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga pinunong-saserdote at sa mga guro ng kautusan. Hahatulan nila siya ng kamatayan. 19 Ibibigay siya sa mga Gentil upang kutyain, hagupitin at ipako sa krus. Ngunit sa ikatlong araw ay muli siyang mabubuhay.
Ang Kahilingan ng Isang Ina
20 Nang magkagayon, lumapit kay Jesus ang ina ng mga anak ni Zebedeo kasama ang kaniyang mga anak na lalaki, na sumasamba at may hinihingi sa kaniya.
21 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ano ang ibig mo?
Sinabi niya sa kaniya: Sabihin mo na ang dalawang kong anak ay maupo sa iyong kanan at sa iyong kaliwa, sa iyong paghahari.
22 Ngunit sumagot si Jesus: Hindi mo nalalaman kung ano ang iyong hinihingi. Kaya ba ninyong inuman ang sarong malapit ko nang iinuman? Mababawtismuhan ba kayo ng bawtismong ibabawtismo sa akin?
Sinabi nila sa kaniya: Kaya namin.
23 Sinabi niya sa kanila: Makakainom kayo sa aking saro at mababawtismuhan ng bawtismong ibinawtismo sa akin. Ngunit ang pag-upo sa aking kanan at sa aking kaliwa ay hindi sa akin ang pagkakaloob. Ito ay ipagkakaloob sa kanila na mga pinaghandaan ng aking Ama.
24 Nang marinig ito ng sampu, lubha silang nagalit sa magkapatid. 25 Ngunit tinawag sila ni Jesus at sinabi: Nalalaman ninyo na ang mga namumuno sa mga Gentil ay namumuno na may pagkapanginoon sa kanila. Sila na mga dakila ang may malaking kapamahalaan sa kanila. 26 Ngunit hindi dapat maging gayon sa inyo. Sa halip, ang sinumang ibig maging dakila sa inyo ay magiging tagapaglingkod ninyo. 27 Sinumang ibig na maging una sa inyo ay magiging alipin ninyo. 28 Maging katulad siya ng Anak ng Tao na naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at magbigay ng kaniyang buhay na pantubos sa marami.
Nakakita ang Dalawang Bulag
29 Nang sila ay papalabas sa Jerico, sumunod sa kaniya ang napakaraming tao.
30 Narito, may dalawang lalaking bulag ang nakaupo sa tabi ng daan. Nang narinig nilang dumadaan si Jesus, sumigaw sila na sinasabi: O Panginoon, ikaw na Anak ni David, mahabag ka sa amin!
31 Sinaway sila ng napakaraming tao upang tumahimik ngunit lalo pa silang sumigaw na sinasabi: O Panginoon, ikaw na Anak ni David, mahabag ka sa amin!
32 Huminto si Jesus, at tinawag sila at sinabi: Ano ang ibig ninyong gawin ko sa inyo?
33 Sinabi nila sa kaniya: Panginoon, ibig naming makakita.
34 Kaya, nahabag si Jesus at hinipo ang kanilang mga mata. Kaagad silang nakakita at sumunod sa kaniya.
Pumasok si Jesus sa Jerusalem na Gaya ng Hari
21 Pagdating sa Betfage, na malapit sa Jerusalem, sa may bundok ng mga Olibo, nagsugo si Jesus ng dalawang alagad.
2 Sinabi niya sa kanila: Pumaroon kayo sa nayong nasa unahan ninyo. Kaagad kayong makakatagpo ng isang nakataling asno na may kasamang isang bisirong asno. Kalagan sila at dalhin sa akin. 3 Kapag may magsabi sa inyo, ito ang sabihin ninyo: Kailangan sila ng Panginoon. At kaagad niyang ipadadala ang mga ito.
4 Ang lahat ng ito ay nangyari upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta na sinasabi:
5 Sabihin ninyo sa anak na babae ng Sion, narito, dumarating ang iyong hari. Siya ay maamo at nakasakay sa isang bisirong asno na anak ng isang hayop na nahirati sa hirap.
6 Lumakad ang mga alagad at ginawa ang ayon sa iniutos ni Jesus sa kanila. 7 Kinuha nila ang asnong babae at ang batang asno.Pagkatapos, ipinatong nila sa likod ng mga ito ang kanilang mga damit at siya ay umupo sa mga ito. 8 Ang napakaraming tao ay naglatag ng kanilang mga damit sa daan. Ang iba naman ay pumutol ng mga sanga ng mga punong-kahoy at inilatag sa daan. 9 Ang napakaraming tao na nasa kaniyang unahan at ang mga sumusunod sa kaniya ay sumigaw na sinasabi:
Hosana sa Anak ni David! Papuri sa kaniya na pumaparito sa pangalan ng Panginoon! Hosana sa kataas-taasan!
10 Pagpasok niya sa Jerusalem, nagulo ang buong lungsod na sinasabi: Sino ito?
11 Sinabi ng napakaraming tao: Siya ay si Jesus, ang propeta na taga-Nazaret ng Galilea.
Nilinis ni Jesus ang Templo
12 Pumasok si Jesus sa templo ng Diyos at itinaboy niya ang lahat ng nagtitinda at namimili sa templo. Itinumba niya ang mga mesa ng mga mamamalit-salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati.
