Mateo 10
Ang Biblia, 2001
Ang Labindalawang Apostol(A)
10 Pagkatapos ay tinawag ni Jesus[a] ang kanyang labindalawang alagad, at kanyang binigyan sila ng kapangyarihan sa masasamang espiritu, upang kanilang mapalayas sila at pagalingin nila ang bawat sakit at karamdaman.
2 Ang mga pangalan ng labindalawang apostol ay ito: ang una ay si Simon na tinatawag na Pedro, si Andres na kanyang kapatid; si Santiago na anak ni Zebedeo, at si Juan na kanyang kapatid;
3 si Felipe at si Bartolome; si Tomas at si Mateo na maniningil ng buwis; si Santiago na anak ni Alfeo, at si Tadeo;
4 si Simon na Cananeo, at si Judas Iscariote, na nagkanulo sa kanya.
Isinugo ni Jesus ang Labindalawa(B)
5 Ang labindalawang ito ay isinugo ni Jesus, at inutusan na sinasabi, “Huwag kayong pupunta sa pook ng mga Hentil, at huwag kayong papasok sa alinmang bayan ng mga Samaritano;
6 kundi puntahan ninyo ang mga nawawalang tupa sa bahay ni Israel.
7 At(C) habang kayo ay humahayo, ipangaral ninyo at sabihing, ‘Malapit na ang kaharian ng langit.’
8 Pagalingin ninyo ang mga maysakit, buhayin ninyo ang mga patay, linisin ninyo ang mga ketongin, palayasin ninyo ang mga demonyo. Tinanggap ninyong walang bayad, ibigay ninyong walang bayad.
9 Huwag kayong magdala ng ginto, o pilak, o tanso sa inyong mga lalagyan ng pera;
10 o(D) supot sa inyong paglalakbay, o dalawang baro o mga sandalyas, o tungkod, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanyang pagkain.
11 Sa alinmang bayan o nayon kayo makapasok, hanapin ninyo kung sino roon ang karapat-dapat; at makitira kayo sa kanya hanggang sa inyong pag-alis.
12 Pagpasok ninyo sa bahay, batiin ninyo ito.
13 At kung karapat-dapat ang sambahayan, hayaang mapunta roon ang inyong kapayapaan, ngunit kung hindi karapat-dapat, hayaang mabalik sa inyo ang inyong kapayapaan.
14 Sinumang(E) hindi tumanggap sa inyo, o duminig sa inyong mga salita, pag-alis ninyo sa bahay o bayang iyon, ay ipagpag ninyo ang alabok ng inyong mga paa.[b]
15 Katotohanang(F) sinasabi ko sa inyo, higit pang mapapagtiisan sa araw ng paghuhukom ang mga lupain ng Sodoma at Gomorra, kaysa bayang iyon.
Mga Pag-uusig na Darating(G)
16 “Ngayon,(H) sinusugo ko kayong tulad ng mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat, kaya't maging matalino kayong gaya ng mga ahas at maamong gaya ng mga kalapati.
17 Mag-ingat(I) kayo sa mga tao, sapagkat ibibigay nila kayo sa mga hukuman at hahagupitin nila kayo sa kanilang mga sinagoga,
18 at kakaladkarin nila kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, upang magpatotoo sa kanila at sa mga Hentil.
19 Ngunit kapag kayo ay naibigay na nila, huwag kayong mangamba kung paano kayo magsasalita o kung ano ang inyong sasabihin, sapagkat ipagkakaloob sa inyo sa oras na iyon ang inyong sasabihin;
20 sapagkat hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.
21 Ipagkakanulo(J) ng kapatid ang kanyang kapatid tungo sa kamatayan, at ng ama ang kanyang anak at maghihimagsik ang mga anak laban sa kanilang mga magulang, at ipapapatay nila ang mga ito.
22 At(K) kapopootan kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit ang magtiis hanggang sa wakas ay maliligtas.
