Marcos 8:14-21
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Pampaalsa ng mga Pariseo at ni Haring Herodes(A)
14 Nakalimutan ng mga tagasunod ni Jesus na magdala ng tinapay. Iisa lang ang baon nilang tinapay sa bangka. 15 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsa[a] ng mga Pariseo at ni Haring Herodes.” 16 Nag-usap-usap ang mga tagasunod ni Jesus. Akala nila, kaya niya sinabi iyon ay dahil wala silang dalang tinapay. 17 Alam ni Jesus kung ano ang pinag-uusapan nila kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nagtatalo-talo na wala kayong dalang tinapay? Hindi pa ba kayo nakakaunawa? Hindi ba ninyo ito naiintindihan? Matigas pa rin ba ang mga puso ninyo? 18-19 May mga mata kayo, pero hindi kayo makakita. May mga tainga kayo, pero hindi kayo makarinig. Nakalimutan nʼyo na ba nang paghahati-hatiin ko ang limang tinapay para sa 5,000 tao? Ilang basket ang natira?” Sumagot sila, “Labindalawa po!” 20 Nagtanong pa si Jesus, “At nang paghahati-hatiin ko ang pitong tinapay para sa 4,000 tao ilang basket ang natira?” Sumagot sila, “Pito po!” 21 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi nʼyo pa rin ba naiintindihan ang sinabi ko tungkol sa pampaalsa?”
Read full chapterFootnotes
- 8:15 pampaalsa: sa Ingles, “yeast.” Ang tinutukoy ni Jesus dito ay ang masasamang ugali ng mga Pariseo at ni Herodes na maaaring makahawa sa kanila.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®