13 Sinabi niya sa kanila: Nasusulat:
Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan ngunit ginawa ninyong yungib ng mga tulisan.
14 Lumapit kay Jesus sa templo ang mga bulag at mga pilay.Pinagaling niya sila. 15 Nang makita ng mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan ang mga kamangha-manghang bagay na ginawa niya, lubha silang nagalit. Lubha rin silang nagalit dahil sa nakita nila sa templo ang mga batang sumisigaw na sinasabi: Hosana sa Anak ni David!
16 Kaya sinabi nila kay Jesus: Naririnig mo ba ang sinasabi ng mga ito?
Sinabi ni Jesus sa kanila: Oo, hindi ba ninyo nabasa:
Mula sa bibig ng mga bata at mga sanggol ay inihanda mo ang wagas na pagpupuri sa iyo?
17 Iniwan niya sila roon at pumunta siya sa lungsod ng Betania. Doon siya nagpalipas ng gabi.
Natuyo ang Puno ng Igos
18 Kinaumagahan, nang siya ay pabalik na sa lungsod, nagutom siya.
19 Pagkakita niya sa isang puno ng igos sa tabing-daan, nilapitan niya ito. Ngunit wala siyang nakita rito kundi mga dahon lamang kaya sinabi niya rito: Kailanman ay hindi ka na mamumunga. Kaagad na natuyo ang puno ng igos.
20 Nang makita ito ng mga alagad, namangha sila na sinabi: Bakit natuyo kaagad ang puno ng igos?
21 Sumagot si Jesus sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Kung kayo ay may pananampalataya at hindi mag-aalinlangan, hindi lamang ang nangyari sa puno ng igos ang magagawa ninyo. Ngunit magagawa rin ninyong sabihin sa bundok na ito: Umalis ka riyan at bumulusok ka sa dagat at mangyayari ito. 22 Makakamit ninyo ang lahat ng inyong hingin sa panalangin kung kayo ay may pananampalataya.
Tinanong si Jesus Patungkol sa Kaniyang Kapangyarihan
23 Pagpasok niya sa templo, nilapitan siya ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda ng bayan habang siya ay nagtuturo. Sinabi nila sa kaniya: Sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng kapamahalaang ito?
24 Sumagot si Jesus sa kanila: Isang bagay lang ang itatanong ko sa inyo. Kung masasagot ninyo ako ay sasabihin ko rin sa inyo kung sa anong kapamahalaan mayroon ako upang gawin ang mga bagay na ito. 25 Saan nanggaling ang bawtismo ni Juan, ito ba ay mula sa langit o mula sa mga tao?
Sila ay nangatwiranan sa isa’t isa na sinasabi: Kapag sabihin nating mula sa langit, sasabihin niya sa atin: Kung gayon bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?
26 Ngunit kung sabihin nating mula sa mga tao, dapat tayong matakot sa mga tao sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta.
27 Sinagot nila si Jesus: Hindi namin alam.
Sinabi niya sa kanila:Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ko ginagawa ang mga bagay na ito.
Ang Talinghaga Patungkol sa Dalawang Anak
28 Ngunit ano sa palagay ninyo? May isang tao na may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa una at sinabi: Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at gumawa ka roon.
29 Sumagot siya: Ayaw ko. Ngunit nagsisi siya at pumunta rin pagkatapos.
30 Lumapit siya sa pangalawang anak at gayundin ang sinabi. Sumagot siya: Pupunta ako. Ngunit hindi siya pumunta.
31 Sino sa kanilang dalawa ang gumanap ng kalooban ng ama?
Sinabi nila sa kaniya: Ang una.
Sinabi ni Jesus sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang mga maniningil ng buwis at mga patutot ay mauuna sa inyo sa pagpasok sa paghahari ng Diyos.
32 Ito ay sapagkat dumating sa inyo si Juan sa daan ng katuwiran at hindi ninyo siya pinaniwalaan. Ngunit pinaniwalaan siya ng mga maniningil ng buwis at ng mga patutot. Samantalang kayo, nakita ninyo ito ngunit hindi pa rin kayo nagsisi at naniwala sa kaniya.
Ang Talinghaga Patungkol sa mga Magsasaka
33 Narito ang isa pang talinghaga. May isang may-ari ng sambahayan na nagtanim ng ubasan. Binakuran niya ang palibot nito. Humukay siya roon ng isang pisaang-ubas at nagtayo ng isang mataas na bahay bantayan. Pagkatapos, ipinaupahan niya iyon sa mga magsasaka at pumunta sa malayong lupain.
34 Nang dumating na ang panahon ng pag-aani, sinugo niya ang kaniyang mga alipin sa mga magsasaka upang kunin ang kaniyang bahaging ani.
35 Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang kaniyang mga alipin. Hinagupit ang isa, pinatay ang iba pa at ang isa ay binato. 36 Muli siyang nagsugo ng mga alipin na higit na marami kaysa sa mga nauna. Gayundin ang ginawa sa kanila ng mga magsasaka. 37 Sa huli, ang kaniyang anak na lalaki ang kaniyang sinugo sa kanila na sinasabi: Igagalang nila ang aking anak.
38 Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang kaniyang anak, sinabi nila sa isa’t isa: Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya at kunin natin ang kaniyang mamanahin. 39 Sinunggaban nila siya. Itinapon nila siya sa labas ng ubasan at pinatay.
