Marcos 4:1-20
Magandang Balita Biblia
Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(A)
4 Muling(B) nagturo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. At dahil nagkatipon sa paligid niya ang napakaraming tao, siya'y sumakay at umupo sa isang bangkang nasa tubig. Nanatili naman ang mga tao sa dalampasigan, 2 at sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga. Ganito ang sinabi niya: 3 “Makinig kayo! May isang magsasakang lumabas upang maghasik ng binhi. 4 Sa kanyang paghahasik ay may mga binhing nalaglag sa daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. 5 May mga binhi namang nalaglag sa batuhan. Bagama't kaunti lamang ang lupa roon, agad sumibol ang mga binhing iyon. 6 Ngunit nang tumindi ang sikat ng araw, nalanta at natuyo ang mga binhing tumubo, palibhasa'y hindi ito masyadong nag-ugat. 7 May mga binhi namang nalaglag sa may damuhang matinik; nang lumago ang mga damo, sinakal nito ang mga binhing tumubo, kaya't hindi nakapamunga ang mga binhi. 8 At may mga binhi namang nalaglag sa matabang lupa. Ang mga ito ay tumubo, lumago, at namunga nang marami, may tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tig-iisandaan.” 9 Sinabi pa ni Jesus, “Makinig ang may pandinig.”
Ang Layunin ng Talinghaga(C)
10 Nang nag-iisa na si Jesus, ang ilan sa mga nakikinig ay lumapit sa kanya kasama ang Labindalawa. Hiniling nilang ipaliwanag niya ang talinghaga. 11 Sinabi niya, “Ipinagkaloob sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng Diyos, ngunit sa iba na nasa labas, ang lahat ng bagay ay itinuturo sa pamamagitan ng talinghaga. 12 Nang(D) sa gayon,
‘Tumingin man sila nang tumingin ay hindi sila makakakita,
at makinig man sila nang makinig ay hindi makakaunawa.
Kung hindi sila ganito, nagbalik-loob na sana sila sa Diyos
at napatawad sila.’”
Paliwanag sa Talinghaga tungkol sa Manghahasik(E)
13 Pagkatapos, tinanong sila ni Jesus, “Hindi pa ba ninyo nauunawaan ang talinghagang ito? Paano ninyo mauunawaan ang iba pang mga talinghaga? 14 Ito ang kahulugan ng talinghaga: ang binhing inihahasik ay ang Salita ng Diyos 15 at ang mga binhi namang nalaglag sa daan ay ang mga taong nakikinig sa Salita ng Diyos. Pagkarinig nila'y dumarating si Satanas at inaalis ang salitang inihasik sa kanila.[a]
16 “Ang katulad ng mga binhing nalaglag sa batuhan ay ang mga taong nakikinig ng Salita ng Diyos at agad na tinatanggap ito nang may galak. 17 Subalit hindi ito tumitimo sa kanila kaya't hindi sila nagtatagal. Pagdating ng kapighatian o pag-uusig dahil sa Salita ng Diyos, agad silang sumusuko.
18 “Ito naman ang katulad ng mga binhing nalaglag sa may matitinik na halaman. Sila ang mga taong nakikinig ng Salita ng Diyos 19 ngunit dahil sa alalahanin sa buhay na ito, pagkasilaw sa salapi, o kaya'y pagkahumaling sa ibang mga bagay, ang Salita ay nawawalan ng puwang sa kanilang puso kaya't hindi ito nakakapamunga.
20 “Ito naman ang katulad ng mga binhing nalaglag sa matabang lupa. Sila ang mga taong nakikinig at tumatanggap sa Salita ng Diyos at namumunga nang masagana; may tigtatatlumpu, may tig-aanimnapu at may tig-iisandaan.”
Read full chapterFootnotes
- Marcos 4:15 sa kanila: Sa ibang manuskrito'y sa kanilang mga puso .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.