Mateo 10:5-15
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Isinugo ni Jesus ang Labindalawa(A)
5 Ang labindalawang ito ay sinugo ni Jesus at inatasan ng ganito, “Huwag kayong pupunta sa mga Hentil, ni papasok sa alinmang bayan ng mga Samaritano. 6 Sa halip, puntahan ninyo ang mga nawawalang tupa sa sambahayan ng Israel. 7 Sa inyong paghayo ay ipahayag ninyo: ‘Malapit nang dumating ang kaharian ng langit.’ 8 Ang mga maysakit ay inyong pagalingin, ang mga patay ay inyong buhayin, ang mga ketongin ay inyong linisin, at ang mga demonyo ay inyong palayasin. Tinanggap ninyo nang walang bayad, ipamigay din ninyong walang bayad. 9 Huwag kayong magdadala ng ginto, pilak o tanso sa inyong lalagyan ng salapi, 10 o kaya'y ng supot para sa inyong paglalakbay, o ng dalawang bihisan, o mga sandalyas, o tungkod, sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang pagkain. 11 At saanmang bayan o nayon kayo makarating, humanap kayo roon ng taong karapat-dapat. Makituloy kayo sa kanya hanggang sa inyong paglisan. 12 Pagpasok ninyo sa bahay, basbasan ninyo ito. 13 At kung karapat-dapat ang sambahayang iyon, igawad ninyo ang inyong basbas ng kapayapaan doon, subalit kung hindi ito karapat-dapat, bawiin ninyo ang basbas ng kapayapaang iginawad ninyo. 14 Kung mayroong hindi tumanggap sa inyo o ayaw makinig sa inyong mga salita, ipagpag ninyo ang alikabok na nasa inyong mga paa pag-alis ninyo sa bahay o bayang iyon. 15 Tinitiyak ko sa inyo, mas kaaawaan pa ang lupain ng Sodoma at Gomorra kaysa sa bayang iyon.
Read full chapter
Lucas 9:1-6
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Isinugo ni Jesus ang Labindalawang Alagad(A)
9 Tinipon ni Jesus ang labindalawa at pagkatapos ay binigyan niya ang mga ito ng kapangyarihan at karapatan sa lahat ng mga demonyo at magpagaling ng mga may karamdaman. 2 At isinugo niya ang mga ito upang ipangaral ang paghahari ng Diyos at magpagaling ng mga may sakit. 3 At sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong magdala ng kahit ano sa inyong paglalakbay; kahit tungkod, balutan, tinapay, o salapi. Huwag din dalawa ang dalhin ninyong damit panloob. 4 Saanmang bahay kayo pumasok, mamalagi kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo. 5 Saanmang lugar na hindi kayo tanggapin, ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa pag-alis ninyo sa bayang iyon bilang patotoo laban sa kanila.” 6 Umalis sila at nagtungo sa mga nayon, habang ipinapangaral ang mabuting balita kahit saan at nagpapagaling ng mga karamdaman.
Read full chapterAng Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.