Marcos 9
Ang Biblia, 2001
9 Sinabi niya sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito na hindi makakatikim ng kamatayan, hanggang sa makita nila ang kaharian ng Diyos na dumarating na may kapangyarihan.”
Ang Pagbabagong Anyo ni Jesus(A)
2 Pagkaraan(B) ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at Juan, at dinala silang bukod sa isang mataas na bundok. Siya'y nagbagong-anyo sa harap nila;
3 at ang kanyang damit ay naging nagniningning na puti na walang sinuman sa lupa na makapagpapaputi ng gayon.
4 At doo'y nagpakita sa kanila si Elias na kasama si Moises at sila'y nakikipag-usap kay Jesus.
5 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Rabi, mabuti sa atin ang dumito. Hayaan ninyong gumawa kami ng tatlong kubol; isa sa iyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.”
6 Sapagkat hindi niya alam kung ano ang sasabihin dahil sila'y lubhang natakot.
7 Pagkatapos,(C) nililiman sila ng isang ulap at may isang tinig na nanggaling sa ulap, “Ito ang aking Anak, ang Minamahal;[a] siya ang inyong pakinggan!”
8 Nang bigla silang tumingin sa paligid, wala silang nakitang sinumang kasama nila maliban kay Jesus lamang.
9 Habang bumababa sila sa bundok, iniutos niya sa kanila na huwag sabihin kaninuman ang kanilang nakita, hanggang sa ang Anak ng Tao ay magbangon mula sa mga patay.
10 Kaya't kanilang iningatan ang pananalitang ito sa kanilang sarili, na pinag-uusapan kung ano ang kahulugan ng pagbangon mula sa mga patay.
11 At(D) tinanong nila siya, “Bakit sinasabi ng mga eskriba na kinakailangang dumating muna si Elias?”
12 Sinabi niya sa kanila, “Tunay na si Elias ay unang dumarating at nagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay. At paanong nasusulat ang tungkol sa Anak ng Tao na siya'y magdurusa ng maraming bagay at itatakuwil?
13 Ngunit sinasabi ko sa inyo, tunay na dumating na si Elias at ginawa nila sa kanya ang anumang kanilang naibigan ayon sa nasusulat tungkol sa kanya.”
Pinagaling ni Jesus ang Batang Inaalihan ng Masamang Espiritu(E)
14 Nang dumating sila sa mga alagad, nakita nilang napakaraming tao sa kanilang paligid at ang mga eskriba na nakikipagtalo sa kanila.
15 Nang makita siya ng maraming tao, agad silang namangha at tumakbo upang batiin siya.
16 Sila'y kanyang tinanong, “Ano ang ipinakikipagtalo ninyo sa kanila?”
17 At isa sa maraming tao ay sumagot sa kanya, “Guro, dinala ko sa iyo ang aking anak na lalaki na may isang piping espiritu.
18 Tuwing siya'y aalihan nito, ibinubuwal siya, nagbububula ang kanyang bibig, nagngangalit ang kanyang mga ngipin at siya'y naninigas. Sinabi ko sa iyong mga alagad na palayasin iyon ngunit hindi nila magawa.”
19 Sumagot siya at sinabi sa kanila, “Kayong lahing walang pananampalataya, hanggang kailan pa ako makikisama sa inyo? Hanggang kailan pa ako magtitiis sa inyo? Dalhin ninyo siya sa akin.”
20 At dinala nila ang batang lalaki sa kanya. Nang makita siya ng espiritu, agad nitong pinangisay ang bata at siya'y nalugmok sa lupa, at nagpagulung-gulong na bumubula ang bibig.
21 Tinanong ni Jesus[b] ang ama, “Gaano katagal nang nangyayari ito sa kanya?” Sinabi niya, “Mula pa sa pagkabata.
22 Madalas na siya'y inihahagis nito sa apoy at sa tubig upang siya'y puksain, ngunit kung mayroon kang bagay na magagawa, maawa ka sa amin at tulungan mo kami.”
23 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung kaya mo! Ang lahat ng bagay ay maaaring mangyari sa kanya na nananampalataya.”
24 Agad sumigaw ang ama ng bata na sinasabi, “Nananampalataya ako; tulungan mo ang kawalan ko ng pananampalataya!”
25 At nang makita ni Jesus na dumarating na sama-samang tumatakbo ang maraming tao, sinaway niya ang masamang espiritu, na sinasabi, “Ikaw na pipi at binging espiritu, iniuutos ko sa iyo, lumabas ka sa kanya at huwag ka nang papasok muli sa kanya.”