23 Kapag inuusig nila kayo sa isang bayan, tumakas kayo tungo sa kasunod, sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, ‘Hindi ninyo mapupuntahan lahat ang mga bayan ng Israel, bago dumating ang Anak ng Tao.’
24 “Hindi(L) nakahihigit ang alagad sa kanyang guro, o ang alipin sa kanyang panginoon.
25 Sapat(M) na sa alagad ang maging tulad ng kanyang guro at sa alipin ang maging tulad ng kanyang panginoon. Kung tinawag nilang Beelzebul ang panginoon ng sambahayan, gaano pa kaya nila lalaitin ang mga kasambahay niya!
Ang Dapat Katakutan(N)
26 “Kaya,(O) huwag ninyo silang katakutan sapagkat walang bagay na natatakpan na hindi mahahayag; at walang natatago na hindi malalaman.
27 Anumang sinasabi ko sa inyo sa dilim, sabihin ninyo sa liwanag; at ang narinig ninyo sa bulong ay ipagsigawan ninyo sa ibabaw ng mga bubungan.
28 At huwag ninyong katakutan ang mga pumapatay ng katawan, ngunit hindi nakakapatay ng kaluluwa, kundi katakutan ninyo siyang makakapuksa ng kaluluwa at ng katawan sa impiyerno.
29 Hindi ba ipinagbibili ng isang kusing ang dalawang maya? Ngunit isa man sa kanila ay hindi nahuhulog sa lupa na hindi batid ng inyong Ama.
30 At maging ang mga buhok sa inyong ulo ay bilang na lahat.
31 Huwag nga kayong matakot; kayo ay higit na mahalaga kaysa maraming maya.
Pagkilala kay Cristo(P)
32 “Kaya't ang bawat kumikilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin ko rin sa harapan ng aking Ama na nasa langit.
33 Ngunit(Q) sinumang magkaila sa akin sa harapan ng mga tao, ay ipagkakaila ko rin naman sa harapan ng aking Ama na nasa langit.
Hindi Kapayapaan kundi Tabak(R)
34 “Huwag ninyong isiping pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; hindi ako pumarito upang magdala ng kapayapaan, kundi ng tabak.
35 Sapagkat(S) pumarito ako upang paglabanin ang lalaki at ang kanyang ama, ang anak na babae at ang kanyang ina, at ang manugang na babae at ang kanyang biyenang babae.
36 At ang magiging kaaway ng tao ay ang sarili niyang mga kasambahay.
37 Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin; at ang umiibig sa anak na lalaki o anak na babae nang higit kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin;
38 at(T) ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.
39 Ang(U) nagsisikap magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; at ang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay makakatagpo nito.
Mga Gantimpala sa Tumatanggap(V)
40 “Ang(W) tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.
41 Ang tumatanggap sa isang propeta alang-alang sa pangalan ng propeta ay tatanggap ng gantimpala ng isang propeta; at ang tumatanggap sa isang taong matuwid alang-alang sa pangalan ng isang taong matuwid ay tatanggap ng gantimpala ng isang taong matuwid.
42 At sinumang magbigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa isa sa maliliit na ito sa pangalan ng isang alagad, katotohanang sinasabi ko sa inyo, tiyak na hindi siya mawawalan ng kanyang gantimpala.”
Footnotes
- Mateo 10:1 Sa Griyego ay niya .
- Mateo 10:14 Sa mga Judio, ito ay nangangahulugan ng lubusang pagtatakuwil .
Mateo 10
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Ang Labindalawang Apostol(A)
10 Tinawag ni Jesus ang kanyang labindalawang alagad at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng maruruming espiritu at magpagaling ng lahat ng uri ng sakit at karamdaman. 2 Narito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: una ay si Simon, na tinaguriang Pedro, at si Andres na kanyang kapatid; si Santiago na anak ni Zebedeo, at ang kapatid niyang si Juan; 3 sina Felipe at Bartolome; sina Tomas at Mateo na maniningil ng buwis; si Santiago na anak ni Alfeo, at si Tadeo; 4 si Simon na Cananeo, at si Judas Iscariote, ang nagkanulo kay Jesus.
