Mateo 17
Ang Salita ng Diyos
Ang Pagbabagong Anyo
17 Pagkaraan ang anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro at Santiago, at si Juan na kaniyang kapatid.Dinala niya silang bukod sa isang mataas na bundok.
2 Nagbagong-anyo siya sa harap nila.Nagliwanag ang kaniyang mukha na parang araw. Pumuti ang kaniyang mga damit na gaya ng busilak ng liwanag. 3 Narito, biglang nagpakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap sa kaniya.
4 Sinabi ni Pedro kay Jesus: Panginoon, mabuti para sa amin na kami ay naririto. Kung ibig mo, gagawa kami rito ng tatlong kubol. Isa ang para sa iyo, isa kay Moises at isa kay Elias.
5 Habang nagsasalita pa siya, narito, nililiman sila ng isang maningning na ulap. Narito, may isang tinig na buhat sa ulap na nagsasabi: Ito ang pinakamamahal kong Anak na labis kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya.
6 Nang marinig ito ng mga alagad, napasubsob sila sa lupa at sila ay lubhang natakot. 7 Lumapit si Jesus at hinipo niya sila. Sinabi niya: Tumayo kayo at huwag kayong matakot. 8 Nang tumingin sila sa paligid, wala silang ibang nakita kundi si Jesus lamang.
9 Habang bumababa sila sa bundok, iniutos sa kanila ni Jesus na sinabi: Huwag ninyong sabihin kaninuman ang pangitaing ito hanggang sa muling mabuhay mula sa mga patay ang Anak ng Tao.
10 Tinanong siya ng kaniyang mga alagad na sinasabi: Bakit sinasabi ng mga guro ng kautusan na dapat munang dumating si Elias?
11 Sumagot si Jesus: Darating muna si Elias upang ipanumbalik ang lahat ng bagay. 12 Ngunit sinasabi ko sa inyo: Dumating na si Elias at hindi nila siya nakilala. Ginawa nila sa kaniya ang anumang kanilang naibigan. Gayundin naman ang Anak ng Tao ay pahihirapan na nila. 13 Nang magkagayon, naunawaan ng mga alagad na si Juan na tagapagbawtismo ang tinutukoy niya.
Pinagaling ni Jesus ang Batang Inaalihan ng Karumal-dumal na Espiritu
14 Pagdating nila sa napakaraming tao, nilapitan siya ng isang lalaki na nanikluhod sa kaniya na sinasabi:
15 Panginoon, mahabag ka sa aking anak na lalaki sapagkat siya ay may epilepsiya at lubha nang nahihirapan. Madalas siyang nabubuwal sa apoy at sa tubig. 16 Dinala ko siya sa iyong mga alagad at hindi nila siya napagaling.
17 Kaya tumugon si Jesus: O, lahing walang pananampalataya at lahing nagpakalihis, hanggang kailan ako mananatiling kasama ninyo at magtitiis sa inyo? Dalhin siya rito sa akin. 18 Sinaway ni Jesus ang demonyo at lumabas ito mula sa kaniya. Gumaling ang bata sa oras ding iyon.
19 Pagkatapos, lumapit nang bukod ang mga alagad kay Jesus at nagtanong: Bakit hindi namin siya mapalayas?
20 Sinabi ni Jesus sa kanila: Ito ay dahil sa hindi ninyo pananampalataya. Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Kung kayo ay may pananampalatayang tulad ng butil ng mustasa, masasabi ninyo sa bundok na ito:Lumipat ka roon, at ito ay lilipat. At walang bagay na hindi ninyo mapangyayari. 21 Ngunit ang ganitong uri ay hindi mapapaalis maliban sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno.
22 Samantalang nagkakatipon sila sa Galilea, sinabi ni Jesus sa kanila: Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo na sa mga kamay ng mga tao. 23 Papatayin nila siya at sa ikatlong araw ay muling bubuhayin. Sila ay lubhang namighati.
Ang Buwis sa Templo
24 Nang sila ay dumating sa Capernaum, ang mga maniningil ng buwis ng templo ay lumapit kay Pedro. Sinabi nila: Hindi ba nagbabayad ng buwis ang inyong guro?
25 Sinabi niya: Oo.
Nang makapasok na siya sa bahay, kinausap muna siya ni Jesus na sinasabi: Simon, ano ba ang palagay mo?Kanino naniningil ng bayarin at buwis pangdayuhan ang mga hari sa daigdig? Naniningil ba sila sa kanilang mga anak o sa mga dayuhan?
26 Sinabi ni Pedro sa kaniya: Sa mga dayuhan.
Sinabi ni Jesus sa kaniya: Kung gayon, di saklaw ang mga anak.
27 Gayunman, upang hindi nila tayo katisuran, pumaroon ka sa lawa at ihulog mo ang kawil. Kunin mo ang unang isda na iyong mahuhuli. Kapag ibinuka mo ang kaniyang bibig ay makakakita ka ng isang salaping pilak. Kunin mo at ibayad mo na buwis mo at buwis ko para sa kanila.
Copyright © 1998 by Bibles International