40 Sa pagbabalik nga ng panginoon ng ubasan, ano ang kaniyang gagawin sa mga magasasakang iyon?
41 Sinabi nila sa kaniya: Walang awa niyang pupuksain ang lahat ng mga tampalasang iyon. Ang ubasan naman ay ipauupahan niya sa ibang magsasaka na magbibigay sa kaniya ng mga bahaging ani pagdating ng panahon.
42 Sinabi ni Jesus sa kanila: Hindi ba ninyo kailanman nabasa sa kasulatan:
Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ay siya ring naging batong panulok. Ginawa ito ng Panginoon at kahanga-hanga sa ating mga paningin.
43 Kaya nga, sinasabi ko sa inyo: Ang paghahari ng Diyos ay aalisin sa inyo at ibibigay sa bansang nagbubunga nang nararapat sa paghahari dito. 44 Ang sinumang bumagsak sa ibabaw ng batong ito ay magkakapira-piraso at ang sinumang mabagsakan nito ay madudurog.
45 Nang marinig ng mga pinunong-saserdote at ng mga Fariseo ang talinghagang ito, naunawaan nila na sila ang tinutukoy niya. 46 Huhulihin sana nila siya ngunit natakot sila sa napakaraming tao sapagkat kinikilala nila siya na isang propeta.
Ang Talinghaga Patungkol sa Malaking Piging
22 Muling sumagot si Jesus sa pamamagitan ng mga talinghaga.
2 Sinabi niya: Ang paghahari ng langit ay katulad sa isang hari na nagbigay ng isang piging para sa kasal ng kaniyang anak na lalaki. 3 Isinugo niya ang kaniyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa piging ngunit ayaw nilang dumalo.
4 Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin na sinasabi:Sabihin ninyo sa mga inanyayahan: Narito, naghanda ako ng hapunan. Kinatay na ang aking mga baka at ang lahat ng mga bagay ay nakahanda na. Halina kayo sa piging.
5 Ngunit hindi nila ito binigyang pansin at sila ay umalis. Ang isa ay pumunta sa kaniyang bukid, at ang isa ay sa kaniyang kalakal. 6 Ang iba ay sinunggaban ang kaniyang mga alipin, kanilang nilait ang mga ito at pinatay. 7 Nang marinig ito ng hari, siya ay nagalit. Sinugo niya ang kaniyang hukbo at pinuksa ang mga mamamatay taong iyon. Sinunog niya ang kanilang lungsod.
8 Pagkatapos, sinabi niya sa kaniyang mga alipin: Nakahanda na ang piging ngunit ang mga inanyayahan ay hindi karapat-dapat. 9 Pumunta nga kayo sa mga lansangan at sinuman ang inyong matagpuan ay anyayahan ninyo sa piging. 10 Lumabas nga ang mga alipin sa mga lansangan at dinala ang lahat ng kanilang mga natagpuan. Dinala nila kapwa ang masama at mabuti. Ang piging ay napuno ng mga panauhin.
11 Ngunit nang pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, may nakita siya roong isang lalaking hindi nakasuot ng damit na pampiging. 12 Sinabi niya sa kaniya: Kaibigan, papaano ka nakapasok dito nang hindi nakasuot ng damit na pampiging?Ngunit wala siyang masabi.
13 Sinabi ng hari sa mga tagapaglingkod: Igapos ninyo ang kaniyang mga paa at mga kamay. Dalhin ninyo siya at itapon sa kadiliman sa labas.Doon ay magkakaroon ng pananangis at pagngangalit ng mga ngipin.
14 Ito ay sapagkat marami ang tinawag ngunit kakaunti ang pinili.
Ang Pagbabayad ng Buwis-pandayuhan kay Cesar
15 Umalis ang mga Fariseo at nagplano sila kung paano mahuhuli si Jesus sa kaniyang pananalita.
16 Sinugo nila kay Jesus ang kanilang mga alagad kasama ang mga tauhan ni Herodes. Sinabi nila: Guro, alam naming ikaw ay totoo at itinuturo mo ang daan ng Diyos ayon sa katotohanan. Hindi ka nagtatangi sa kaninuman sapagkat hindi ka tumitingin sa panlabas na anyo ng tao. 17 Sabihin mo nga sa amin: Ano ang iyong palagay? Naaayon ba sa kautusan na magbigay kay Cesar ng buwis-pandayuhan o hindi?
18 Ngunit alam ni Jesus ang kanilang kasamaan. Kaniyang sinabi: Bakit ninyo ako sinusubukan, kayong mga mapagpakunwari? 19 Ipakita ninyo sa akin ang perang ginagamit na buwis-pandayuhan. Dinala nila sa kaniya ang isang denaryo. 20 Sinabi niya sa kanila: Kaninong anyo ang narito at patungkol kanino ang nakasulat dito?
21 Sinabi nila sa kaniya: Kay Cesar.
Sinabi niya sa kanila:Ibigay nga ninyo kay Cesar ang mga bagay na nauukol kay Cesar. Ibigay ninyo sa Diyos ang mga bagay na nauukol sa Diyos.