Isinugo ni Jesus ang Labindalawa(B)
5 Ang labindalawang ito ay sinugo ni Jesus at inatasan ng ganito, “Huwag kayong pupunta sa mga Hentil, ni papasok sa alinmang bayan ng mga Samaritano. 6 Sa halip, puntahan ninyo ang mga nawawalang tupa sa sambahayan ng Israel. 7 Sa inyong paghayo ay ipahayag ninyo: ‘Malapit nang dumating ang kaharian ng langit.’ 8 Ang mga maysakit ay inyong pagalingin, ang mga patay ay inyong buhayin, ang mga ketongin ay inyong linisin, at ang mga demonyo ay inyong palayasin. Tinanggap ninyo nang walang bayad, ipamigay din ninyong walang bayad. 9 Huwag kayong magdadala ng ginto, pilak o tanso sa inyong lalagyan ng salapi, 10 o kaya'y ng supot para sa inyong paglalakbay, o ng dalawang bihisan, o mga sandalyas, o tungkod, sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang pagkain. 11 At saanmang bayan o nayon kayo makarating, humanap kayo roon ng taong karapat-dapat. Makituloy kayo sa kanya hanggang sa inyong paglisan. 12 Pagpasok ninyo sa bahay, basbasan ninyo ito. 13 At kung karapat-dapat ang sambahayang iyon, igawad ninyo ang inyong basbas ng kapayapaan doon, subalit kung hindi ito karapat-dapat, bawiin ninyo ang basbas ng kapayapaang iginawad ninyo. 14 Kung mayroong hindi tumanggap sa inyo o ayaw makinig sa inyong mga salita, ipagpag ninyo ang alikabok na nasa inyong mga paa pag-alis ninyo sa bahay o bayang iyon. 15 Tinitiyak ko sa inyo, mas kaaawaan pa ang lupain ng Sodoma at Gomorra kaysa sa bayang iyon.
Mga Pag-uusig na Darating(C)
16 “Tandaan ninyo, isinusugo ko kayo na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Kaya't magpakatalino kayong gaya ng mga ahas at maging maamo gaya ng mga kalapati. 17 Mag-ingat kayo sa mga tao, sapagkat may mga magkakanulo sa inyo sa mga hukuman at hahagupit sa inyo sa kanilang mga sinagoga. 18 Dadakpin kayo at ihaharap sa mga tagapamahala at sa mga hari dahil sa akin, upang magbigay-patotoo sa kanila at sa mga Hentil. 19 Kapag kayo'y ipinadakip, huwag ninyong ipangamba kung paano kayo magsasalita o kung ano ang inyong sasabihin, sapagkat ang inyong sasabihin ay ibibigay sa inyo sa oras ding iyon. 20 Hindi na kayo ang nagsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang nagsasalita sa pamamagitan ninyo. 21 Magkakanulo ang kapatid sa kapatid upang ito'y ipapatay, pati ang ama sa kanyang anak, at maghihimagsik ang mga anak laban sa kanilang mga magulang, at kanilang ipapapatay ang mga ito. 22 Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Subalit ang makatagal hanggang sa wakas ay maliligtas. 23 Kapag ginigipit nila kayo sa isang bayan, tumakas kayo papunta sa kasunod, sapagkat tinitiyak ko sa inyo, hindi pa ninyo nararating ang lahat ng mga bayan sa Israel ay darating na ang Anak ng Tao.
