Marcos 5:21-24
Magandang Balita Biblia
Ang Anak ni Jairo at ang Babaing Dinudugo(A)
21 Si Jesus ay sumakay sa bangka[a] at bumalik sa kabilang ibayo. Nasa baybayin pa lamang siya ng lawa ay dinumog na siya ng napakaraming tao. 22 Naroon din ang isang tagapamahala ng sinagoga na ang pangalan ay Jairo. Pagkakita kay Jesus, siya'y lumuhod sa paanan nito 23 at nagmakaawa, “Nag-aagaw-buhay po ang anak kong dalagita. Maawa po kayo, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo sa kanya ang inyong kamay upang siya ay gumaling at mabuhay!”
24 Sumama naman si Jesus. Ngunit sumunod din sa kanya ang napakaraming tao, kaya't halos maipit na siya.
Read full chapterFootnotes
- Marcos 5:21 sa bangka: Sa ibang manuskrito'y patungong Genesaret .
Marcos 5:35-43
Magandang Balita Biblia
35 Habang nagsasalita pa si Jesus, may ilang taong dumating mula sa bahay ni Jairo. “Patay na po ang inyong anak. Huwag na po ninyong abalahin ang Guro,” sabi nila.
36 Ngunit nang marinig ito ni Jesus,[a] sinabi niya kay Jairo, “Huwag kang matakot; manampalataya ka lamang.”
37 At hindi pinayagan ni Jesus na sumama sa kanya ang mga tao maliban kina Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan. 38 Nang dumating sila sa bahay ni Jairo, nakita ni Jesus na nagkakagulo ang mga tao, may mga nag-iiyakan at nananaghoy. 39 Pagpasok niya ay kanyang sinabi, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata. Siya'y natutulog lamang.”
40 Dahil sa sinabi niya, pinagtawanan siya ng mga tao. Subalit pinalabas niya ang lahat maliban sa tatlong alagad at sa mga magulang ng bata, at pumasok sila sa kinaroroonan ng bata. 41 Hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabi, “Talitha koum,” na ang ibig sabihi'y “Ineng, bumangon ka!”
42 Noon di'y bumangon ang bata at lumakad, at labis na namangha ang lahat. Ang batang ito'y labindalawang taong gulang na. 43 Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus na huwag nilang sasabihin kaninuman ang nangyari. Pagkatapos, iniutos niyang bigyan ng makakain ang bata.
Read full chapterFootnotes
- Marcos 5:36 nang marinig ito ni Jesus: Sa ibang manuskrito'y hindi pinansin ni Jesus ang kanilang sinabi .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.