22 Sila ay namangha nang marinig nila ito. Iniwan nila si Jesus at sila ay umalis.
Ang Muling Pagkabuhay at ang Pag-aasawa
23 Nang araw na iyon, pumunta sa kaniya ang mga Saduseo na nagsasabing walang pagkabuhay na mag-uli. Tinanong nila siya.
24 Kanilang sinabi: Guro, sinabi ni Moises: Kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak, pakakasalan ng kaniyang nakakabatang kapatid na lalaki ang asawang babae. Ito ay upang siya ay magka-anak para sa kaniyang kapatid na lalaki. 25 Ngayon, sa amin ay mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Ang una ay namatay na may asawa at walang anak. Naiwan niya ang asawang babae sa kaniyang nakakabatang kapatid na lalaki. 26 Ganoon din ang nangyari sa pangalawa, at sa pangatlo hanggang sa pangpito. 27 Sa kahuli-hulihan ay namatay rin ang babae. 28 Kaya nga, sa muling pagkabuhay, kanino siya magiging asawa sa pitong magkakapatid na lalaki? Ito ay sapagkat naging asawa siya ng lahat.
29 Sumagot si Jesus sa kanila: Kayo ay naliligaw at hindi ninyo nalalaman ang kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos. 30 Ito ay sapagkat sa muling pagkabuhay, wala nang mag-aasawa ni ibibigay sa pag-aasawa. Sila ay katulad ng mga anghel ng Diyos sa langit. 31 Patungkol sa pagkabuhay sa mga patay, hindi ba ninyo nabasa yaong sinabi sa inyo ng Diyos? 32 Sinasabi: Ako ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob. Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay.
33 Nang marinig ito ng napakaraming tao, sila ay nanggilalas sa kaniyang turo.
Ang Pinakamahalagang Utos
34 Ngunit nang marinig ng mga Fariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Saduseo, sila ay nagtipun-tipon.
35 Ang isa sa kanila na dalubhasa sa kutusan ay nagtanong kay Jesus, na sinusubukan siya. 36 Sinabi niya: Guro, alin ang pinakadakilang utos sa Kautusan?
37 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo. 38 Ito ang una at dakilang utos. 39 Ang pangalawa ay katulad din nito: Ibigin mo ang iyongkapwa tulad ng iyong sarili. 40 Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang lahat ng bagay na nasa mga Kautusan at sa mga Propeta.
Kaninong Anak ang Mesiyas
41 Tinanong ni Jesus ang mga Fariseo habang sila ay nagkakatipun-tipon.
42 Kaniyang sinabi: Ano ang inyong palagay patungkol sa Cristo? Kanino siyang anak?
Sinabi nila sa kaniya:Kay David.
43 Sinabi niya sa kanila: Bakit nga tinawag siya ni David sa Espiritu na Panginoon? 44 Sinasabi:
Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon: Maupo ka sa gawing kanan ko hanggangsa mailagay ko ang iyong mga kaaway na tungtungan ng iyong mga paa.
45 Yamang tinawag nga siya ni David na Panginoon, paano siya naging anak nito? 46 Walang isa mang makasagot sa kaniya. At mula sa araw na iyon, ni isa ay wala nang naglakas-loob na tanungin siya.
Mag-ingat sa mga Mapagpaimbabaw
23 Pagkatapos, si Jesus ay nagsalita sa napakaraming tao at sa kaniyang mga alagad.
2 Kaniyang sinabi: Ang mga guro ng kautusan at ang mga Fariseo ay umupo sa upuan ni Moises. 3 Lahat nga ng kanilang sabihin sa inyo upang sundin ay inyong sundin at gawin. Ngunit huwag ninyong gawin ang kanilang mga ginagawa sapagkat sila ay nagsasalita ngunit hindi gumagawa. 4 Ito ay sapagkat sila ay nagtatali ng mga mabibigat na pasanin na mahirap dalhin at inilalagay sa mga balikat ng mga tao. Ngunit ayaw man lamang nila itong maigalaw ng kanilang mga daliri.
5 Lahat ng kanilang mga gawa ay kanilang ginagawa upang makita ng mga tao. Iyan ang dahilan na pinalalapad nila ang kanilang mga pilakterya[a] at pinalalaki ang mga laylayan ng kanilang mga damit. 6 Inibig nila ang pangunahing dako sa mga hapunan at ang mga pangunahing upuan sa mga sinagoga. 7 Inibig din nila ang mga pagpupugay sa mga pamilihang dako at sila ay tawagin: Guro! Guro!
8 Huwag kayong patawag sa mga tao na guro sapagkat iisa ang inyong pinuno, si Cristo, at kayong lahat ay magkakapatid. 9 Huwag ninyong tawaging ama ang sinuman dito sa lupa sapagkat iisa ang inyong Ama na nasa langit. 10 Huwag kayong patawag na mga pinuno sapagkat iisa ang inyong pinuno, si Cristo. 11 Ngunit ang higit na dakila sa inyo ay magiging tagapaglingkod ninyo. 12 Ang sinumang magtataas ng kaniyang sarili ay ibababa at ang sinumang magpapakumbaba sa kaniyang sarili ay itataas.
13 Ngunit sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat isinasara ninyo ang paghahari ng langit sa harap ng mga tao. Hindi kayo pumapasok at ang mga pumapasok ay inyong hinahadlangan. 14 Sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat nilalamon ninyo ang mga bahay ng mga babaeng balo. At sa pagkukunwari ay nananalangin nang mahaba. Dahil dito, kayo ay tatanggap ng higit na mabigat na kahatulan.