24 “Ang mag-aaral ay hindi mas mataas kaysa kanyang guro, o ang alipin kaysa kanyang panginoon. 25 Sapat na para sa mag-aaral ang maging katulad ng kanyang guro at sa alipin ang maging katulad ng kanyang panginoon. Kung ang pinuno ng sambahayan ay tinawag nilang Beelzebul, higit nilang aalipustain ang kanyang mga kasambahay!
Ang Dapat Katakutan(D)
26 “Kaya't huwag kayong matakot sa kanila, sapagkat walang natatakpan na hindi malalantad, o kaya'y nakatago na hindi mabubunyag. 27 Kung may sinabi ako sa inyo sa dilim, sabihin ninyo sa liwanag. Kung may narinig kayong ibinulong, ipagsigawan ninyo sa ibabaw ng mga bahay. 28 At huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan, subalit walang kakayahang pumatay ng kaluluwa. Sa halip ay matakot kayo sa kanya na may kapangyarihang pumuksa ng kaluluwa at ng katawan sa impiyerno. 29 Hindi ba't nabibili ang dalawang maya sa isang kusing? Ngunit isa man sa kanila ay hindi nahuhulog sa lupa na hindi napapansin ng inyong Ama. 30 Pati nga ang mga buhok sa ulo ninyo ay biláng na lahat. 31 Huwag kayong matakot. Higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.
Pagkilala kay Cristo(E)
32 “Kaya't sinumang kumikilala sa akin sa harapan ng mga tao ay siya ko ring kikilalanin sa harapan ng aking Amang nasa langit. 33 Ngunit sinumang sa akin ay magkaila sa harapan ng mga tao ay siya ring ipagkakaila ko sa harapan ng aking Amang nasa langit.
Hindi Kapayapaan kundi Tabak(F)
34 “Huwag ninyong akalaing dumating ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa. Hindi ako dumating upang magdala ng kapayapaan, kundi ng tabak. 35 Dumating ako upang labanan ng isang lalaki ang kanyang ama, ng anak na babae ang kanyang ina, at ng manugang na babae ang kanyang biyenang babae. 36 Ang magiging kaaway ng tao ay mismong ang sarili niyang mga kasambahay. 37 Ang nagmamahal sa ama o sa ina nang higit kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin; at ang nagmamahal sa anak na lalaki o babae nang higit kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 38 Sinumang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 39 Ang nagsisikap para sa kanyang buhay ay mawawalan nito, at ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay makatatagpo nito.
Mga Gantimpala(G)
40 “Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. 41 Ang tumatanggap sa isang propeta sa pangalan ng propeta ay tatanggap ng gantimpala ng propeta. At ang tumatanggap sa isang taong matuwid sa pangalan ng taong matuwid ay tatanggap ng gantimpala ng taong matuwid. 42 Sinumang magbigay ng isang basong tubig na malamig sa isa sa mga hamak na ito sa pangalan ng isang alagad, tinitiyak ko sa inyong hindi siya mawawalan ng gantimpala.”
Mateo 10
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Labindalawang Apostol(A)
10 Tinawag ni Jesus ang kanyang 12 tagasunod[a] at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng anumang sakit at karamdaman. 2 Ito ang mga pangalan ng 12 apostol: si Simon (na kung tawagin ay Pedro), na siyang nangunguna sa kanila, si Andres na kanyang kapatid, si Santiago at si Juan na mga anak ni Zebedee, 3 si Felipe, si Bartolome, si Tomas, si Mateo na maniningil ng buwis, si Santiago na anak ni Alfeus, si Tadeus, 4 si Simon na makabayan,[b] at si Judas Iscariote na siyang nagtraydor kay Jesus nang bandang huli.
