Marcos 7:14-37
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Nagpaparumi sa Tao(A)
14 Muling tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat sa akin at unawain ang sasabihin ko. 15 Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nagpaparumi sa kanya, kundi ang mga lumalabas sa kanya.” 16 [Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan!]
17 Pagkatapos, iniwan niya ang mga tao at pumasok sa bahay. Nang nasa loob na siya, tinanong siya ng mga tagasunod niya kung ano ang ibig sabihin ng talinghaga na iyon. 18 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Bakit, hindi nʼyo pa rin ba naiintindihan? Hindi nʼyo ba alam na anumang kainin ng tao ay hindi nakakapagparumi sa kanya? 19 Sapagkat anuman ang kainin niya ay hindi naman sa puso pumupunta kundi sa kanyang tiyan, at idudumi rin niya iyon.” (Sa sinabing ito ni Jesus, ipinahayag niya na lahat ng pagkain ay maaaring kainin.) 20 Sinabi pa ni Jesus, “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Dios. 21 Sapagkat sa puso ng tao nagmumula ang masamang pag-iisip na nagtutulak sa kanya na gumawa ng sekswal na imoralidad, pagnanakaw, pagpatay, 22 pangangalunya, kasakiman, at paggawa ng lahat ng uri ng kasamaan tulad ng pandaraya, kabastusan, inggitan, paninira sa kapwa, pagyayabang, at kahangalan. 23 Ang lahat ng kasamaang ito ay nanggagaling sa puso ng tao, at siyang nagpaparumi sa kanya.”
Ang Pananampalataya ng Babaeng Hindi Judio(B)
24 Umalis si Jesus mula roon at pumunta sa mga lugar na malapit sa Tyre. Pagdating niya roon, tumuloy siya sa isang bahay. Ayaw sana niyang malaman ng mga tao na naroon siya; pero hindi rin niya ito naitago. 25-26 Sa katunayan, nalaman agad ito ng isang ina na may anak na babaeng sinaniban ng masamang espiritu. Ang babaeng itoʼy taga-Fenicia na sakop ng Syria, at Griego ang kanyang salita. Pinuntahan niya agad si Jesus at nagpatirapa sa paanan nito, at nagmamakaawang palayasin ang masamang espiritu sa kanyang anak. 27 Pero sinagot siya ni Jesus sa pamamagitan ng isang kasabihan, “Dapat munang pakainin ang mga anak, dahil hindi tamang kunin ang pagkain ng mga anak at ihagis sa mga aso.” 28 Sumagot ang babae, “Tama po kayo, Panginoon, pero kahit mga aso sa ilalim ng mesa ay kumakain ng mga mumo na nailalaglag ng mga anak.” 29 Kaya sinabi ni Jesus sa kanya, “Dahil sa sagot mong iyan, maaari ka nang umuwi. Lumabas na sa anak mo ang masamang espiritu.” 30 Umuwi nga ang babae at nadatnan ang anak niya sa higaan, at wala na nga ang masamang espiritu sa kanya.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Pipiʼt Bingi
31 Pagbalik ni Jesus mula sa lupain ng Tyre, dumaan siya ng Sidon at umikot sa lupain ng Decapolis, at pagkatapos ay tumuloy sa lawa ng Galilea. 32 Doon, dinala sa kanya ng mga tao ang isang lalaking pipiʼt bingi. Nakiusap sila na ipatong ni Jesus ang mga kamay niya sa lalaki. 33 Inilayo muna ni Jesus ang lalaki sa mga tao. Pagkatapos, ipinasok niya ang kanyang mga daliri sa mga tainga ng lalaki, saka dinuraan ang kanyang mga daliri at hinipo ang dila nito. 34 Tumingala si Jesus sa langit, nagbuntong-hininga, at sinabi sa lalaki, “Effata!” na ang ibig sabihin, “Mabuksan ka!” 35 Pagkatapos nito, nakarinig na ang lalaki at nakapagsalita nang maayos. 36 Pinagbilinan niya ang mga tao na huwag ipamalita ang nangyari. Pero kahit pinagbawalan sila, lalo pa nila itong ipinamalita. 37 Manghang-mangha ang mga tao, at sinabi nila, “Napakagaling[a] ng ginawa niya! Kahit mga pipiʼt bingi ay nagagawa niyang pagalingin!”
Read full chapterFootnotes
- 7:37 Napakagaling: o, Napakabuti.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®