Mateo 1
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Talaan ng Lahing Pinagmulan ni Jesu-Cristo(A)
1 Ito ang talaan ng lahing pinagmulan ni Jesu-Cristo, ang anak ni David at anak ni Abraham. 2 Si Abraham ang ama ni Isaac, at si Isaac ang ama ni Jacob. Si Jacob ang ama ni Juda at ng mga kapatid nito, 3 at si Juda ang ama nina Perez at Zera kay Tamar. Si Perez ang ama ni Hesron at si Hesron ang ama ni Aram. 4 Si Aram ang ama ni Aminadab, at si Aminadab ang ama ni Naason, at si Naason naman ang ama ni Salmon. 5 Si Salmon ang ama ni Boaz kay Rahab, at si Boaz ang ama ni Obed kay Ruth, si Obed naman ang ama ni Jesse, 6 at si Jesse naman ang ama ni Haring David. Si David ang ama ni Solomon sa asawa ni Urias, 7 si Solomon ang ama ni Rehoboam, si Rehoboam ang ama ni Abias, at si Abias ang ama ni Asaf. 8 Si Asaf ang ama ni Jehoshafat, si Jehoshafat ang ama ni Joram, at si Joram ang ama ni Uzias. 9 Si Uzias ang ama ni Jotham, si Jotham ang ama ni Ahaz, at si Ahaz ang ama ni Hezekias. 10 Si Hezekias ang ama ni Manases, si Manases ang ama ni Amos, at si Amos ang ama ni Josias. 11 Si Josias ang ama ni Jeconias at ng mga kapatid nito, noong sila'y dinalang-bihag sa Babilonia. 12 Pagkatapos ng pagkadalang-bihag sa Babilonia, si Jeconias ay naging ama ni Sealtiel at si Sealtiel naman ang ama ni Zerubabel. 13 Si Zerubabel ang ama ni Abiud, si Abiud ang ama ni Eliakim, at si Eliakim ang ama ni Azor. 14 Si Azor ang ama ni Zadok, si Zadok ang ama ni Akim, at si Akim ang ama ni Eliud. 15 Si Eliud ang ama ni Eleazar, si Eleazar ang ama ni Matan, at si Matan ang ama ni Jacob. 16 Si Jacob ang ama ni Jose, na asawa ni Maria, na siyang nagsilang kay Jesus, na tinatawag na Cristo. 17 Kaya't may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David, labing-apat na salinlahi mula kay David hanggang sa pagkadalang-bihag sa Babilonia, at labing-apat ding salinlahi mula sa pagkadalang-bihag sa Babilonia hanggang kay Cristo.
Isinilang ang Cristo(B)
18 Ganito ang pangyayari sa pagsilang ni Jesu-Cristo. Nang si Maria na kanyang ina ay ipinagkasundong ikasal kay Jose, bago sila nagsama, si Maria ay natagpuang nagdadalang-tao sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 19 Sapagkat si Jose ay isang mabuting tao at hindi niya nais na malagay sa kahihiyan si Maria, siya'y nagpasya na hiwalayan na lamang ito nang lihim. 20 Subalit habang pinag-iisipan niya ang mga bagay na ito, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon na nagsasabi, “Jose, anak ni David, huwag kang mangambang pakasalan si Maria, sapagkat ang nasa sinapupunan niya ay mula sa Banal na Espiritu. 21 Magsisilang siya ng isang lalaki at ang ipapangalan mo sa kanya ay Jesus, sapagkat ililigtas niya ang kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.” 22 Naganap ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta: 23 “Tingnan ninyo, ang birhen ay magdadalang-tao at magsisilang ng isang lalaki, at siya'y tatawagin sa pangalang Emmanuel” (na ang ibig sabihin ay, Ang Diyos ay kasama natin). 24 Paggising ni Jose, ginawa niya ang ipinag-utos sa kanya ng anghel ng Panginoon. Pinakasalan niya si Maria, 25 ngunit hindi siya nakipagtalik dito hanggang sa maisilang nito ang sanggol. At ang pangalang ibinigay sa kanya ni Jose ay Jesus.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.