Sinugo ni Jesus ang Labindalawang Apostol(B)
5 Sinugo ni Jesus ang 12 tagasunod niya at pinagbilinan, “Huwag kayong pumunta sa mga lugar ng mga hindi Judio o sa alin mang bayan ng mga Samaritano. 6 Sa halip, puntahan ninyo ang mga Israelita na parang mga nawawalang tupa. 7 Ipahayag ninyo sa kanila na malapit na[c] ang paghahari ng Dios. 8 Pagalingin nʼyo ang mga may sakit, buhayin ang mga patay, pagalingin ang mga may malubhang sakit sa balat para maituring silang malinis, at palayasin ang masasamang espiritu. Tinanggap ninyo ang kapangyarihang ito nang walang bayad, kaya ipamahagi rin ninyo nang walang bayad. 9 Huwag kayong magbaon ng pera,[d] 10 o kayaʼy magdala ng bag, damit na pambihis, sandalyas o tungkod. Sapagkat ang manggagawa ay dapat lang na suportahan sa mga pangangailangan niya.
11 “Sa alin mang bayan o nayon na inyong pupuntahan, humanap kayo ng taong malugod kayong tatanggapin sa kanyang bahay,[e] at makituloy kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo. 12 Sa pagpasok ninyo sa tahanang iyon, pagpalain ninyo ang lahat ng nakatira roon. 13 Kung talagang tinatanggap nila kayo, pagpalain ninyo sila. Ngunit kung hindi, huwag nʼyo silang pagpalain. 14 Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang tahanan o bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa bilang babala laban sa kanila. 15 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin nila kaysa sa mga taga-Sodom at Gomora.”
Mga Pag-uusig na Darating(C)
16 “Tandaan ninyo, tulad kayo ng mga tupang sinugo ko sa mga lobo, kaya maging matalino kayo gaya ng mga ahas, at kasing-amo ng mga kalapati. 17 Mag-ingat kayo sa mga tao, dahil dadakpin nila kayo at dadalhin sa hukuman, at hahagupitin nila kayo sa kanilang mga sambahan. 18 Iimbestigahan kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Magiging pagkakataon ninyo iyon para magpatotoo sa kanila at sa mga hindi Judio ng tungkol sa akin. 19 At kapag dinala kayo sa hukuman, huwag kayong mag-alala kung ano ang sasabihin ninyo o kung paano kayo sasagot, dahil ibibigay ng Dios sa inyo sa sandaling iyon ang sasabihin ninyo. 20 Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama. Siya ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.”
21 “Sa panahong iyon, may mga taong ipagkakanulo ang kanilang kapatid para patayin. Ganoon din ang mga ama sa kanilang mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga magulang. 22 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ay maliligtas 23 Kapag inuusig kayo sa isang bayan, pumunta kayo sa ibang bayan. Dahil ang totoo, hindi pa man ninyo nalilibot ang lahat ng bayan ng Israel, ako na Anak ng Tao ay babalik na.
24 “Walang mag-aaral na mas higit sa kanyang guro, at walang aliping mas higit sa kanyang amo. 25 Sapat na sa isang mag-aaral na maging katulad ng kanyang guro, at sa alipin na maging katulad ng kanyang amo. Kung akong pinuno ninyo ay tinatawag nilang Satanas,[f] gaano pa kaya kasama ang itatawag nila sa inyong mga tagasunod ko?”
Ang Dapat Katakutan(D)
26 “Kaya huwag kayong matakot sa mga tao. Sapagkat walang natatagong hindi malalantad, at walang lihim na hindi mabubunyag. 27 Ang mga bagay na sa inyo ko lang sinasabi ay sabihin ninyo sa lahat,[g] at ang mga ibinubulong ko sa inyo ay ipamalita ninyo sa mga tao. 28 Huwag kayong matakot sa mga gustong pumatay sa inyo. Ang katawan lang ninyo ang kaya nilang patayin, pero hindi ang inyong kaluluwa. Sa halip, matakot kayo sa Dios, na siyang may kakayahang puksain ang katawan at kaluluwa ninyo sa impyerno. 29 Hindi baʼt napakamura ng halaga ng dalawang maya? Pero wala ni isa man sa kanila ang nahuhulog sa lupa nang hindi ayon sa kagustuhan ng inyong Ama. 30 Mas lalo na kayo, maging ang bilang ng inyong mga buhok ay alam niya. 31 Kaya huwag kayong matakot, dahil mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.”