26 Pagkatapos magsisigaw at lubhang pangisayin ang bata, lumabas ito at ang bata'y naging anyong patay, kaya't marami ang nagsabing siya'y patay na.
27 Ngunit hinawakan siya ni Jesus sa kamay, at siya'y ibinangon at nagawa niyang tumayo.
28 Nang pumasok siya sa bahay, palihim na tinanong siya ng kanyang mga alagad, “Bakit hindi namin iyon napalayas?”
29 Sinabi niya sa kanila, “Ang ganitong uri ay napapalayas lamang sa pamamagitan ng panalangin.”[c]
Muling Binanggit ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(F)
30 Umalis sila roon at nagdaan sa Galilea at ayaw niyang malaman ito ng sinuman.
31 Sapagkat tinuturuan niya ang kanyang mga alagad na sa kanila'y sinasabi, “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga kamay ng tao at siya'y papatayin nila. Tatlong araw matapos siyang patayin, siya'y muling mabubuhay.”
32 Ngunit hindi nila naunawaan ang kanyang sinabi at natakot silang magtanong sa kanya.
Sino ang Pinakadakila?(G)
33 Nakarating sila sa Capernaum at nang siya'y nasa bahay na ay tinanong niya sila, “Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?”
34 Ngunit(H) sila'y tumahimik, sapagkat sa daan ay pinagtatalunan nila kung sino ang pinakadakila.
35 Siya'y(I) umupo, tinawag ang labindalawa at sa kanila'y sinabi, “Kung sinuman ang nagnanais na maging una, siya'y dapat maging huli sa lahat at lingkod ng lahat.”
36 Kinuha niya ang isang maliit na bata at inilagay sa gitna nila. Siya'y kanyang kinalong at sa kanila'y sinabi,
37 “Ang(J) sinumang tumatanggap sa isa sa mga ganitong bata sa aking pangalan, ako ang tinatanggap at ang sinumang tumatanggap sa akin ay hindi ako ang tinatanggap, kundi ang nagsugo sa akin.”
Ang Hindi Laban sa Atin ay Panig sa Atin(K)
38 Sinabi sa kanya ni Juan, “Guro, nakita namin ang isang tao na nagpapalayas ng mga demonyo sa pangalan mo at pinagbawalan namin siya, sapagkat hindi siya sumusunod sa atin.”
39 Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat walang taong gumagawa ng makapangyarihang gawa sa pangalan ko ang agad na makapagsasalita ng masama tungkol sa akin.
40 Sapagkat(L) ang sinumang hindi laban sa atin ay panig sa atin.
41 Sapagkat(M) tunay na sinasabi ko sa inyo, ang sinumang magpainom sa inyo ng isang tasang tubig dahil sa kayo'y kay Cristo, ay hindi mawawalan ng kanyang gantimpala.
Mga Batong-Katitisuran(N)
42 “At kung ang sinuman ay magbigay ng katitisuran sa isa sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin, mabuti pang bitinan ang kanyang leeg ng isang malaking gilingang bato at itapon sa dagat.
43 Kung(O) ang kamay mo ay nakapagpapatisod sa iyo, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na baldado, kaysa may dalawang kamay at mapunta sa impiyerno, sa apoy na hindi mapapatay,
[44 na kung saan ang kanilang mga uod ay hindi namamatay, at ang apoy ay hindi napapatay.]
45 Kung ang paa mo'y nakapagpapatisod sa iyo, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na pilay kaysa may dalawang paa ka at maitapon sa impiyerno,
[46 na kung saan ang kanilang mga uod ay hindi namamatay, at ang apoy ay hindi napapatay.]
47 Kung(P) ang mata mo'y nakapagpapatisod sa iyo, dukitin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa kaharian ng Diyos na may isang mata, kaysa may dalawang mata at mabulid sa impiyerno,
48 na(Q) kung saan ang kanilang mga uod ay hindi namamatay, at ang apoy ay hindi napapatay.
49 Sapagkat bawat isa'y aasinan ng apoy.[d]
50 Mabuti(R) ang asin ngunit kung tumabang ang asin, ano ang inyong ipagpapaalat dito? Magkaroon kayo ng asin sa inyong mga sarili at kayo'y magkaroon ng kapayapaan sa isa't isa.
Footnotes
- Marcos 9:7 o ang Minamahal kong Anak .
- Marcos 9:21 Sa Griyego ay niya .
- Marcos 9:29 Sa ibang mga kasulatan ay panalangin at pag-aayuno .
- Marcos 9:49 Sa ibang mga kasulatan ay may dagdag na at bawat handog ay aasnan ng asin .