Mateo 1
Magandang Balita Biblia
Talaan ng mga Ninuno ni Jesu-Cristo(A)
1 Ito ang talaan ng mga ninuno ni Jesu-Cristo na mula sa angkan ni David na mula naman sa lahi ni Abraham.
2-11 Mula kay Abraham hanggang kay Haring David, ang mga ninuno ni Jesus ay sina: Abraham, Isaac, Jacob na ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid; Juda na ama ni Fares at Zara kay Tamar; Fares, Esrom, Aram, Aminadab, Naason, Salmon, Boaz na anak ni Salmon kay Rahab; Obed na anak ni Boaz kay Ruth; at Jesse na ama ni Haring David.
6b-11 Mula(B) naman kay Haring David hanggang sa naging bihag ang mga taga-Juda sa Babilonia, ang mga ninuno ni Jesus ay sina: David, Solomon na anak ni Haring David sa asawa ni Urias, Rehoboam, Abias, Asa, Jehoshafat, Joram, Ozias, Jotam, Acaz, Ezequias, Manases, Ammon, Josias, Jeconias at ang mga kapatid nito.
12-16 At pagkatapos na sila'y maging bihag sa Babilonia hanggang sa ipanganak si Jesus, ang mga ninuno niya ay sina: Jeconias, Salatiel, Zerubabel, Abiud, Eliakim, Azor, Sadoc, Aquim, Eliud, Eleazar, Matan, Jacob, at si Jose na asawa ni Maria. Si Maria ang ina ni Jesus—ang tinatawag na Cristo.
17 Samakatuwid, may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David, labing-apat mula kay David hanggang sa pagkabihag ng mga Israelita sa Babilonia at labing-apat din mula sa pagkabihag sa Babilonia hanggang kay Cristo.
Isinilang si Jesu-Cristo(C)
18 Ito(D) ang naganap nang ipanganak si Jesu-Cristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang magpakasal. Ngunit bago sila makasal, nagdadalang-tao na si Maria sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. 19 Subalit dahil isang matuwid na tao si Jose na kanyang mapapangasawa, at ayaw nitong malagay sa kahihiyan si Maria, binalak niyang hiwalayan[a] si Maria nang palihim.
20 Ngunit habang pinag-iisipan ito ni Jose, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria, sapagkat ang sanggol na dinadala niya ay mula sa Espiritu Santo. 21 Magsisilang(E) siya ng isang batang lalaki at Jesus ang ipapangalan mo sa sanggol sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”
22 Nangyari nga ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta,
23 “Maglilihi(F) ang isang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki,
at tatawagin itong Emmanuel”
(ang kahulugan nito'y “Kasama natin ang Diyos”).
24 Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon at pinakasalan niya si Maria. 25 Ngunit(G) hindi niya sinipingan si Maria hanggang magsilang ito ng isang anak na lalaki. At Jesus nga ang ipinangalan ni Jose sa sanggol.
Footnotes
- Mateo 1:19 HIWALAYAN: Sa kulturang Judio, ang babae't lalaking nagkasundo nang pakasal ay itinuturing nang mag-asawa kahit hindi pa sila lubusang nagsasama .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.