15 Sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat nililibot ninyo ang mga dagat at ang mga lupain upang sila ay maging Judio. Kapag siya ay naging Judio na, ginagawa ninyo siyang taong patungo sa impiyerno nang makalawang ulit kaysa sa inyo.
16 Sa aba ninyo, mga bulag na tagapag-akay! Sinasabi ninyo: Kung sinumang sumumpa sa pamamagitan ng banal na dako, ito ay walang halaga. Ngunit ang sinumang sumumpa sa pamamagitan ng ginto sa banal na dako, siya ay may pananagutan. 17 Mga mangmang at bulag! Alin ang higit na dakila, ang ginto o ang banal na dako na nagpabanal sa ginto? 18 Sinasabi rin ninyo: Ang sinumang sumumpa sa pamamagitan ng dambana, ito ay walang halaga. Ngunit ang sinumang sumumpa sa pamamagitan ng kaloob na nasa dambana ay may pananagutan. 19 Mga mangmang at bulag! Alin ang higit na dakila, ang handog o ang dambana na nagpapabanal sa handog? 20 Siya na sumusumpa sa pamamagitan ng dambana ay sumusumpa sa pamamagitan nito at sa lahat ng mga bagay na naririto. 21 Siya na sumusumpa sa pamamagitan ng banal na dako ay sumusumpa sa pamamagitan nito at sa pamamagitan niya na naninirahan dito. 22 Siya na sumusumpa sa pamamagitan ng langit ay sumusumpa sa pamamagitan ng trono ng Diyos at sa kaniya na nakaupo rito.
23 Sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat nagbabayad kayo ng ikasampung bahagi ng yerbabuena, anis at komino ngunit pinababayaan ninyo ang higit na mahalaga sa kautusan. Ito ay ang mga paghukom, habag at katapatan. Ang mga ito ang dapat ninyong gawin at huwag kaligtaan ang iba. 24 Mga bulag na tagapag-akay! Sinasala ninyo ang lamok ngunit nilulunok ninyo ang kamelyo.
25 Sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat nililinis ninyo ang labas ng saro at ng pinggan ngunit sa loob nito ay puno ng kasakiman at kawalan ng pagpipigil sa sarili. 26 Kayong mga bulag na Fariseo! Linisin muna ninyo ang loob ng saro at ng pinggan upang maging malinis ang labas ng mga ito.
27 Sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat kayo ay katulad ng mga pinaputing nitso. Ito ay maganda sa labas ngunit sa loobay puno ng buto ng mga patay at lahat ng karumihan. 28 Gayundin nga kayo, sa panlabas ay matuwid kayo sa harap ng mga tao ngunit sa loob ay puno kayo ng pagpapaimbabaw at hindi pagkilala sa kautusan ng Diyos.
29 Sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat itinayo ninyo ang mga nitso ng mga propeta at ginayakan ang mga puntod ng mga matuwid. 30 Inyong sinasabi: Kung kami ay nabubuhay noong panahon ng ating mga ama, hindi kami makikisali sa kanila sa pagbuhos ng dugo ng mga propeta. 31 Kayo ang nagpapatotoo sa inyong mga sarili na kayo ay mga anak ng mga pumatay sa mga propeta. 32 Punuin na ninyo ang sukat ng inyong mga ama.
33 Mga ahas, mga anak ng ulupong! Papaano kayo makakaligtas mula sa hatol ng impiyerno? 34 Dahil dito, narito, magsusugo ako sa inyo ng mga propeta, mga pantas na lalaki at mga guro ng kautusan. Ang ilan sa kanila ay inyong papatayin at ipapako sa krus. Ang ilan sa kanila ay inyong hahagupitin sa inyong mga sinagoga at uusigin sa bawat lungsod. 35 Ito ay upang dumating sa inyo ang dugo ng lahat ng mga matuwid na nabuhos sa lupa. Ito ay mula pa sa dugo ni Abel, angmatuwid, hanggang sa dugo ni Zacarias na anak ni Baraquias. Si Zacarias ang inyong pinatay sa pagitan ng templo at ng altar. 36 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang lahat ng mga bagay na ito ay darating sa lahing ito.
37 Jerusalem! Jerusalem! Ikaw na pumapatay sa mga propeta at bumabato sa mga sinugo sa iyo. Gaano kadalas kong ninais na tipunin ang iyong mga anak katulad ng pagtipon ng inahing manok sa kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang pakpak, ngunit ayaw ninyo? 38 Narito, ang iyong bahay ay iniwanang wasak. 39 Ito ay sapagkat sinasabi ko sa iyo: Hindi mo na ako makikita mula ngayon, hanggang sabihin mo: Pinagpala siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon.
Mga Tanda ng Huling Kapanahunan
24 Si Jesus ay lumabas at umalis mula sa templo. Lumapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad upang ituro sa kaniya ang mga gusali ng templo.
2 Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila: Nakikita ba ninyo ang lahat ng mga ito? Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Walang maiiwanang isang bato dito na nakapatong sa kapwa bato na hindi babagsak.