Ang Pagkilala kay Cristo(E)
32 “Ang sinumang kumikilala sa akin bilang Panginoon sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko rin sa harap ng aking Amang nasa langit. 33 Ngunit ang hindi kumikilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Amang nasa langit.”
Ang Pagkakahati-hati ng Sambahayan Dahil kay Cristo(F)
34 “Huwag ninyong isipin na naparito ako sa lupa upang magkaroon nang maayos na relasyon ang mga tao. Naparito ako upang magkaroon sila ng hidwaan.[h] 35 Dahil sa akin, kokontrahin ng anak na lalaki ang kanyang ama, at kokontrahin ng anak na babae ang kanyang ina. Ganoon din ang gagawin ng manugang na babae sa kanyang biyenang babae. 36 Ang magiging kaaway ng isang tao ay ang sarili niyang sambahayan.[i]
37 “Ang nagmamahal sa kanyang mga magulang ng higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. At ang nagmamahal sa kanyang anak ng higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 38 Ang sinumang ayaw sumunod sa akin dahil natatakot siyang mamatay para sa akin[j] ay hindi karapat-dapat sa akin. 39 Ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”
Mga Gantimpala(G)
40 “Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. 41 Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa kanyang pagkapropeta ay makakatanggap ng gantimpalang naaayon para sa isang propeta. At ang tumatanggap sa matuwid na tao dahil sa kanyang pagkamatuwid ay makakatanggap ng gantimpalang naaayon para sa matuwid na tao. 42 At ang sinumang magbibigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa pinakahamak kong tagasunod ay tiyak na makakatanggap ng gantimpala.”
Footnotes
- 10:1 12 tagasunod: Sila rin ang tinatawag na 12 apostol.
- 10:4 makabayan: Si Simon ay naging kabilang sa grupo ng mga Judiong lumalaban sa mga taga-Roma.
- 10:7 malapit na: o, dumating na.
- 10:9 pera: sa literal, ginto, pilak, o tanso.
- 10:11 tatanggapin sa kanyang bahay: sa literal, karapat-dapat.
- 10:25 Satanas: sa Griego, Beelzebul.
- 10:27 Ang mga bagay na sa inyo ko lang sinasabi ay sabihin ninyo sa lahat: sa literal, Ang mga bagay na sinasabi ko sa inyo sa dilim ay sabihin ninyo sa liwanag.
- 10:34 upang magkaroon sila ng hidwaan: sa literal upang magdala ng espada.
- 10:36 Micas 7:6.
- 10:38 natatakot siyang mamatay para sa akin: sa literal, ayaw niyang pasanin ang kanyang krus.
Matthew 10
New International Version
Jesus Sends Out the Twelve(A)(B)(C)(D)(E)
10 Jesus called his twelve disciples to him and gave them authority to drive out impure spirits(F) and to heal every disease and sickness.(G)
2 These are the names of the twelve apostles: first, Simon (who is called Peter) and his brother Andrew; James son of Zebedee, and his brother John; 3 Philip and Bartholomew; Thomas and Matthew the tax collector; James son of Alphaeus, and Thaddaeus; 4 Simon the Zealot and Judas Iscariot, who betrayed him.(H)
5 These twelve Jesus sent out with the following instructions: “Do not go among the Gentiles or enter any town of the Samaritans.(I) 6 Go rather to the lost sheep of Israel.(J) 7 As you go, proclaim this message: ‘The kingdom of heaven(K) has come near.’ 8 Heal the sick, raise the dead, cleanse those who have leprosy,[a] drive out demons. Freely you have received; freely give.
