Mateo 11
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Si Jesus at si Juan na Tagapagbautismo(A)
11 Matapos turuan ni Jesus ang kanyang 12 tagasunod, umalis siya sa lugar na iyon upang magturo at mangaral sa mga karatig lugar.
2 Nang nasa bilangguan si Juan na tagapagbautismo, narinig niya ang mga ginagawa ni Jesus, kaya inutusan niya ang kanyang mga tagasunod 3 upang tanungin si Jesus, “Kayo na po ba ang inaasahan naming darating o maghihintay pa kami ng iba?” 4 Sumagot si Jesus sa kanila, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin sa kanya ang narinig at nakita ninyo: 5 Nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga lumpo, gumagaling ang mga may malubhang sakit sa balat, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. 6 Mapalad ang taong hindi nagdududa[a] sa akin.”
7 Pagkaalis ng mga tagasunod ni Juan, nagtanong si Jesus sa mga tao, “Noong pumunta kayo kay Juan sa ilang, ano ang inaasahan ninyong makita? Isa bang taong tulad ng talahib na humahapay sa ihip ng hangin? 8 Pumunta ba kayo roon para makita ang isang taong magara ang pananamit? Ang mga taong magara ang pananamit ay sa palasyo ninyo makikita. 9 Pumunta kayo roon para makita ang isang propeta, hindi ba? Totoo, isa nga siyang propeta. At sinasabi ko sa inyo, higit pa siya sa isang propeta. 10 Siya ang binabanggit ng Dios sa Kasulatan, ‘Ipapadala ko ang aking mensahero. Mauuna siya sa iyo upang ihanda ang dadaanan mo.’[b] 11 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang taong isinilang na mas dakila pa kay Juan. Ngunit mas dakila kaysa sa kanya ang pinakahamak sa mga taong kabilang sa kaharian ng Dios. 12 Mula nang mangaral si Juan hanggang ngayon, nagpupumilit ang mga tao na mapabilang sa kaharian ng Dios.[c] 13 Sapagkat bago pa dumating si Juan, ipinahayag na ng lahat ng propeta at ng Kautusan ni Moises ang tungkol sa paghahari ng Dios. 14 At kung naniniwala kayo sa mga pahayag nila, si Juan na nga ang Elias na inaasahan ninyong darating. 15 Kayong mga nakikinig, dapat ninyo itong pag-isipan!”[d]
16 “Sa anong bagay ko maihahambing ang henerasyong ito? Katulad sila ng mga batang nakaupo sa plasa na sinasabi sa kanilang kalaro, 17 ‘Tinugtugan namin kayo ng tugtuging pangkasal,[e] pero hindi kayo sumayaw! Umawit kami ng awit para sa patay, pero hindi kayo umiyak!’ 18 Katulad nga nila ang mga tao ngayon, dahil nang dumating dito si Juan, nakita nilang nag-aayuno siya at hindi umiinom ng alak, kaya sinabi nila, ‘Sinasaniban siya ng masamang espiritu.’ 19 At nang dumating naman ako, na Anak ng Tao, nakita nilang kumakain ako at umiinom, at sinabi naman nila, ‘Ang taong iyan ay matakaw at lasenggo, at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang makasalanan.’ Ganoon pa man, ang mga taong sumusunod sa kalooban ng Dios ay sumasang-ayon na tama ang ipinapagawa ng Dios sa amin.”[f]
Babala sa mga Bayang Hindi Nagsisisi(B)
20 Pagkatapos, tinuligsa ni Jesus ang mga bayang nakasaksi ng maraming himala na kanyang ginawa, dahil hindi sila nagsisi sa kanilang mga kasalanan. 21 Sinabi niya, “Nakakaawa kayong mga taga-Corazin! Nakakaawa rin kayong mga taga-Betsaida! Sapagkat kung sa Tyre at Sidon naganap ang mga himalang ginawa ko sa inyo, matagal na sana silang nagsuot ng sako at naglagay ng abo sa kanilang ulo[g] upang ipakita ang kanilang pagsisisi. 22 Kaya tandaan ninyo na sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin ninyo kaysa sa mga taga-Tyre at taga-Sidon. 23 At kayo namang mga taga-Capernaum, baka akala ninyoʼy papupurihan kayo kahit doon sa langit. Hindi! Ibabagsak kayo sa impyerno![h] Sapagkat kung sa Sodom nangyari ang mga himalang ginawa sa inyo, nananatili pa sana ang lugar na iyon hanggang ngayon. 24 Kaya tandaan ninyo na sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin ninyo kaysa sa mga taga-Sodom.”
May Kapahingahan kay Jesus(C)
25 Nang oras ding iyon, sinabi ni Jesus, “Pinupuri kita Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga katotohanang ito sa mga taong ang akala sa sarili ay marurunong at matatalino, pero inihayag mo sa mga taong tulad ng bata na kaunti lang ang nalalaman. 26 Oo, Ama, pinupuri kita dahil iyon ang kalooban mo.”
27 Pagkatapos, sinabi niya sa mga tao, “Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga taong nais ng Anak na makakilala sa Ama.
28 “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatan sa inyong pasanin, at bibigyan ko kayo ng kapahingahan. 29 Sundin ninyo ang mga utos ko at matuto kayo sa akin, dahil mabait ako at mababang-loob. Makakapagpahinga kayo, 30 dahil madaling sundin ang aking mga utos, at magaan ang aking mga ipinapagawa.”
Footnotes
- 11:6 nagdududa: o, nabigo.
- 11:10 Mal. 3:1.
- 11:12 May ibaʼt ibang interpretasyon sa talatang ito.
- 11:15 sa literal, Ang may tainga ay dapat makinig!
- 11:17 tugtuging pangkasal: sa literal, plauta.
- 11:19 Ganoon pa man … sa amin: o, Ganoon pa man, ang karunungan na ipinangangaral namin ay napatunayang totoo sa buhay ng mga taong tumanggap nito.
- 11:21 naglagay ng abo sa kanilang ulo: o, naupo sa abo.
- 11:23 impyerno: o, sa lugar ng mga patay.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®