3 Habang siya ay nakaupo sa bundok ng mga Olibo, ang kaniyang mga alagad ay lumapit sa kaniya nang bukod. Sinabi nila: Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? Ano ang tanda ng iyong pagdating at ang mga tanda ng katapusan ng kapanahunang ito?
4 Sumagot si Jesus sa kanila: Mag-ingat kayo, na hindi kayo mailigaw ng sinuman. 5 Ito ay sapagkat maraming darating sa aking pangalan. Sasabihin nila: Ako ang Mesiyas. At marami silang ililigaw. 6 Maririnig na ninyo ang mga digmaan at mga bali-balita ng mga digmaan. Ngunit huwag kayong mabalisa sapagkat ang mga bagay na ito ay kinakailangang mangyari, ngunit hindi pa ito ang wakas. 7 Ito ay sapagkat babangon ang isang bansa laban sa isang bansa at babangon ang isang paghahari laban sa isang paghahari. Magkakaroon ng mga taggutom, at mga salot at mga lindol sa iba’t ibang dako. 8 Ang lahat ng mga ito ay pasimula ng sakit na nararamdaman ng isang babaeng manganganak.
9 Pagkatapos ay ibibigay nila kayo sa paghihirap at papatayin nila kayo. Kapopootan kayo ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan. 10 Marami ang matitisod at magkakanulo sa isa’t isa at mapopoot sa isa’t isa. 11 Maraming lilitaw na mga bulaang propeta at ililigaw ang marami. 12 Dahil sa paglaganap ng hindi pagkilala sa kautusan ng Diyos, ang pag-ibig ng marami ay manlalamig. 13 Ngunit siya na makapagtitiis hanggang wakas ay maliligtas. 14 Ang ebanghelyo ng paghahari ng Diyos ay ipapangaral muna sa buong daigdig upang maging patotoo sa lahat ng mga bansa. Pagkatapos ay darating na ang wakas.
15 Makikita nga ninyo ang kasuklam-suklam na paninira na sinabi ni Daniel, ang propeta na nakatayo sa banal na dako. Siya na bumabasa, unawain niya. 16 Kapag mangyari ang mga bagay na ito, sila na nasa Judea ay tatakas sa mga bundok. 17 Siya na nasa bubungan ay huwag nang bababa upang kumuha ng anuman sa kaniyang bahay. 18 Siya na nasa bukid ay huwag nang babalik upang kumuha ng kaniyang mga damit. 19 Ngunit sa aba ng mga nagdadalang-tao at doon sa mga nagpapasuso sa mga araw na iyon. 20 Manalangin kayo na ang inyong pagtakas ay huwag mangyari sa taglamig o sa araw ng Sabat. 21 Ito ay sapagkat magkakaroon ng malaking kahirapan na hindi pa nangyayari mula pa ng simula ng sanlibutan hanggang sa ngayon. At wala ng mangyayaring katulad nito kailanman. 22 Malibang bawasan ang mga araw na iyon, walang taong maliligtas. Ngunit alang-alang sa mga hinirang, babawasan ang mga araw na iyon.
Ang Pagdating ng Anak ng Tao
23 Kung ang sinuman ay magsabi sa iyo: Narito, tingnan mo ang Mesiyas, o naroon, huwag mo siyang paniwalaan.
24 Ito ay sapagkat may lilitaw na mga bulaang Mesiyasat mga bulaang propeta. Magpapakita sila ng mga dakilang tanda at mga kamangha-manghang gawa upang iligaw, kung maaari, kahit ang mga hinirang. 25 Narito, ipinagpauna ko na itong sabihin sa inyo.
26 Kung sasabihin nga nila sa inyo: Narito, siya ay nasa ilang, huwag kayong pupunta. Kung sasabihin nila: Siya ay nasa silid, huwag ninyo itong paniwalaan. 27 Ito ay sapagkat kung papaanong ang kidlat ay nagmumula sa silangan at nakikita hanggang sa kanluran, gayundin ang pagdating ng Anak ng Tao. 28 Ito ay sapagkat kung nasaan ang bangkay, doon nagtitipon ang mga buwitre.
29 Pagkatapos ng mga paghihirap sa mga araw na iyon,
kaagad ang araw ay magdidilim. Ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at ang mga bituin ay babagsak mula sa langit. Ang mga kapangyarihan ng mga langit ay mayayanig.
30 Pagkatapos ay makikita ang mga tanda ng Anak ng Tao sa langit. Pagkatapos ay mananaghoy ang lahat ng mga lipi ng lupa. Makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa mga ulap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. 31 Susuguin niya ang kaniyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta. Kanilang titipunin ang kaniyang mga hinirang mula sa apat na mga hangin, mula sa mga hangganan ng mga langit hanggang sa mga kabilang hangganan.
32 Ngunit alamin ninyo ang talinghaga mula sa puno ng igos. Kapag ang sanga nito ay nanariwa na, at lumabas na ang mga dahon, alam ninyo na malapit na ang tag-init. 33 Gayon nga rin kayo. Kapag nakita na ninyo ang mga bagay na ito, alam ninyo na ito ay malapit na, nasa pintuan na. 34 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Kailanman ay hindi lilipas ang lahing ito hanggang mangyari ang mga bagay na ito. 35 Ang langit at ang lupa ay lilipas ngunit kailanman ay hindi lilipas ang aking mga salita.