9 “Do not get any gold or silver or copper to take with you in your belts(L)— 10 no bag for the journey or extra shirt or sandals or a staff, for the worker is worth his keep.(M) 11 Whatever town or village you enter, search there for some worthy person and stay at their house until you leave. 12 As you enter the home, give it your greeting.(N) 13 If the home is deserving, let your peace rest on it; if it is not, let your peace return to you. 14 If anyone will not welcome you or listen to your words, leave that home or town and shake the dust off your feet.(O) 15 Truly I tell you, it will be more bearable for Sodom and Gomorrah(P) on the day of judgment(Q) than for that town.(R)
16 “I am sending you out like sheep among wolves.(S) Therefore be as shrewd as snakes and as innocent as doves.(T) 17 Be on your guard; you will be handed over to the local councils(U) and be flogged in the synagogues.(V) 18 On my account you will be brought before governors and kings(W) as witnesses to them and to the Gentiles. 19 But when they arrest you, do not worry about what to say or how to say it.(X) At that time you will be given what to say, 20 for it will not be you speaking, but the Spirit of your Father(Y) speaking through you.
21 “Brother will betray brother to death, and a father his child; children will rebel against their parents(Z) and have them put to death.(AA) 22 You will be hated by everyone because of me,(AB) but the one who stands firm to the end will be saved.(AC) 23 When you are persecuted in one place, flee to another. Truly I tell you, you will not finish going through the towns of Israel before the Son of Man comes.(AD)
24 “The student is not above the teacher, nor a servant above his master.(AE) 25 It is enough for students to be like their teachers, and servants like their masters. If the head of the house has been called Beelzebul,(AF) how much more the members of his household!
26 “So do not be afraid of them, for there is nothing concealed that will not be disclosed, or hidden that will not be made known.(AG) 27 What I tell you in the dark, speak in the daylight; what is whispered in your ear, proclaim from the roofs. 28 Do not be afraid of those who kill the body but cannot kill the soul. Rather, be afraid of the One(AH) who can destroy both soul and body in hell. 29 Are not two sparrows sold for a penny? Yet not one of them will fall to the ground outside your Father’s care.[b] 30 And even the very hairs of your head are all numbered.(AI) 31 So don’t be afraid; you are worth more than many sparrows.(AJ)
32 “Whoever acknowledges me before others,(AK) I will also acknowledge before my Father in heaven. 33 But whoever disowns me before others, I will disown before my Father in heaven.(AL)
34 “Do not suppose that I have come to bring peace to the earth. I did not come to bring peace, but a sword. 35 For I have come to turn
“‘a man against his father,
a daughter against her mother,
a daughter-in-law against her mother-in-law(AM)—
36 a man’s enemies will be the members of his own household.’[c](AN)
37 “Anyone who loves their father or mother more than me is not worthy of me; anyone who loves their son or daughter more than me is not worthy of me.(AO) 38 Whoever does not take up their cross and follow me is not worthy of me.(AP) 39 Whoever finds their life will lose it, and whoever loses their life for my sake will find it.(AQ)
40 “Anyone who welcomes you welcomes me,(AR) and anyone who welcomes me welcomes the one who sent me.(AS) 41 Whoever welcomes a prophet as a prophet will receive a prophet’s reward, and whoever welcomes a righteous person as a righteous person will receive a righteous person’s reward. 42 And if anyone gives even a cup of cold water to one of these little ones who is my disciple, truly I tell you, that person will certainly not lose their reward.”(AT)
Footnotes
- Matthew 10:8 The Greek word traditionally translated leprosy was used for various diseases affecting the skin.
- Matthew 10:29 Or will; or knowledge
- Matthew 10:36 Micah 7:6
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Holy Bible, New International Version®, NIV® Copyright ©1973, 1978, 1984, 2011 by Biblica, Inc.® Used by permission. All rights reserved worldwide.
NIV Reverse Interlinear Bible: English to Hebrew and English to Greek. Copyright © 2019 by Zondervan.