Walang Nakaaalam sa Araw at Oras
36 Patungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam kahit ang mga anghel kundi tanging ang aking Ama lamang.
37 Ngunit katulad sa mga araw ni Noe, gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao. 38 Ito ay sapagkat katulad ng mga araw bago ang baha, sila ay kumakain at umiinom. Sila ay nag-aasawa at ipinakikipagkasundo sa pag-aasawa hanggang sa araw na pumasok si Noe sa loob ng daong. 39 Hindi nila ito nalaman hanggang sa dumating ang baha at kinuha silang lahat. Gayon nga ang pagdating ng Anak ng Tao. 40 Sa araw na iyon, dalawa ang nasa bukid. Ang isa ay kukunin at ang isa ay iiwan. 41 Dalawang babae ang naggigiling sa gilingan. Ang isa ay kukunin at ang isa ay iiwan.
42 Kaya nga, dapat kayong magbantay sapagkat hindi ninyo alam kung anong oras darating ang inyong Panginoon. 43 Ngunit alamin ninyo ito: Kung alam ng may-ari ng sambahayan ang oras ng pagdating ng magnanakaw, siya ay magbabantay. Hindi niya pababayaang mawasak ang kaniyang bahay. 44 Kaya nga, kayo rin ay maging handa sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaakala.
45 Sino nga ang tapat at matalinong alipin na pinagkatiwalaan ng kaniyang panginoon at ipinagkatiwala ang kaniyang sambahayan upang magbigay sa kanila ng pagkain sa takdang panahon? 46 Pinagpala ang aliping iyon na pagdating ng kaniyang panginoon ay masumpungan siyang gumagawa ng gayon. 47 Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ipagkakatiwala sa kaniya ang lahat ng ari-arian ng kaniyang panginoon. 48 Ngunit kapag ang masamang aliping iyon ay magsabi sa kaniyang puso: Maantala ang pagdating ng aking panginoon. 49 Sisimulan niyang hampasin ang kaniyang mga kapwa alipin. Siya ay kakain at iinom kasama ng mga manginginom. 50 Ang panginoon ng aliping iyon ay darating sa araw na hindi niya inaasahan. Siya ay darating sa oras na hindi niya alam. 51 Puputulin siya sa dalawa at ang kaniyang bahagi ay ilalagay kasama ng mga mapagpaimbabaw. Doon ay magkakaroon ng pananangis at pagngangalit ng mga ngipin.
Ang Talinghaga Patungkol sa Sampung Dalaga
25 Ang paghahari ng mga langit ay katulad sa sampung dalagang birhen. Pagkakuha nila ng kanilang mga ilawan, sila ay lumabas upang salubungin ang lalaking ikakasal.
2 Ang lima sa kanila ay matalino at ang lima ay mangmang. 3 Ito ay sapagkat sila na mga mangmang, pagkakuha ng kanilang mga ilawan, ay hindi nagdala ng langis. 4 Ang mga matalino ay nagdala ng langis sa kanilang lalagyan kasama ng kanilang mga ilawan. 5 Ngunit natagalan ang lalaking ikakasal. Silang lahat ay inantok at nakatulog.
6 Ngunit mayroong sumigaw sa kalagitnaan na ng gabi. Kaniyang sinabi: Narito, dumarating na ang lalaking ikakasal! Lumabas kayo at salubungin siya.
7 Bumangon ang lahat ng mga dalagang birhen at inihanda ang kanilang mga ilawan. 8 Sinabi ng mga mangmang na mga birhen sa mga matalino: Bigyan ninyo kami ng mga langis sapagkat mamamatay na ang aming ilawan.
9 Sumagot ang matatalinong birhen: Hindi maaari. Baka hindi ito maging sapat para sa inyo at sa amin. Pumunta na lang kayo roon sa mga nagtitinda at bumili kayo para sa inyong sarili.
10 Ngunit nang sila ay umalis upang bumili, ang lalaking ikakasal ay dumating. Silang mga nakahanda ay pumasok na kasama ang lalaking ikakasal sa piging ng kasalan at ang pinto ay isinara.
11 Maya-maya ay dumating ang ibang mga dalagang birhen. Sinabi nila: Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami.
12 Ngunit sumagot siya: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Hindi ko kayo nakikilala.
13 Magbantay nga kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras ng pagdating ng Anak ng Tao.
Ang Talinghaga Patungkol sa Talento
14 Ito ay katulad din sa isang lalaking papaalis ng bansa. Tinawag niya ang kaniyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kaniyang mga ari-arian.
15 Ibinigay niya sa isang alipin ang limang talento, sa isa pang alipin ay dalawang talento at sa isa pang alipin ay isang talento. Binigyan niya ang bawat isa ayon sa kani-kaniyang kakayanan. Siya ay umalis agad ng bansa. 16 Siya na nakatanggap ng limang talento ay nangalakal at tumubo ng lima pang talento. 17 Gayundin ang nakatanggap ng dalawang talento, siya ay tumubo ng dalawa pa. 18 Ngunit siya na nakatanggap ng isang talento ay umalis. Siya ay naghukay sa lupa at itinago ang salapi ng kaniyang panginoon.
19 Pagkatapos ng mahabang panahon, dumating ang Panginoon ng mga aliping iyon at sila ay nagbigay-sulit sa kaniya. 20 Dumating ang nakatanggap ng limang talento at nagdala siya ng lima pang talento. Sinabi niya: Panginoon, ipinagkatiwala mo sa akin ang limang talento. Narito, bukod dito ay tumubo pa ako ng lima.
21 Sinabi ng kaniyang panginoon sa kaniya: Magaling ang iyong ginawa. Ikaw ay mabuti at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kakaunting bagay. Pamamahalain kita sa maraming mga bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.
22 Dumating din ang nakatanggap ng dalawang talento. Sinabi niya: Ipinagkatiwala mo sa akin ang dalawang talento. Tingnan mo, bukod dito ay tumubo pa ako ng dalawa.
23 Sinabi ng kaniyang panginoon sa kaniya: Magaling ang iyong ginawa. Ikaw ay mabuti at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kakaunting bagay. Pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.
24 Dumating din ang nakatanggap ng isang talento. Sinabi niya: Panginoon, kilala kita na ikaw ay isang malupit na tao. Umaani ka sa hindi mo inihasik at nagtitipon sa hindi mo ikinalat. 25 Dahil sa takot, ako ay umalis at itinago ang iyong talento sa lupa. Narito ang para sa iyo.
26 Sumagot ang kaniyang panginoon: Ikaw ay masama at tamad na alipin! Nalalaman mo na ako ay umaani sa hindi ko inihasik at nagtitipon sa hindi ko ikinalat. 27 Nararapat sana na inilagay mo ang aking salapi sa mga mamamalit ng salapi.At sa aking pagdating ay tatanggapin ko ang aking salapi na may tubo.
28 Kunin nga sa kaniya ang talento at ibigay sa kaniya na may sampung talento. 29 Ito ay sapagkat ang bawat mayroon ay bibigyan at siya ay tatanggap ng sagana.Ngunit sa kaniya na wala, maging ang nasa kaniya ay kukunin sa kaniya. 30 Ang walang silbing alipin ay itatapon sa kadiliman sa labas. Doon ay may pananangis at pagngangalit ng mga ngipin.
Ang mga Tupa at ang mga Kambing
31 Darating ang Anak ng Tao sa kaniyang kaluwalhatian kasama ng mga banal na anghel. Kapag siya ay dumating, siya ay uupo sa trono ng kaniyang kaluwalhatian.
32 Titipunin niya ang lahat ng mga bansa sa kaniyang harapan. Ihihiwalay niya sila sa isa’t isa katulad ng paghihiwalay ng pastol sa mga tupa mula sa mga kambing. 33 Itatalaga niya ang mga tupa sa kaniyang kanang kamay, ngunit ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa.
34 Pagkatapos ay sasabihin ng hari sa mga nasa kaniyang kanang kamay: Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama. Manahin ninyo ang paghaharing inihanda sa inyo mula pa nang itatag ang sanlibutan. 35 Ito ay sapagkat nagutom ako at binigyan ninyo ako ng makakain. Nauhaw ako at binigyan ninyo ako ng maiiinom. Ako ay naging taga-ibang bayan at ako ay inyong pinatuloy. 36 Ako ay naging hubad at dinamitan ninyo. Nagkasakit ako at ako ay inyong dinalaw. Nabilanggo ako at ako ay inyong pinuntahan.
37 Sasagot naman ang mga matuwid sa kaniya: Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom at pinakain ka namin o nauhaw at binigyan ng maiinom? 38 Kailan ka namin nakitang naging taga-ibang bayan at pinatuloy ka o naging hubad at dinamitan ka namin? 39 Kailan ka namin nakitang nagkasakit o nabilanggo at dumalaw kami sa iyo?
40 Sasagot ang hari sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Anuman ang ginawa ninyo sa isa sa pinakamaliit na kapatid ko, ginawa ninyo ito sa akin.
41 Sasabihin din niya roon sa mga nasa kaliwa: Lumayo kayo sa akin, mga isinumpa. Doon kayo sa apoy na walang hanggan na inihanda para sa diyablo at sa kaniyang mga anghel. 42 Ito ay sapagkat nagutom ako ngunit hindi ninyo ako binigyan ng makakain. Nauhaw ako ngunit hindi ninyo ako binigyan ng maiinom. 43 Ako ay naging taga-ibang bayan ngunit hindi ninyo ako pinatuloy. Ako ay naging hubad ngunit hindi ninyo ako dinamitan. Nagkasakit ako at nabilanggo ngunit hindi ninyo ako dinalaw.
44 Sasagot din sila sa kaniya: Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, o nauhaw, o naging taga-ibang bayan, o naging hubad o nabilanggo at hindi kami naglingkod sa iyo?
45 Siya ay sasagot sa kanila na sinasabi: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Anuman ang hindi ninyo ginawa para sa isa sa mga pinakamaliit na ito, hindi rin ninyo ito ginawa sa akin.
46 Ang mga ito ay pupunta sa kaparusahang walang hanggan. Ngunit ang mga matuwid ay sa buhay na walang hanggan.
Footnotes
- Mateo 23:5 Isang maliit na bagay na isinusuot ng mga Fariseo sa kanilang pagsamba lalo na kung sila ay nananalangin.
Copyright © 1998 by Bibles International